Tuwing may
makikita kayong mga bata na naghihirap, nakatira sa slum areas, nagugutom at
nag-iisa, huwag ninyo silang ipagwalang-bahala. Bigyan ninyo sila ng pansin at
tulungan. Ito ay naunawaan ni Efren Penaflorida, Jr. dahil minsang naging
ganoon din siya – nakatira sa open dumpsite, naglalaro sa imbakan ng basura
kung saan marumi, mabaho at ang mga bata ay nagugutom, nahihirapan at halos
hindi nakakapag-aral. Lumaki siyang mahirap at minsang naranasan ding ma-bully
ng ibang bata. Subalit hindi naging hadlang ang mga pangyayaring ito sa kanyang
buhay upang ipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral. Naging sponsored-child siya
ng World Vision noong siya ay preschool at natapos ang kanyang elementarya at
sekondarya ng may iba’t ibang parangal sa tulong ng CLUB 8586, isang youth
group na nagbibigay scholoarships at suportang pinansyal.
Taong 1997,
nang siya ay nasa hayskul, sinimulan niya ang Dynamic Teen Company na
naglalayong maibaling ng mga bata sa slum areas ang kanilang atensyon sa
pag-aaral, at pagpapaunlad ng sarili nilang kakayahan upang makatulong sa
komunidad. Ipinakita niya na may solusyon sa kahirapan at hindi nila kailangang
tahakin ang landas na puno ng kaguluhan at kapahamakan kundi piliin nila ang
daan na may pag-asa at magandang kinabukasan. Kaya naman, tuwing sabado, siya
at ang mga kasama niya ay pumupunta sa iba’t ibang mga lugar sa kanilang
lungsod na tulak-tulak ang kanilang paaralang kariton na may mga libro, laruan
at gamit pang-eskuwela. Tinuturuan nila silang magbasa, magsulat at alagaan ang
kanilang sarili. Isa itong simple pero napakahalagang gawain ni Efren at ng mga kasama niya at ng mga
batang nais matuto, humanap ng pag-asa at makatulong rin sa iba.
Kasabay ng
pagtuturo niyang ito sa mga bata, ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang
pag-aaral sa kolehiyo. Taong 2000 nang nakapagtapos siya ng Computer Technology
sa San Sebastian College- Recoletos de Cavite ng may karangalan. Nag-aral din
siya ng pangalawang kurso na Secondary Education sa Cavite State University-
Cavite City Campus na may karangalang cum laude.
Dahil sa
sakripisyo niyang ipinamalas, ini-nominate siya para sa CNN Heroes ng Club 8586,
ang youth group na tumulong sa kanya dati. Mula sa 9,000 nominees sa halos 100
bansa, pinili siya ng CNN’s Blue Ribbon Panel na isa sa 28 na mga bayani sa
taong 2009. At noong November 22,2009 ay
pinarangalan siyang CNN Hero of the Year sa toong 2009.
Tunay na kahanga-hanga ang buhay at sakripisyong ipinamalas ni Efren upang bigyan ng pag-asa ang mga batang nais maabot ang kanilang mga pangarap. Isa na naman itong patunay na hindi hadlang ang kahirapan upang makamit ang pangarap at makatulong din naman sa iba. Nawa ang kanyang buhay ay maging isang inspirasyon sa mga batang nais matupad ang kanilang mga pangarap at nagtitiwala na walang imposible sa Diyos na tutulong sa kanila upang maabot ang mga pangarap na iyon.
Mabuhay ka Efren Penaflorida! Isa kang natatanging bayani. Pagpalain ka nawa ng ating Diyos at pagkalooban ng mahabang buhay upang maging kagamit-gamit ang iyong buhay sa paglilingkod sa Diyos na Siya rin namang nagkaloob sa iyo ng lakas at talento para makamit ang iyong mga pangarap.
Sa Diyos ang lahat ng papuri!
(Sanggunian: https://en.wikipedia.org/wiki/Efren_Pe%C3%B1aflorida)
(Sanggunian: https://en.wikipedia.org/wiki/Efren_Pe%C3%B1aflorida)