Ang Mga Tsuper sa Pilipinas
Sipi Mula sa Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga
Pilipino
Mga Kuwentong Barbero ni Bob Ong
Talambuhay ng
May-Akda
Hindi katulad ng
ibang manunulat, mahirap hanapin ang talambuhay ni Roberto “Bob” Ong. Ayon sa
mga artikulo sa internet, hindi tunay na pangalan ng manunulat ang Bob Ong.
Nais niyang itago ang kanyang tunay na pagkatao upang magawa niya ang mga bagay
na nais niyang gawin at mailahad niya ang kanyang mga pananaw at opinyon nang
walang alinlangan. Ayon din kay Bob Ong, hindi na raw niya kailangang magsulat
ng kanyang talambuhay para malaman ng tao ang kanyang pakay sapagkat nakalahad
na ito sa mga librong kanyang naisulat. Ang mga naisulat niyang libro ay ang
green book o ABNKKBSNPLAKo (2001); ang yellow book o Bakit Baliktad Magbasa ng
Libro ang mga Pilipino? (2002); ang black book o ang Ang Paboritong Libro ni
Hudas (2003); ang orange book o ang Alamat ng Gubat (2003); ang white book o
ang Stainless Longganisa (2005); at ang red book o ang Macarthur (2007).
Kabilang rin sa mga librong kanyang isinulat ang Kapitan Sino (2009), Ang mga
Kaibigan ni Mama Susan (2010), at Lumayo Ka Nga sa Akin (2011).
Masasabing malayo na ang narating ni
Bob Ong para sa isang manunulat na ayaw magpakilala at ilantad ang sarili sa
kanyang mga taga-hanga. Sa kasalukuyan, ang kanyang mga libro ay ginagamit sa
book reports at pagsusuring pampanitikan sa iba’t ibang paaralan. Patuloy na
tinatangkilik ng mga mambabasa ang libro ni Bob Ong kahit na hindi nila
lubusang nakikilala ang kanyang pagkatao.
Bakit
Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino
Mga
Kuwentong Barbero ni Bob Ong
Ang librong ito ang
ikalawang akdang isinulat ni Bob Ong at inilathala noong 2002. Tumatalakay ito
sa mga kuwentong barbero, mga opinyon ng tao at mga artikulo mula sa BobongPinoy.com
kung saan ang manunulat ang mismong webmaster nito.
Ang
BobongPinoy.com ay ang website ni Bob Ong na tumatalakay sa mga kapintasan at
kagandahan ng pagiging Pilipino. Itinatag ito nang maupo sa pagka-presidente si
Joseph Estrada, at binuwag matapos itong bumaba sa kanyang pagsisilbi. Dito,
malayang nakapag-uusap ang mga Pilipino, sa loob at labas ng bansa, para
talakayin ang mga nangyayari sa kanilang bayan. Malayang nakapagpapalitan ng
kuru-kuro ang mga bisita ng BobongPinoy.com hinggil sa mga isyu sa pamahalaan.
Sabi nga ni Bob Ong dito, para siyang hinarap sa milyon-milyong mambabasa para
ihayag ang kanyang pakay gamit ang internet. Sa website na ito ay nakapagsalita
ang mga Pilipino at naipahayag nila ang kanilang saloobin sa harap ng marami
pang Pilipino at mga banyaga.
Dahil
nga sa pagbuwag ng naturang website, naisipan ni Bob Ong na isalin sa isang
libro ang laman ng BobongPinoy. Dito nga nagbunga ang Bakit Baliktad Magbasa ng
Libro ang mga Pilipino. Tinawag rin itong yellow book dahil binalak ‘di umano ng
may-akda na gayahin ang “For Dummies” book series.
Ang Mga Tsuper
sa Pilipinas
Sipi Mula sa Bakit Baliktad Magbasa ng
Libro ang mga Pilipino
Mga Kuwentong Barbero ni Bob Ong
Ah…drivers! Sinong
Pinoy ba ang walang kwento tungkol sa kanila? Sa mahabang karanasan ko bilang
pasahero, eto ang mga tsuper ng Pilipinas:
BAGGAGE BOYS. Mga
driver na sa pilahan pa lang ng jeep e masinop na. Pilit na sinisiksik ang mga
pasahero at hindi umaandar ang sasakyan hanggang hindi nakakapagsakay ng 20
katao sa upuan na pang-14. Bukambibig: “Kasya pa, dalawa pa ‘yan, kabilaan!”
PACMAN. Baggage Boys
na matakaw sa pasahero hanggang sa highway. Walang sinasantong “No
Loading/Unloading” signs. Hinihintuan ang lahat ng tao na pwedeng isakay,
parang video game player na nag-iipon ng points at naghahangad ng bonus.
Bukambibig: “Sige, konting bilis lang ho at bawal dito bumaba.”
FORMULA ONE. Mga
kaskaserong piloto na nagpapalipad ng jeep. Di tulad ng Pacman, maraming
pasaherong nilalagpasan ang Formula One. Para sila laging mauubusan ng lupa. Sa
sobrang bilis magpatakbo, lahat ng pasahero e nakakapit nang mahigpit sa
hawakang bakal. Bukambibig: (Wala. Hindi nakakausap.)
SCREWD DRIVER. Asiwa
at mainit lagi ang ulo. Galit sa mga pedestrian, galit sa mga vendors, galit sa
mga pasahero, galit sa mga pulis, galit sa mga kapwa driver, galit sa mundo.
Sumisigaw, nagdadabog, at nagmumura bawat tatlumpong segundo. Bukambibig: “!^@%#.”
KUYA BODJIE. Ang
tsuper na masayahin. Laging nakangiti at sumisipol. Malugod na bumabati sa
lahat ng nakakasalubong sa daan. Perpekto na sana si Kuya Bodjie kung hindi
lang s’ya madalas na sanhi ng heavy traffic. Bukambibig: “Kamusta? Kamusta na
ang pag-aaral ng mga bata? Susundan n’yo na ba ni mare si …ano nga ang pangalan
ng bunso mo, pare? Ano na ang nangyari sa inaaplayan mong trabaho sa Saudi?”
SI MANONG. Matandang
driver na may matandang jeep. Yung tipong binubuo na lang ng kalawang ang
sasakyan n’ya at pwedeng kakitaan ng mga itlog ng dinosaur. Madalas ring
tumirik ang makina, at talo ang mga pabrika sa usok ng tambutso. Kadalasan
naka-tune in si Manong sa AM radio at nakikipagpalitan ng kuro-kurong politikal
sa katabing pasahero. Bukambibig: “Lipat na lang kayo sa kabilang jeep,
nasiraan tayo.”
DON FACUNDO. May
hihigit pa ba kay Manong? Oo, ang matandang mahilig−si Don Facundo, ang DOM na
driver! Hitik sa green jokes at mga bukambibig na: “Sakay na, sexy, iuuwi na
kita” o “Konting ipit para di mangamoy!”
DISC JOCKEY. Ang
sound-tripper tsuper. Ultimo konsensya mo hindi mo maririnig sa sobrang lakas
ng stereo n’ya. Lahat ng bagay sa loob ng sasakyan e kumakalabog at
kumakalansing sa tugtog. Aakalain mo ring may on-going party sa loob ng jeep
dahil sa dami ng kaibigan n’yang nakaangkas. Parang naki-hitch ka lang sa
pribadong sasakyan. Bukambibig: (Hindi mo maririnig sa sobrang ingay.)
THE SUPER PINOY
DRIVER. Marunong sumunod sa batas trapiko. Magalang sa mga pasahero. Hindi
nanlalamang sa mga kapwa driver. At ayos magpatakbo ng sasakyan. Isa lang ang
problema, hindi pa s’ya ipinapanganak.
Pagsusuri
Gamit
ng Wika
Katulad ng paglalahad
ni Bob Ong sa iba’t ibang klase ng high school students, gumamit din siya sa
akdang ito ng lantaran at nakatutuwang paglalarawan upang talakayin ang mga uri
ng tsuper sa ating bansa. Gumamit din siya ng mga termino at mga karakter na
tamang-tama sa katangian ng bawat klase ng tsuper.
Ang paggamit ni Bob Ong ng ekspresyong
‘e’ ay kapansin-pansin sa lahat ng kanyang akda. Ipinakikita nito ang estilo ng
awtor na gumagamit ng paraang kombersasyonal na naririnig niya sa mga
karaniwang Pilipino.
Gumamit din si Bob Ong ng Taglish na
isang halimbawa ng code switching upang mas maging kawili-wili ang kanyang
paglalarawan sa bawat uri ng tsuper. Ginamit niya ang lengguwahe ng mamamayan
at maging ng mga kabataan sa kasalukuyan.
Ayon kay Bob Ong, gaya ng nabanggit
niya sa kanyang librong Stainless Longganisa (2005), nagsusulat siya hindi para
maging modelo ng wastong paggamit ng salita at tamang komposisyon. Hindi rin
niya alintana ang mga batas at depinisyon sa pagsulat dahil ito raw ay masakit
sa ulo. Idinagdag din niya na lahat ng kilalang manunulat na nabuhay sa mundo
ay may opinyon sa pagsusulat na kumukontra sa opinyon ng iba pang manunulat.
Binanggit din niya sa librong ito na nirerespeto niya ang balarila subalit
hanggang sa punto lamang na maiintindihan siya ng mga nakararaming tao.
Gumagamit si Bob Ong ng mga simpleng
salita, ekspresyon, paglalarawan at mga pahayag na nais niyang madali siyang
maunawaan ng kanyang mga mambabasa sapagkat gusto niyang makapagbigay kawilihan
at maging ng kaalaman sa mga akdang kanyang isinulat.
Panitikan
Maituturing na isang
satira ang siping Ang mga Tsuper ng Pilipinas. Ang satira ay isang akdang
pumupuna sa mga bisyo at kahinaan ng tao o lipunan sa paraang mapagpatawa,
mapangkutya at may layuning magbunga ng pagbabago. Inilarawan ni Bob Ong sa
paraang katawa-tawa ang iba’t ibang tsuper sa ating bansa. Hindi man niya
lantarang sinasabi na huwag gayahin ang mga tsuper na ito, maliban sa The Super
Pinoy Driver, sa paraan naman ng kanyang paglalarawan ay mahihinuha ng
mambabasa na hindi nararapat ang ginagawa ng bawat tsuper at may dapat silang
baguhin sa kanilang mga nakasanayang gawain.
Kapansin-pansin ang teoryang
Realismo sa akdang ito. Sa teoryang Realismo, higit na mahalaga ang katotohanan
kaysa kagandahan. Hangad nito ang makatotohanang paglalahad at paglalarawan ng
mga bagay, tao, lipunan at alin pa mang pwedeng mapatunayan sa pamamagitan ng
pag-iisip ng tao. Higit na binibigyang pansin ng Realismo ang paraan ng
paglalarawan at hindi ang uri ng paksa ng isang akda. Ipinakikita sa siping Ang
Mga Tsuper ng Pilipinas ang mga karanasan at nasaksihan ng may-akda sa kanyang
lipunan. Ipinahayag niya ang kanyang mga obserbasyon, ang totoong katangian ng
bawat tsuper at ang mga tunay na pangyayari sa loob ng jeep.
Gumamit din ng mga tayutay si Bob
Ong sa akdang ito. Gumamit siya ng pagtutulad at pagmamalabis dito. Halimbawa,
inihalintulad niya sa player ng video game na pacman ang mga tsuper na matakaw
sa pasahero hanggang sa highway. Inihalintulad din niya kay Kuya Bodjie, ang
masayahing host ng programang Batibot, ang mga tsuper na palangiti at malugod
na bumabati sa mga nakakasalubong sa daan. Isang pagmamalabis naman ang paglalarawan
niya sa mga kaskaserong tsuper na tila nagpapalipad na ng jeep at wari ba ay
lagi silang mauubusan ng lupa. Maituturing rin na pagmamalabis ang paglalarawan
niya sa sasakyan ng tsuper na si Manong na tipong binubuo na lamang ng kalawang
ang jeep at talo pa ang mga pabrika sa usok ng tambutso.
Sa paggamit ni Bob
Ong ng mga tayutay ay mas nailarawan niya nang mabuti at naihambing niya ang
mga paksa sa isang paraan na nakatutuwa, malikhain at nauunawaan ng kanyang mga
mambabasa. Sinadya niyang ganito ang kanyang paglalarawan upang mapa-isip at
makita ng kanyang mga mambabasa na totoong ganito ang katangian ng mga tsuper
sa ating bansa.
Mga
Karagdagang Pagsusuri at Pagtataya
Napili ko ang akdang ito sapagkat
katulad ng Isang Dosenang Klase ng High School Students, inisa-isang ilarawan
naman ni Bob Ong dito sa paraang nakakatawa ang mga tsuper sa ating bansa.
Hindi niya lamang ginamit ang wika upang ipahayag ang kanyang mga naoobserbahan
sa kanyang paligid kundi ginamit niya ito kaakibat ng kanyang estilo sa
mabisang paglalarawan upang ipakita ang reyalidad at buksan ang isipan ng mga
mambabasa sa nararapat na gawin.
Kung magkakaroon ako ng pagkakataon
na maituro ang siping ito sa aking mga mag-aaral, narito ang aking mga isaaalang-alang
sa pagtalakay nito:
Una, magsasaliksik ako upang
maipaliwanag sa kanila nang mabuti kung bakit ang bawat salita, termino o
karakter ang ginamit ni Bob Ong sa pagkukumpara at paglalarawan sa bawat uri ng
tsuper. Sa paraang ito ay mas lalong magiging malinaw para sa aking mga
mag-aaral ang bawat salitang ginamit at maaaring mas kawilihan at kalugdan nila
ang akdang ito. Magiging maingat din ako sa pagtalakay ng ilang lantarang
pagpapahayag lalo na sa paglalarawan kay Don Facundo upang maunawaan ng mga
bata na ito ay isa lamang paghahambing at nagsisiwalat lamang ng maaaring
karaniwan din nilang napapansin sa ilang mga tsuper.
Pangalawa, isa-isa kong tutukuyin
ang mga kahinaan at kalakasan ng bawat uri ng tsuper upang mabalanse kong
matalakay ang mga ito at makita ng mga estudyante na ang bawat uri ay may
pagkakaiba at kanya-kanyang katangian. Sa pagtalakay ko dito ay bubuksan ko rin
namin ang kanilang mga isipan upang makita rin nila ang kanilang mga katangian
partikular na ang kanilang mga kahinaan o pagkukulang at kalakasan o mga
abilidad.
Pangatlo, bibigyang pansin ko rin na
ang The Super Pinoy Driver ay inilagay ni Bob Ong bilang isang pamantayan kung
ano ang nararapat na gawin ng mga drayber. Ang pagsunod sa batas trapiko,
paggalang sa pasahero, hindi panlalamang sa kapwa driver at maayos na
pagpapatakbo ng sasakyan ay isang perpektong paglalarawan sa isang mahusay na
driver. Ipaliliwanag ko sa aking mga estudyante na posibleng hindi sila
makakilala ng ganitong uri ng drayber sapagkat ang bawat tao ay may kahinaan at
may kanya-kanyang katangian. Nasasaatin na lamang kung paano natin gagamitin at
pagtatagumpayan ang ating mga kahinaan upang mas maging bukas tayo sa pagbabago
at patuloy na magampanan ang nararapat nating gawin sa kabila ng ating mga
kahinaang ito.
Konklusyon
Tunay na naiiba ang estilo ni Bob
Ong sa pagsulat ng mga akda. Ang kanyang pagsulat ay hindi katulad ng ibang
manunulat na gumagamit ng mga malalalim na mga salita, halimbawa o
paglalarawan. Napakatotoo at napakanatural ang kanyang pagpapahayag kaya naman
hindi makakailang naaayon sa panlasa ng masa ang kanyang mga akda. Ang isa pang
magandang punto sa kanyang pagsulat ay hindi lamang niya nilalayon na maglahad
ng mga nakatutuwang pangyayari kundi nais rin niyang buksan ang isipan ng
kanyang mga mambabasa hinggil sa katotohanan at tunay na nangyayari sa kanilang
kapaligiran at maging bukas sila sa pagbabago.
Mga
Sanggunian:
Almario, Virgilio S.
(2010). UP Diksiyonaryong Filipino. Pasig City: ANVIL Publishing, Inc.
Ong, Bob. (2002).
Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? Mga Kuwentong Barbero ni Bob Ong. Pasay City: VISPRINT, INC.
Ong, Bob. (2005). Stainless
Longganisa. Pasay City: VISPRINT, INC.