Thursday, February 28, 2013

Ang Mga Tsuper ng Pilipinas


Ang Mga Tsuper sa Pilipinas
Sipi Mula sa Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino
Mga Kuwentong Barbero ni Bob Ong



Talambuhay ng May-Akda

            Hindi katulad ng ibang manunulat, mahirap hanapin ang talambuhay ni Roberto “Bob” Ong. Ayon sa mga artikulo sa internet, hindi tunay na pangalan ng manunulat ang Bob Ong. Nais niyang itago ang kanyang tunay na pagkatao upang magawa niya ang mga bagay na nais niyang gawin at mailahad niya ang kanyang mga pananaw at opinyon nang walang alinlangan. Ayon din kay Bob Ong, hindi na raw niya kailangang magsulat ng kanyang talambuhay para malaman ng tao ang kanyang pakay sapagkat nakalahad na ito sa mga librong kanyang naisulat. Ang mga naisulat niyang libro ay ang green book o ABNKKBSNPLAKo (2001); ang yellow book o Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? (2002); ang black book o ang Ang Paboritong Libro ni Hudas (2003); ang orange book o ang Alamat ng Gubat (2003); ang white book o ang Stainless Longganisa (2005); at ang red book o ang Macarthur (2007). Kabilang rin sa mga librong kanyang isinulat ang Kapitan Sino (2009), Ang mga Kaibigan ni Mama Susan (2010), at Lumayo Ka Nga sa Akin (2011).

            Masasabing malayo na ang narating ni Bob Ong para sa isang manunulat na ayaw magpakilala at ilantad ang sarili sa kanyang mga taga-hanga. Sa kasalukuyan, ang kanyang mga libro ay ginagamit sa book reports at pagsusuring pampanitikan sa iba’t ibang paaralan. Patuloy na tinatangkilik ng mga mambabasa ang libro ni Bob Ong kahit na hindi nila lubusang nakikilala ang kanyang pagkatao.


Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino
Mga Kuwentong Barbero ni Bob Ong

            Ang librong ito ang ikalawang akdang isinulat ni Bob Ong at inilathala noong 2002. Tumatalakay ito sa mga kuwentong barbero, mga opinyon ng tao at mga artikulo mula sa BobongPinoy.com kung saan ang manunulat ang mismong webmaster nito.

            Ang BobongPinoy.com ay ang website ni Bob Ong na tumatalakay sa mga kapintasan at kagandahan ng pagiging Pilipino. Itinatag ito nang maupo sa pagka-presidente si Joseph Estrada, at binuwag matapos itong bumaba sa kanyang pagsisilbi. Dito, malayang nakapag-uusap ang mga Pilipino, sa loob at labas ng bansa, para talakayin ang mga nangyayari sa kanilang bayan. Malayang nakapagpapalitan ng kuru-kuro ang mga bisita ng BobongPinoy.com hinggil sa mga isyu sa pamahalaan. Sabi nga ni Bob Ong dito, para siyang hinarap sa milyon-milyong mambabasa para ihayag ang kanyang pakay gamit ang internet. Sa website na ito ay nakapagsalita ang mga Pilipino at naipahayag nila ang kanilang saloobin sa harap ng marami pang Pilipino at mga banyaga.

            Dahil nga sa pagbuwag ng naturang website, naisipan ni Bob Ong na isalin sa isang libro ang laman ng BobongPinoy. Dito nga nagbunga ang Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino. Tinawag rin itong yellow book dahil binalak ‘di umano ng may-akda na gayahin ang “For Dummies” book series.

Ang Mga Tsuper sa Pilipinas
Sipi Mula sa Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino
Mga Kuwentong Barbero ni Bob Ong


            Ah…drivers! Sinong Pinoy ba ang walang kwento tungkol sa kanila? Sa mahabang karanasan ko bilang pasahero, eto ang mga tsuper ng Pilipinas:

BAGGAGE BOYS. Mga driver na sa pilahan pa lang ng jeep e masinop na. Pilit na sinisiksik ang mga pasahero at hindi umaandar ang sasakyan hanggang hindi nakakapagsakay ng 20 katao sa upuan na pang-14. Bukambibig: “Kasya pa, dalawa pa ‘yan, kabilaan!”

PACMAN. Baggage Boys na matakaw sa pasahero hanggang sa highway. Walang sinasantong “No Loading/Unloading” signs. Hinihintuan ang lahat ng tao na pwedeng isakay, parang video game player na nag-iipon ng points at naghahangad ng bonus. Bukambibig: “Sige, konting bilis lang ho at bawal dito bumaba.”

FORMULA ONE. Mga kaskaserong piloto na nagpapalipad ng jeep. Di tulad ng Pacman, maraming pasaherong nilalagpasan ang Formula One. Para sila laging mauubusan ng lupa. Sa sobrang bilis magpatakbo, lahat ng pasahero e nakakapit nang mahigpit sa hawakang bakal. Bukambibig: (Wala. Hindi nakakausap.)

SCREWD DRIVER. Asiwa at mainit lagi ang ulo. Galit sa mga pedestrian, galit sa mga vendors, galit sa mga pasahero, galit sa mga pulis, galit sa mga kapwa driver, galit sa mundo. Sumisigaw, nagdadabog, at nagmumura bawat tatlumpong segundo. Bukambibig: “!^@%#.”

KUYA BODJIE. Ang tsuper na masayahin. Laging nakangiti at sumisipol. Malugod na bumabati sa lahat ng nakakasalubong sa daan. Perpekto na sana si Kuya Bodjie kung hindi lang s’ya madalas na sanhi ng heavy traffic. Bukambibig: “Kamusta? Kamusta na ang pag-aaral ng mga bata? Susundan n’yo na ba ni mare si …ano nga ang pangalan ng bunso mo, pare? Ano na ang nangyari sa inaaplayan mong trabaho sa Saudi?”

SI MANONG. Matandang driver na may matandang jeep. Yung tipong binubuo na lang ng kalawang ang sasakyan n’ya at pwedeng kakitaan ng mga itlog ng dinosaur. Madalas ring tumirik ang makina, at talo ang mga pabrika sa usok ng tambutso. Kadalasan naka-tune in si Manong sa AM radio at nakikipagpalitan ng kuro-kurong politikal sa katabing pasahero. Bukambibig: “Lipat na lang kayo sa kabilang jeep, nasiraan tayo.”

DON FACUNDO. May hihigit pa ba kay Manong? Oo, ang matandang mahilig−si Don Facundo, ang DOM na driver! Hitik sa green jokes at mga bukambibig na: “Sakay na, sexy, iuuwi na kita” o “Konting ipit para di mangamoy!”

DISC JOCKEY. Ang sound-tripper tsuper. Ultimo konsensya mo hindi mo maririnig sa sobrang lakas ng stereo n’ya. Lahat ng bagay sa loob ng sasakyan e kumakalabog at kumakalansing sa tugtog. Aakalain mo ring may on-going party sa loob ng jeep dahil sa dami ng kaibigan n’yang nakaangkas. Parang naki-hitch ka lang sa pribadong sasakyan. Bukambibig: (Hindi mo maririnig sa sobrang ingay.)

THE SUPER PINOY DRIVER. Marunong sumunod sa batas trapiko. Magalang sa mga pasahero. Hindi nanlalamang sa mga kapwa driver. At ayos magpatakbo ng sasakyan. Isa lang ang problema, hindi pa s’ya ipinapanganak.

Pagsusuri

Gamit ng Wika

            Katulad ng paglalahad ni Bob Ong sa iba’t ibang klase ng high school students, gumamit din siya sa akdang ito ng lantaran at nakatutuwang paglalarawan upang talakayin ang mga uri ng tsuper sa ating bansa. Gumamit din siya ng mga termino at mga karakter na tamang-tama sa katangian ng bawat klase ng tsuper.
           
            Ang paggamit ni Bob Ong ng ekspresyong ‘e’ ay kapansin-pansin sa lahat ng kanyang akda. Ipinakikita nito ang estilo ng awtor na gumagamit ng paraang kombersasyonal na naririnig niya sa mga karaniwang Pilipino.

            Gumamit din si Bob Ong ng Taglish na isang halimbawa ng code switching upang mas maging kawili-wili ang kanyang paglalarawan sa bawat uri ng tsuper. Ginamit niya ang lengguwahe ng mamamayan at maging ng mga kabataan sa kasalukuyan.

            Ayon kay Bob Ong, gaya ng nabanggit niya sa kanyang librong Stainless Longganisa (2005), nagsusulat siya hindi para maging modelo ng wastong paggamit ng salita at tamang komposisyon. Hindi rin niya alintana ang mga batas at depinisyon sa pagsulat dahil ito raw ay masakit sa ulo. Idinagdag din niya na lahat ng kilalang manunulat na nabuhay sa mundo ay may opinyon sa pagsusulat na kumukontra sa opinyon ng iba pang manunulat. Binanggit din niya sa librong ito na nirerespeto niya ang balarila subalit hanggang sa punto lamang na maiintindihan siya ng mga nakararaming tao.

            Gumagamit si Bob Ong ng mga simpleng salita, ekspresyon, paglalarawan at mga pahayag na nais niyang madali siyang maunawaan ng kanyang mga mambabasa sapagkat gusto niyang makapagbigay kawilihan at maging ng kaalaman sa mga akdang kanyang isinulat.  


Panitikan

            Maituturing na isang satira ang siping Ang mga Tsuper ng Pilipinas. Ang satira ay isang akdang pumupuna sa mga bisyo at kahinaan ng tao o lipunan sa paraang mapagpatawa, mapangkutya at may layuning magbunga ng pagbabago. Inilarawan ni Bob Ong sa paraang katawa-tawa ang iba’t ibang tsuper sa ating bansa. Hindi man niya lantarang sinasabi na huwag gayahin ang mga tsuper na ito, maliban sa The Super Pinoy Driver, sa paraan naman ng kanyang paglalarawan ay mahihinuha ng mambabasa na hindi nararapat ang ginagawa ng bawat tsuper at may dapat silang baguhin sa kanilang mga nakasanayang gawain.

            Kapansin-pansin ang teoryang Realismo sa akdang ito. Sa teoryang Realismo, higit na mahalaga ang katotohanan kaysa kagandahan. Hangad nito ang makatotohanang paglalahad at paglalarawan ng mga bagay, tao, lipunan at alin pa mang pwedeng mapatunayan sa pamamagitan ng pag-iisip ng tao. Higit na binibigyang pansin ng Realismo ang paraan ng paglalarawan at hindi ang uri ng paksa ng isang akda. Ipinakikita sa siping Ang Mga Tsuper ng Pilipinas ang mga karanasan at nasaksihan ng may-akda sa kanyang lipunan. Ipinahayag niya ang kanyang mga obserbasyon, ang totoong katangian ng bawat tsuper at ang mga tunay na pangyayari sa loob ng jeep.

            Gumamit din ng mga tayutay si Bob Ong sa akdang ito. Gumamit siya ng pagtutulad at pagmamalabis dito. Halimbawa, inihalintulad niya sa player ng video game na pacman ang mga tsuper na matakaw sa pasahero hanggang sa highway. Inihalintulad din niya kay Kuya Bodjie, ang masayahing host ng programang Batibot, ang mga tsuper na palangiti at malugod na bumabati sa mga nakakasalubong sa daan. Isang pagmamalabis naman ang paglalarawan niya sa mga kaskaserong tsuper na tila nagpapalipad na ng jeep at wari ba ay lagi silang mauubusan ng lupa. Maituturing rin na pagmamalabis ang paglalarawan niya sa sasakyan ng tsuper na si Manong na tipong binubuo na lamang ng kalawang ang jeep at talo pa ang mga pabrika sa usok ng tambutso.

            Sa paggamit ni Bob Ong ng mga tayutay ay mas nailarawan niya nang mabuti at naihambing niya ang mga paksa sa isang paraan na nakatutuwa, malikhain at nauunawaan ng kanyang mga mambabasa. Sinadya niyang ganito ang kanyang paglalarawan upang mapa-isip at makita ng kanyang mga mambabasa na totoong ganito ang katangian ng mga tsuper sa ating bansa.


Mga Karagdagang Pagsusuri at Pagtataya

            Napili ko ang akdang ito sapagkat katulad ng Isang Dosenang Klase ng High School Students, inisa-isang ilarawan naman ni Bob Ong dito sa paraang nakakatawa ang mga tsuper sa ating bansa. Hindi niya lamang ginamit ang wika upang ipahayag ang kanyang mga naoobserbahan sa kanyang paligid kundi ginamit niya ito kaakibat ng kanyang estilo sa mabisang paglalarawan upang ipakita ang reyalidad at buksan ang isipan ng mga mambabasa sa nararapat na gawin.

            Kung magkakaroon ako ng pagkakataon na maituro ang siping ito sa aking mga mag-aaral, narito ang aking mga isaaalang-alang sa pagtalakay nito:

            Una, magsasaliksik ako upang maipaliwanag sa kanila nang mabuti kung bakit ang bawat salita, termino o karakter ang ginamit ni Bob Ong sa pagkukumpara at paglalarawan sa bawat uri ng tsuper. Sa paraang ito ay mas lalong magiging malinaw para sa aking mga mag-aaral ang bawat salitang ginamit at maaaring mas kawilihan at kalugdan nila ang akdang ito. Magiging maingat din ako sa pagtalakay ng ilang lantarang pagpapahayag lalo na sa paglalarawan kay Don Facundo upang maunawaan ng mga bata na ito ay isa lamang paghahambing at nagsisiwalat lamang ng maaaring karaniwan din nilang napapansin sa ilang mga tsuper.

            Pangalawa, isa-isa kong tutukuyin ang mga kahinaan at kalakasan ng bawat uri ng tsuper upang mabalanse kong matalakay ang mga ito at makita ng mga estudyante na ang bawat uri ay may pagkakaiba at kanya-kanyang katangian. Sa pagtalakay ko dito ay bubuksan ko rin namin ang kanilang mga isipan upang makita rin nila ang kanilang mga katangian partikular na ang kanilang mga kahinaan o pagkukulang at kalakasan o mga abilidad.

            Pangatlo, bibigyang pansin ko rin na ang The Super Pinoy Driver ay inilagay ni Bob Ong bilang isang pamantayan kung ano ang nararapat na gawin ng mga drayber. Ang pagsunod sa batas trapiko, paggalang sa pasahero, hindi panlalamang sa kapwa driver at maayos na pagpapatakbo ng sasakyan ay isang perpektong paglalarawan sa isang mahusay na driver. Ipaliliwanag ko sa aking mga estudyante na posibleng hindi sila makakilala ng ganitong uri ng drayber sapagkat ang bawat tao ay may kahinaan at may kanya-kanyang katangian. Nasasaatin na lamang kung paano natin gagamitin at pagtatagumpayan ang ating mga kahinaan upang mas maging bukas tayo sa pagbabago at patuloy na magampanan ang nararapat nating gawin sa kabila ng ating mga kahinaang ito.





Konklusyon

            Tunay na naiiba ang estilo ni Bob Ong sa pagsulat ng mga akda. Ang kanyang pagsulat ay hindi katulad ng ibang manunulat na gumagamit ng mga malalalim na mga salita, halimbawa o paglalarawan. Napakatotoo at napakanatural ang kanyang pagpapahayag kaya naman hindi makakailang naaayon sa panlasa ng masa ang kanyang mga akda. Ang isa pang magandang punto sa kanyang pagsulat ay hindi lamang niya nilalayon na maglahad ng mga nakatutuwang pangyayari kundi nais rin niyang buksan ang isipan ng kanyang mga mambabasa hinggil sa katotohanan at tunay na nangyayari sa kanilang kapaligiran at maging bukas sila sa pagbabago.




Mga Sanggunian:

Almario, Virgilio S. (2010). UP Diksiyonaryong Filipino. Pasig City: ANVIL Publishing, Inc.

Ong, Bob. (2002). Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? Mga Kuwentong     Barbero ni Bob Ong. Pasay City: VISPRINT, INC.

Ong, Bob. (2005). Stainless Longganisa. Pasay City: VISPRINT, INC.






No comments:

Post a Comment