Saturday, February 16, 2013

Isang Dosenang Klase ng High School Students



Isang Dosenang Klase ng High School Students
Sipi mula sa ABNKKBSNPLAKo?!
Ni Bob Ong



Pagpapakilala sa May-akda

            Ang Bob Ong o Roberto Ong ay ang sagisag panulat ng isang kontemporanyong Pilipinong manunulat na kilala sa paggamit ng impormal na Filipino sa pagsulat ng nakatatawa at sumasalaming paglalarawan sa buhay bilang isang Pilipino.
            Ang sagisag panulat na “Bob Ong” ay nabuo noong mga panahon na ang manunulat ay nagtatrabaho bilang isang web developer at guro. Nilikha niya ang Bobong Pinoy website na kanyang inatupag sa mga libre niyang oras. Nabuo ang kanyang sagisag panulat nang may isang taong nakipag-ugnayan sa kanya sa pag-aakalang siya ay totoong taong nagngangalang Bob Ong. Ang site ay nakatanggap ng People's Choice Philippine Web Award for Weird/Humor noong 1998, ngunit ito ay isinara noong pinatalsik sa pwesto ang dating Pangulong Joseph Estrada matapos ang Second People Power Revolution.
            Madalas akalain na si Bob Ong at ang Filipino-Chinese na manunulat na si Charlson Ong ay iisa. Subalit, ayon sa nabanggit ni Bob Ong sa kanyang aklat na Stainless Longganisa, siya ay hindi talaga Filipino-Chinese at hindi rin nya totoong apelyido ang "Ong”. Ang apelyidong "Ong" ay nagmula lamang sa pangalan ng kanyang website na BobOng Pinoy. Inakala rin noon na ang makata at propesor ng literatura mula sa Unibersidad ng Pilipinas na si Paolo Manalo ay si Bob Ong, ngunit itinanggi niya ito.
            Isa pang haka-haka ang nagsasabi na ang tagatanggap ng parangal na Carlos Palanca Memorial para sa Panitikan na si Eros Atalia, nagtapos sa Philippine Normal University at ngayon ay nagtuturo sa University of Santo Tomas, ay si Bob Ong. Siya ay naglathala din ng dalawang aklat na may pamagat na "Peksman, Mamatay ka Man Nagsisinungaling Ako" at "Lapit na me, Ligo na u". Ang paraan ng pagsusulat ni Atalia ay maihahantulad sa paraan ng pagsusulat ni Bob Ong.
            Ang tunay na pangalan ng manunulat na ito ay hindi nalaman. Mas pinili ni Bob Ong na itago sa publiko ang sarili niyang identidad – walang larawan, panayam sa telebisyon, o book launchings man lamang. Ayon din mismo sa kanya, ayaw niyang magpakilala dahil sa hindi niya kayang magbayad ng hinihinging kapalit ng kasikatan. Gusto niyang magpatuloy mamuhay at magsulat bilang isang ordinaryong Pilipino. Dahil dito, nananatiling isang misteryo ang katauhan niya sa mundo ng mga mapagtanong na tao.



            Ang sumusunod ay ang mga librong sinulat ni Bob Ong:

Taon
Pamagat
2001
ABNKKBSNPLAKo?!
2002
Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?
2003
Ang Paboritong Libro ni Hudas
Alamat ng Gubat
2005
Stainless Longganisa
2007
Macarthur
2009
Kapitan Sino
2010
Ang mga Kaibigan ni Mama Susan
2011
Lumayo Ka Nga Sa Akin


ABNKKBSNPLAko?!
            Ang ABNKKBSNPLAko?! ay ang pinakauna at pinakasikat na nobelang sinulat ni Bob Ong. Sinalaysay sa librong ito ang mga nakatutuwang karanasan ng may-akda noong siya ay isa pa lamang estudyante. Inalala rin niya ang mga pangyayari sa kanyang buhay noong siya ay nasa elementarya pa lamang hanggang sa siya ay magkolehiyo at makapasok sa kanyang unang trabaho.


Isang Dosenang Klase ng High School Students

            Ayon sa akdang ito, may labindalawang klase raw ng high school students.

1. Clowns
            Sila ang mga laging nagpapatawa sa klase. Para sa mga guro, sila ang mga          KSP na dahil hindi naman matalino ay idinadaan na lang sa patawa ang            pagpapapansin.


2. Geeks
            Sila ang mga walang pakialam sa mundo at puro pag-aaral lang ang iniintindi.


3. Hollow Man
            Ito ay may dalawang uri. Ang Type A ay ang mga estudyanteng madalas invisible dahil absent. Ang Type B naman ay ang mga mag-aaral na      bagama’t present ay   invisible naman madalas ang sagot sa mga quiz dahil             hollow ang utak.


4. Spice Girls
            Barkadahan ng mga kababaihang mahilig gumimik at magpaganda. Lagi silang     magkakasama at late pumapasok ng room pagkatapos ng recess at lunch break.


5. Da Gwapings
            Sila ang male counterpart ng Spice Girls at lagi silang nagpapa-cute. Kaunti lang   ang myembro nito, mga dalawa hanggang apat lang, para mas pansin ang bawat     isa.


6. Celebrities
            Sila ang mga politicians, athletes at performers. Ang mga politicians ay ang mga   palaban na mag-aaral na mas nag-aalala pa sa kalagayan ng eskuwelahan at             kapwa             estudyante kaysa kanilang pag-aaral. Ang mga athletes ay ang mga            varsity players na hindi magaling sa klase. At ang mga performers naman             ay ang mga estudyanteng kaya lang yata pumapasok sa paaralan ay para            makasayaw,   makakanta at magpakitang-gilas. Sa pangkalahatan, ang mga   celebrities ay   may matinding PR, pero mababang IQ.  


7. Guinness
            Sila ang mga masisikap na estudyante. Masinop sila sa mga projects at aktibo r    in sa recitation kahit laging mali ang kanilang sagot.


8. Leather Goods
            Sila ang mga estudyanteng may maling uri ng determinasyon. Lagi silang determinado sa harapang pangongopya at pandaraya.


9. Weirdos
            Sila ang mga problematic students at tinuturing na black sheep ng klase. May       kanya-kanya silang katangian, kagaya ng konti ang kaibigan, madalas   mapaaway, mababa ang grades at teacher’s enemy.


10. Mga Anak ni Rizal
            Sila ang mga well rounded na mga mag-aaral. Magaling sila sa academics at sa   extra-curricular activities pero may panahon pa rin upang gumimik.


11. Bob Ongs
            Sila ang mga medyo matino na medyo may sayad. Sila yung mga estudyante na             habang nagle-lecture ang guro ay kung ano-ano ang ginagawa at iniisip.


12. Commoners
            Sila ang mga generic na miyembro ng klase. Kulang sila sa individuality at hindi    sila kaagad napapansin ng mga guro tuwing sila ay absent.

            Posibleng may mga estudyante na ang katangian ay kombinasyon ng mga nabanggit. Posible ring hindi lahat ng uri ng estudyante ay makikita sa iisang klase.



Pagsusuri at Pagkukumpara sa Nailathala sa Batikan at sa Orihinal na Akda

            Sa aking pagsusuri, napansin ko na may ilang salita na magkaiba ang pagkakabaybay sa Batikan kumpara sa orihinal na akda. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:


Orihinal na Akda
Batikan
kenkoy
kengkoy
eskuwelahan
eskwelahan
pangongopya
pangungopya

            Isa-isa nating suriin ang mga salitang ito. Una ay ang salitang kenkoy. Ang nailathala sa orihinal na akda ay walang ‘g’ sa pagitan ng mga titik ‘n’ at ‘k’ samantalang ang nailathala sa Batikan ay may titik ‘g’. Sa salitang ito, masasabi ko na mas tama ang nailathala sa orihinal na akda na walang ‘g’ sa salitang kenkoy. Ang paliwanag dito ay may kinalaman sa asimilasyon. Ang asimilasyon ay tumutukoy sa pagbabagong anyo ng morpema dahil sa impluwensiya ng mga katabing tunog nito. Isang halimbawa ang panlaping sin- na maaaring manatiling sin- kung ang sinundang letra ay nagtatapos sa d,l,r,s, at t; magiging sim- kung b at p naman ang sinundan; at magiging sing- kung ang sinundan ay ang mga natitirang katinig.

            Sa kaso ng salitang kenkoy, hindi natin magagamit ang tuntunin ng asimilasyon sapagkat hindi naman nating maituturing na unlapi ang ken sa salitang kenkoy dahil hindi naman salitang ugat ang koy. Sa madaling salita, nararapat na pinanatili ng tagapaglathala ng Batikan ang nakalagay sa orihinal na akda na kenkoy na walang ‘g’ sapagkat iyon ang mas tama.  

            Sumunod naman ay ang salitang eskuwelahan. Sa orihinal na akda ay mapapansin natin ang titik ‘u’ sa pagitan ng ‘k’ at ‘w’. Masasabi ko rin dito na mas tama at nararapat na sinunod ang nasa orihinal na akda. Ang salitang eskuwelahan ay mula sa salitang Espanyol na ‘escuela’ at batay sa ating bagong ortograpiya, ang mga salitang hiram na Espanyol na may kambal-patinig ay nararapat singitan ng w sa mga sumusunod na posisyon.

            Sa pagbabagong naganap sa ikatlong salita na pangongopya na naging pangungopya, masasabi ko na ito ay katanggap-tanggap at walang problema rito sapagkat ito ay sakop ng ponemang malayang nagpapalitan.

            Isa pa sa aking napansin ay ang pagkaltas ng ekspresyong “e” sa Batikan at pagpalit dito ng kuwit. Halimbawa nito ay ang sumusunod.

Orihinal na Akda
Type B naman ang mga mag-aaral na bagama’t present e invisible naman madalas ang sagot sa mga quiz.
Batikan
Type B naman ang mga mag-aaral na bagama’t present, invisible naman madalas ang sagot sa mga quiz.

            Nararapat na pinanatili ng tagapaglathala ng Batikan ang ekspresyong ‘e’ sapagkat pinakikita nito ang estilo ng awtor na gumagamit ng paraang kombersasyonal na naririnig niya sa mga karaniwang Pilipino. Ang ganitong estilo ni Bob Ong ay masasaksihan sa halos lahat niyang akda.

            Narito pa ang ilang pagkakaiba sa nailathala sa Batikan at sa orihinal na akda.

Orihinal na Akda
Batikan
magpa-cute
magpacute
Performers naman ang mga estudyanteng kaya lang yata pumapasok sa eskuwela e para makasayaw, makakanta at makatula…
Performers naman ang mga estudyanteng pumapasok lang sa eskwela para makasayaw, makakanta at makatula…
Hari ng Math, Science, at English
Hari ng math, science at English
Hindi sila kagad napapansin ng teacher pag absent…
Hindi sila kagad napapansin ng teacher pag-absent…

            Sa salitang magpa-cute, nararapat ang paglalagay ng gitling sapagkat ito ay code-mixing. Kapag may hiram na salitang ginamit, nararapat na may gitling kapag nilagyan ito ng unlapi. Kung wala itong gitling, gaya ng nakalagay sa Batikan, ang pagbasa dito ay /magpacute/.

            Sa sumunod naman ay tila iba na ang pakahulugan nito. Sa orihinal na akda ay hindi sigurado kung ito ang motibo ng mga bata sa pagpasok sa paaralan. May benefit of a doubt ‘ika nga. Subalit ang nailathala sa Batikan ay tila judgmental ang dating o tila sinasabing pumapasok lamang sila sa paaralan upang magpasikat.

            Sa sumunod naman ay mapapansin natin na naka-capitalize ang mga asignaturang Math at Science at may kuwit na naghihiwalay sa Scinece at English sa orihinal na akda samantalang sa Batikan ay hindi natin ito makikita.  Sa pagkakataong ito, dapat naging maingat ang tagapaglathala ng Batikan sa paggamit ng capital letters at kuwit. Sa paglalagay ng kuwit sa pagitan ng Science at English, ipinakikita lamang sa orihinal na akda na hiwalay ang asignaturang Science sa English.

            At sa huling napansin ko naman, makikita ang pagkakaroon ng gitling sa pagitan ng ‘pag’ at ‘absent’ samantalang wala nito sa orihinal. Mas tama at nararapat ang nailathala sa orihinal sapagkat nangangahulugan ito ng kapag wala ang isang estudyante o kapag absent siya. Hindi ito nangangahulugan ng absence o pagkawala gaya ng ipinahihiwatig ng nakalagay sa Batikan.

Mga Karagdagang Pagsusuri

            Kapansin-pansin ang kakaibang estilo ng pagsulat ni Bob Ong sa kanyang mga inilathalang libro. Gumamit si Bob Ong ng estilong lantarang paglalarawan upang isiwalat ang bawat uri ng estudyante sa high school. Ang akda niyang ito ay isang uri ng satira o isang akdang pumupuna sa mga bisyo at kahinaan ng tao, partikular ang mga estudyante, sa paraang mapagpatawa, mapangkutya at may layuning magbunga ng pagbabago. Kinutya ni Bob Ong sa paraang katawa-tawa ang mga estudyanteng laging nangongopya at mga mag-aaral na mas gustong maging sikat sa buong klase o sa eskuwelahan subalit hindi naman mahusay sa pag-aaral. Ang prangkang paglalarawan niyang ito ay maaaring kawilihan at tanggapin ng iba o di naman kaya ay kasuklaman at hindi tanggapin ng iba. Kawiwilihan ito at tatanggapin ng mga estudyanteng nakikilala ang kanilang sarili at natutukoy ang kanilang mga kahinaan at kalakasan. Ang mga estudyanteng ito ay bukas ang isipan at handang magbago para sa kanilang ikabubuti. Sa ibang mag-aaral naman na sensitibo at hind sanay sa pagbabasa ng mga akda na nagsisiwalat ng katotohanan, maaari silang masaktan at mapahiya sa kanilang mga kaklase. Maaaring mas lalo nilang isara ang isip nila sa pagharap sa katotohanan at manatili sa hindi nararapat na gawain.

            Gumamit din si Bob Ong ng Taglish na isang halimbawa ng code switching upang mas maging kawili-wili ang kanyang paglalarawan sa bawat klase ng estudyante. Ginamit niya ang lengguwahe ng mga kabataan sa kasalukuyan.

            Ang paggamit din ni Bob Ong ng mga karaniwang salitang ating ginagamit, lalo na ng mga kabataan sa ngayon, gaya ng KSP, bad trip, may sayad, gimik at iba pa ay kapansin-pansin sa akdang ito. Napaka-Pilipino ang paggamit niya sa mga salita at napakatotoo at natural ang kanyang pagpapahayag kaya naman hindi katakatakang patok sa panlasa ng masa ang kanyang mga akda.

            Gumamit din siya ng isang idyoma at tayutay. Black sheep ang itinuring niya sa mga mag-aaral na kalimitang problemado at mga hindi maunawaan ng guro. Ikinumpara naman niya ang mga anak ni Rizal o mga well rounded students sa endangered species at ang mga mag-aaral na laging harapang nangongopya na talo pa ang balat ng mga buwaya sa pakapalan.

            Kung ating mapapansin, nagsulat si Bob Ong ng mga bagay na mahirap intindihin para sa mga elite. Maaaring kung hindi ka galing sa pampublikong paaralan ay hindi mo masyadong maiintindihan ang ilang tinalakay nya sa kanyang librong ABNKKBSNPLAko?! at maging sa akda niyang Isang Dosenang Klase ng High School Students. Sa ganitong paraan ng pagsusulat, nakakalikha siya ng isang tahimik at temporaryong pagbabago sa lipunan. Para bang tumataas ang tingin ng masa sa kanilang sarili dahil alam nilang sila lamang ang may kakayahang umintindi ng mga naisusulat ni Bob Ong. Magaling si Bob Ong para sa masa dahil nakikita nila ang kanilang mundong ginagalawan sa pagbabasa lamang ng libro.
           
            Patok na patok ang mga libro ni Bob Ong dahil ang mga ito ay nakakatawa at magandang pampalipas-oras. Subalit hindi lamang ito ang nais niyang ipamahagi sa mga mambabasa kung hindi ang kamalayan sa identidad na namamayani sa lahing Pilipino.
           

Konklusyon

            Naiiba ang estilo ni Bob Ong sa pagsulat ng mga akda. Ang kanyang paraan ng pagsulat ay siguradong kawiwilihan ng mga kabataan sa kasalukuyan. Hindi lamang niya nilalayon na maglahad ng mga nakatutuwang pangyayari kundi nais rin niyang buksan ang isipan ng kanyang mga mambabasa hinggil sa katotohanan at tunay na nangyayari sa kanilang kapaligiran.
           
            Sa akdang Isang Dosenang Klase ng High School Students, makikita ng mga mag-aaral na nasa ika-7 baitang ang iba’t ibang uri ng mga kaklase na maaari nilang makasalamuha o makasama. Mabubuksan ang kanilang isipan kung anong klaseng identidad ang nais nila para sa kanilang sarili. Matutukoy rin nila kung aling grupo ng mga kaklase o kaibigan ang kanilang nararapat na kabilangan.

Rekomendasyon
           
            Narito ang aking mga rekomendasyon hinggil sa pagtuturo ng akdang ito sa mga mag-aaral sa ika-pitong baitang at maging sa pagtuturo ng iba pang akda na nakalathala sa Batikan.

            Una, nararapat na hindi lamang umasa ang guro sa kung ano ang nakalathala sa Batikan. Mabuting basahin ang orihinal upang lubusang makita ang paraan ng pagsulat o estilo ng awtor at mabigyang diin ang tumpak na mga salitang ginamit sa orihinal na akda.

            Pangalawa, isang mabuting paraan din ang manaliksik hinggil sa manunulat ng akda upang mabigyan ang mga mag-aaral ng ideya higgil sa paraan ng pagsulat ng may-akda at maibahagi ang mga dahilan kung bakit siya maituturing na mahusay na manunulat.

            Pangatlo, sa pagtuturo ng Isang Dosenang Klase ng High School Students sa mga mag-aaral sa ika-pitong baitang, nararapat ang tama at balanseng pagtalakay ng mga guro upang makita ng mga mag-aaral ang sarili nilang mga kalakasan at kahinaan at maging bukas sila sa pagbabago.



Mga Sanggunian:

Ong, Bob. (2001). ABNKKBSNPLAKo?!. Pasay City: VISPRINT, INC.



1 comment:

  1. Ito ay produkto ng aming pagsusuri sa aming klase sa Wika at Literatura sa gabay ng aming propesor na si Dr. Lakandupil C. Garcia.

    ReplyDelete