Sunday, July 14, 2013

Impeng Negro

Impeng Negro
Rogelio Sicat
  
            “Baka makikipag-away ka na naman, Impen?”
            Tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.
            “Hindi ho,” paungol niyang tugon.
            “Hindi ho…,” ginagad siya ng ina. “Bayaan mo nga sila. Kung papansinin mo’y lagi ka ngang mababasag-ulo.”
            May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.
            Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang kamay at pagkaraa’y naghilamos.
            “Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niya ang bilin ng ina. “Wala nang gatas si Boy. Eto ang pambili.”
            Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok ng kanyang higaan. Ngunit kailangan lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.
            Umingit ang sahig ng kanilang barung-barong nang siya’y pumasok.
            “Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”

            Sa sulok ng kanyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na giris. Nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinapasuso.
            “Mamaya, baka umuwi ka na namang... basag ang mukha.”
            Bahagya na niyang maulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid. Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong nasa tagiliran ng nanggigimalmal na mesang kainan. Nagsisikain pa.
            Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano. Ang sumunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama’y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kanyang biyas.
            Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga damit nila Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.
            “Iyan na’ng isuot mo.” Parang nahulaan na ng kanyang ina ang kanyang iniisip.
            Isinuot niya ang kanyang kamiseta. Lapat na lapat sa kanya ang kamisetang iyon noong bagong bili ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot iyon ngunit wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina sa paglalaba, mahina rin ang kanyang kita sa pag-aagwador.
            Nagbalik siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluy-tuloy niyang tinungo ang hagdan.
            “Si Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kanyang ina. “Huwag mo nang papansinin.”
            Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.
            Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahan siya ng ina. Huwag daw siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang biling ito ngunit sadya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag narinig niya ang masasakit na panunukso sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.
            Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya. Ang malimit magsimula ng panunukso.
            “Ang itim mo, Impen!” itutukso nito.
            “Kapatid mo ba si Kano?” isasabad ng isa sa mga nasa gripo.
            “Sino ba talaga ang tatay mo?”
            “Sino pa,” isisingit ni Ogor, “di si Dikyam!”
            Sasambulat na ang nakakabinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari ng gripo.
            Noong una sinasagot niya ang mga panunuksong ito.
            “E ano kung maitim?” isasagot niya.
            Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa’y bigla na lamang nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kanyang batok.
            “Negrung-negro ka nga, Negro,” tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: “Tingnan mo ang buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso… Namamalirong!
            Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya sa sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya. Ang tatay niya’y isang sundalong Negro na nang maging anak siya’y biglang nawala sa Pilipinas.
            Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan nilang pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?)
            “Sarisari ang nagiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka makatatlo pa ang kanyang nanay ngayon!”
            Noong kabuntisan ng kanyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barung-barong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At siya ang napagtuunan ng sarisaring panunukso.
            Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mula noon, nagsimula nang umalimpuyo sa kanyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng paghihimagsik, nagsusumigaw na paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.
            Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barung-barong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napatingin ang matatanda. Walang sinabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa niya ang isinisigaw ng mga paslit: Negro!
            Napapatungo na lamang siya.
            Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang mga langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.
            Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuturing na siya nitong kaaway, di kailanman binigyan ng pagkakataong maging kaibigan.
            Halos kasinggulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde ng tubig; tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.
            Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulo. Tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis sa pagkakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana’y huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.
            Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang may poso.
            “Tanghali na akong makakauwi nito.” Nausal niya habang binibilang sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng pila’y nasa labas pa niyon.
            Di kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging medya-agwa niyon ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay. May kumakain ng halu-halo.
Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kanyang tingin. Pinilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang balde, mabuti pa roon, kahit nakabilad sa init. Pasasaan ba’t iikli ang pila? Naisip niya. Makakasahod din ako.
            Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang sigaw mula sa tindahan:
            “Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti.”
            Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.
            “Negro,” muli niyang narinig. “Sumilong ka sabi e. Baka ka masunog!”
            Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya’y ang bilin ng ina, na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba niya papansinin si Ogor.
            Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng araw. Sa paligid ng balde, nakikita niya ang kanyang anino. Tumingala siya ngunit siya’y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang balat. Tila ibig ng matuklap ng kanyang balat sa batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang anit at sa ibabaw ng kanyang nguso. May butil na rin ng pawis sa kanyang ilong.
            Itinaas niya ang tirante ng kanyang kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang batok− kaylamig at kaysarap ng tubig sa kanyang batok. Malamig. Binasa niya ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila nangangalirang na naman ang kanyang balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balikat.
            “Negro!” Napatuwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor. “Huwag ka magbibilad. Doon ka sa lamig.”
            Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakita na nginingisian siya nito.
            Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni Ogor. Napabuntong-hininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sanang bumalik.
            May galak na sumusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya. Makakasahod na siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili. Pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.
            Datapwa’t, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, isasahod na lamang ang sa kanya, ay mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kanyang balikat. Si Ogor ang kanyang natingala. Malapit lang pala ang pinaghatiran nito ng tubig.
            “Gutom na ako, Negro.” sabi ni Ogor. “Ako muna.”
            Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog ang kanilang mga balde. Iginitgit din niya ang sa kanya, bahagya nga lamang at takot na paggitgit. Kadarating mo lamang, Ogor nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a.
            “Ako muna sabi, e,” giit ni Ogor.
            Bantulot niyang binawi ang balde. Nakatingin pa rin si Ogor. Itinaob niya ang kakaunting nasahod ng balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabot sa mga paa ni Ogor. Uuwi na ko, bulong nya sa sarili. Uuwi na ako. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib muli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.
            “Ano pa ba ang binubulong mo?”
            Hindi na niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng nabitawang balde. Napasigaw siya. Napaluhod siya sa madulas na semento. Kagyat na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kanyang utak. Habang nakaluhod, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa… Mapula… Dugo!
            Nangilabot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.
            “O-ogor… O-ogor…” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. “Ogor!” sa wakas ay naisigaw niya. Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagsigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng balding nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig sila ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga paang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.
            Bigla siyang bumaliktad. Nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma ang mga bisig.
            “O-ogor…”
           Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumuslit ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw siya. Umiiyak siyang gumugulong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha'y larawan ng matinding sakit.
               Matagal din bago napawi ang paninigas ng kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanyang mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.
            Si Ogor… Sa mula’t mula pa’y itinuring na siyang kaaway…. Bakit siya ginaganoon ni Ogor?
            Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli at tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.
            Bumagsak ang nawalan na panimbang na si Ogor. Nagyakap sila. Pagulung-gulong. Hindi siya bumitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sinunud-sunod niya: dagok, dagok, dagok… pahalipaw… papaluka… papatay.
            Sa pook na iyon, sa nakarimarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Maruming babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak. At siya’y isang maitim, hamak na Negro! Papatayin niya si Ogor, papatayin… papatayin!
            Dagok, dagok, dagok… Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makaibabaw kay Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang nararamdamang sakit. Wala siyang nararamdamang sakit!
            Kakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano… Si Boyet… Si Diding… At siya… Negro… Negro. Negro!
            Sa mga dagok ni Ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at nag-uumiri siyang umigtad. Napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok… kahit saan. Sa dibdib, sa mukha. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, dagok, dagok…
            Mahina na si Ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay. Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga mata. Dagok, papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok….
            Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.
            “Impen…”
            Muli niyang itinaas ang kamay.
            “I-Impen…” Halos hindi niya naririnig ang halinghing ni Ogor… Impen… s-suko na ako… s-suko… n-na a-ako.”
            Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor. Napatingala siya abut-abot ang paghingal. Makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan ang kanyang likod. May basang dugo’t lupa ang kanyang nguso.
            Maraming sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador. Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.
            Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng mga ito. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakikita niya’y pangingimi.
            Pinangingimian siya!
            May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod niya ang mga kamao, nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa’y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.
            Sa matinding sikat ng araw, tila siya ang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagihang larangan.



PAGPAPAHALAGA

            Kapag naririnig mo ang salitang rasismo, ano ang ideyang unang pumapasok sa iyong isip? Naiisip mo ba ang ideyang patungkol sa diskriminasyon ng lahi o pangkat-etniko? Kung isa ito sa iyong mga pananaw, tama ka.

           Tinatalakay sa akdang "Impeng Negro" ni Rogelio Sicat ang isyu hinggil sa racismo na maituturing na isa sa mga sakit ng ating lipunan. Ang rasismo ay ang paniniwala na ang lahi ang pangunahing tumutukoy sa katangian at kakayahan ng isang tao at ang pagkakaiba ng lahi ang nagbibigay ng likas na pangingibabaw ng isang partikular na lahi. Sa ilang kaso ng institusyunal na rasismo, may ilang pangkat ng lahi ang maaaring hindi bigyan ng mga karapatan o benepisyo, o makakuha ng preperensyal na trato. Masasaksihan natin ang rasismo sa iba't ibang bahagi ng ating lipunan- sa paaralan, sa pamayanan at maging sa mga pampubliko at pampribadong institusyon. Napakalaki ng epekto nito sa isang tao kaya nararapat na imulat ang isipan ng bawat mamamayan na ito ay iwasan at bigyang halaga ang pantay na pagtingin sa ating kapwa.

Mga Sanggunian:
http://tl.wikipedia.org/wiki/Rasismo
Agnes, W et al. (2012). Ang Batikan Bolyum XVI Blg. 1. Educational Resources   Corporation: Quezon City.

Ang Ambahan ni Ambo

Ang Ambahan ni Ambo
Ed Maranan




          Balisang nagising si Jack, malakas ang kabog ng dibdib. Uminom siya ng isang basong tubig. Kay samang panaginip! Nagkaroon ng malaking sunog sa bundok ng Halcon, umabot sa pinakatuktok. Natupok lahat ang mga puno at damo. Paghupa ng apoy ay siya namang pagdilim ng mga ulap. Na sinundan ng ilang araw na bagyo at bugso ng ulan. Nalusaw ang lupa at bato sa bundok ng Halcon, at unti-unti itong dumausdos patungong kapatagan, tangay ang lahat ng naiwang buhay na mga tao at iba pang nilalang. Nagtatangisan ang mga Mangyan sa pagkagunaw ng kanilang daigdig― habang siya ay walang puknat ang pagtakbo. Hindi niya malaman kung nasaan na ang kanyang Ate Anne at mga magulang…
            Umaga na pala. Pagbangon ni Jack ay dumungaw siya agad sa bintana. May tilamsik ng liwanag sa ituktok ng Halcon. Ang bundok ay parang isang tahimik na tanod, luntian at matayog. Bihira niyang makita itong walang suklob na ulap, tulad ngayon.
            “Balang araw, Jack,” sabi sa kanya ni Ambo noong nakaraang araw, “aakyatin natin iyan, hanggang doon sa ituktok, hanggang doon sa ulap!”
            Lumukso ang kanyang puso sa sinabing iyon ni Ambo.
            “Hoy, di maaaring di ako kasama!” sabad ni Anne, ang matandang kapatid ni Jack.
            “Tayong lahat, aakyatin natin ang mga ulap sa Halcon!” wika ni Ambo.
            Si Ambo ay isang batang Mangyan. Siya ang matalik na kaibigan ng dalawang taga-Maynilang si Jack at Anne. Ngayong umagang ito, parang mabigat ang dibdib ni Jack. Hindi mapawi sa kanyang isipan ang kanyang napanaginipan.
            “Naku, Daddy, Mommy, para pong totoong-totoo! Para nga akong humihingal pa sa pagod paggising ko…” bulalas ni Jack nang sila’y nag-aagahan na.
            “Para namang disaster movie ang panaginip mo!” tudyo ni Anne. “Yan kasi, palibhasa’y walang mapagpuyatang video dito sa Mindoro, midnight snack naman ang napagtripan, naimpatso tuloy at muntik nang bangungutin!”
            “Dati-rati, panay namang masasaya ang mga panaginip ko.” sabi ni Jack.

            Napatingin siya kay Pete, ang kanyang ama. Tahimik itong kumakain, tila nag-iisip nang malalim.
Inisip ni Pete ang nangyari kahapon. Silang apat na dumalo sa pagbibinyag ng isang
batang Mangyan. Ang pagbibinyag ay ginawa ng isang dayuhang misyonerong Kristiyano, na ilang taon nang nakikipamuhay sa mga katutubo ng bundok at sa pag-uugali, pananamit at pananalita’y aakalain mong isa nang Mangyan.
            Maraming Mangyan ang dumalo sa binyag, ngunit hindi sila lubos na masaya, kahit pa man umaapaw ang hapag ng kawayan sa dami ng pagkaing-gubat na pinag-ambag-ambagan ng maraming kamag-anak at kakilala. Ilan sa kanila ang naglakas loob na nagsalaysay ng kanilang mga karanasan nitong nakaraang araw. Isang matandang Mangyan ang huling nagsalita.
            “Saan pa po kami pupunta? Itinataboy kami ng mga nagmimina at nagtotroso mula sa aming tinitirhan. Itinaboy kami ng mga mang-aagaw ng lupa mula sa burol. Kami pong mga katutubo ay ipit na ipit na, paatras nang paatras sa bundok, at nalalayo kami sa aming pinagkukunan ng ikabubuhay. Para nang bulkang sasabog ang aming dibdib sa sama ng loob.”
            Nasaksihan ni Pete at Tet at ng dalawa nilang anak ang paghihimagsik ng loob at pagtulo ng luha ng mga Mangyan. Nang umiyak si Ambo ay nangilid din ang luha ng magkapatid.
            Si Jack at Anne, na kapwa tubong-Amerika ngunit laking Maynila at nakapaglakbay na sa ibayong dagat, ay dinala sa Mindoro ng kanilang mga magulang upang magkaroon ng “kakaibang karanasan” at “katutubong kaalaman”.
            Si Pete ay isang doktor. Si Tet ay isang guro, manunulat at mananaliksik. Ilang taon din silang naglagi at nagpakadalubhasa sa Amerika, bago naisipang umuwi sa Pilipinas upang doon palakihin ang dalawa nilang anak. Nanaig sa kanila ang hangaring makatulong sa anumang paraan para sa kanilang mga kababayan, matapos silang dumalo sa isang “solidarity congress” na idinaos sa San Francisco California, noong panahon ng Batas Militar, ilang taon na ang nakaraan.
            Isang delegasyon ng mga aktibista at mga pinuno ng katutubong Pilipino ang nagbigay ng iba’t ibang uri ng pagtatanghal― mga dula at tula, mga sayaw, mga video ng mga pangyayari sa Pilipinas sa ilalim ng diktadura, lalo na ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga katutubong Pilipino. Ang karaniwang tawag sa kanila ay mga “minorya” o “mga taong-bundok”, o kaya’y “mga pagano”.
            Naantig ang damdamin ng mag-asawa, at sila’y nagtanong kung paano makatutulong ang mga Pilipino sa ibayong dagat upang mapabuti ang kalagayan ng mga katutubo sa Pilipinas.
            “Maaari kayong magpadala ng mga pangkat na magsasagawa ng imbestigasyon sa aming tunay na kalagayan,” wika ng isang kinatawan ng mga Lumad sa Mindanao.
            “Maaari kayong sumulat at magsiwalat ng kasamaang dulot ng mga proyektong
nakasisira sa kalikasan, at sumasakop sa aming lupaing ninuno,” wika naman ng isang pinuno ng tribung taga-Kordilyera.
            “Maaari rin kayong magpadala ng mga maggagamot at mga guro sa aming pook upang bigyan ng lunas ang aming mga karamdaman at turuan kaming bumasa at sumulat, upang maipaglaban namin ang aming mga karapatan,“ payo naman ng isang tagapagsalita ng mga Mangyan.
Ilang buwan pagkatapos nilang dumalo sa kongresong iyon, pabalik na sa Pilipinas ang mag-asawang Pete at Tet, kasama ang kanilang dalawang anak. Sa Maynila na nila pag-aaralin sina Anne at Jack, habang sila’y lalahok sa mga proyektong may kinalaman sa pagtulong sa mga katutubong Pilipino. Maraming nagtaka kung bakit napagpasyahang umuwi ng mag-asawa, samantalang maaliwalas ang kanilang kinabukasan sa Amerika. At lalo silang nagtaka kung bakit madalas na dumalaw sina Pete at Tet sa mga katutubo na nasa malalayong bulubundukin ng Luzon, Kabisayaan at Mindanao. Sari-saring palagay at payo ang narinig ng mag-asawa mula sa mga kamag-anak― kabilang na ang kanilang mga magulang― mga kaibigan, at mga dating kamag-aral.
            “Bumalik na lang kayo sa Isteyts, alang-alang sa mga anak nyo! Tutal sa Amerika kayo nag-aral at nagkaanak, kaya sanay na kayo sa buhay-isteytsayd!”
            “Naku kailangan daw ngayon ang mga doktor at titser sa US, Saudi at Canada! Aplay na kayo! Sabay-sabay na tayong umalis! Wala na yatang pag-asa itong bayan natin!”
            “Ano? Medical mission na naman sa tribu? Mapagkamalan ka pang isang rebelde, kasi gusto mong tumulong sa mahihirap! Tingnan mo ang nangyari kay Dr. Bobby de la Paz at Dr. Johnny Escandor!”
            Alam ni Pete kung sino ang tinutukoy nila. Mga bayaning doktor na nangasawi habang nanggagamot sa mahihirap sa kanayunan. Pinagbintangan silang mga kasapi ng kilusang rebelde.
            “Anong mapapala nyo sa bundok? Malarya. At anong ibabayad sa inyong paggagamot? Manok, gulay, o kaya’y Diyos-na-lang-po-ang-bahalang-gumanti-sa inyo! Kailan mo pa mababawi ang daan-libong ginastos mo sa pag-aaral ng medisina?”
            “Ha? Ipinagpalit mo ang pagiging propesor sa UP sa pagtuturo sa mga taong nasa bundok, at wala ka pang suweldo?”
            Ngunit nangingiti na lamang ang mag-asawa. Malalim ang pagnanais nilang dumamay sa mga kababayan at kalahi nilang wika nga’y tinalikdan na ng panahon at pinabayaan na ng pamahalaan, sa kaunting panahong nakipamuhay sila sa mga katutubong ito, nagkaroon ng kahulugan ang kanilang buhay bilang manggagamot at guro.
            Matuling lumipas ang panahon, at nang malaki-laki na sina Anne at Jack, isinasama na sila ng kanilang mga magulang, tuwing bakasyon, sa kanilang medical mission at educational outreach sa iba’t ibang tribu sa Pilipinas. At ngayon ngang taong ito, naisipan ng mag-asawa na bumalik sa Mindoro upang muling dalawin ang kanilang mga kaibigang Mangyan.
            Dalawang buwan silang maninirahan sa bayan ng Pinagkamalayan, sa Silangang Mindoro. Ang bayang ito ay nasa burol sa paanan ng kabundukang kinaroroonan ng matayog na Halcon. Hindi makita halos ang ituktok nito, na tinatawag ng mga Mangyan na lagpas-ulap.
            Masigla ang magkapatid habang umaakyat sa kabundukan ang kanilang sasakyan. Ilang kilometro sa Pinagkamalayan, pataas na ang lupa. Dito nagsisimula ang gubat na laging maulap at maulan. Nasa ilang at liblib na pook na iyon ang Bagong Nayon, na siyang kinaroroonan ng mga Mangyang matagal nang kakilala ng kanilang mga magulang.
            Dito rin unang nakilala si Ambo. Halos magkasinggulang si Ambo at si Jack. Payat at may kaliitan si Ambo, samantalang si Jack mabulas na bata.
            “Bakit hindi ka nag-aral?” naitanong minsan ni Jack kay Ambo. Si Jack ay nasa ika-anim na baytang ng elementarya sa Maynila.
“Greyd tu na ako nang kami’y pinalayas sa aming nayon. Malapit kami noon sa iskul dito, kailangan pang maglakad nang napakalayo… kaya tumigil na lang ako… pati yung ibang mga bata, nahinto na rin…”
            Malungkot si Ambo tuwing nagkukuwento siya.
            “Isang araw, may dumating na mga tao, galing sa Maynila. May dala silang… ano ba yun?... papeles yata ang tawag. Magmimina raw sila ng karbon, o kaya’y ginto, sa aming lugar. Sila na nga ang nagpapaalis, sila pa ang galit…”
            Marami rin naming tanong si Ambo sa magkapatid.
            “Nagtataka yung ibang Mangyan dito. Bakit daw ‘Merikano yata ang pangalan n’yo, pati na ang mga magulang n’yo?”
            Natawa ang magkapatid.
            “Kasi,” paliwanag ni Jack, “sa Amerika kami pareho ipinanganak. Doon nagtapos ng pag-aaral ang Mommy at ang Daddy…”
            “Ang totoo,” wika naman ni Anne, “si Jack ay Santiago at ako’y Anna Maria. Ito ang mga pangalang pinili ng aming Lolo’t Lola, na may lahi raw Kastila! At ang buong pangalan ng aming mga magulang ay Pedrito at Teresita,” paliwanag ni Anne.
            Di malaman ni Ambo kung siya’y mapapatango o mapapailing. Lalo lamang siyang nalito sa paliwanag ng magkapatid.
            Ilang linggong nanirahan ang mag-anak sa Bagong Nayon. Masayang-masaya si Jack at si Anne. Marami silang natutuhan dito, na hindi itinuturo sa paaralan! Ang kabataan ay mahusay humilis ng katutubong biyolin, at kumalanting ng gitara. Tumutugtog din sila ng agung kasabay ng matatanda.
            Bihasa rin sila humabi ng damit at maglala ng basket. Nakabuo rin sila ng mga kuwintas mula sa mga butil at manic, at ng mga pulseras, sinturon at iba pang kagamitan mula sa halamang ang tawag ay nito. Marami rin sa kabataan ang sanay magpatunog ng hihip ng kawayan, at gumamit ng sibat sa pangangaso. Si Ambo nga raw ay nakapag-uwi ng isang maliit na baboy-damo!
            At itong si Ambo, gayong napakabata, ay may pambihirang galing sa ambahan.
            Ito’y isang uri ng tula na binibigkas ng mga Mangyan. May iisang tugma o rima, at bawat linya o taludtod ay pito ang pantig. O kaya’y itinititik ito sa buho ng kawayan sa pamamagitan ng pag-ukit, at gumagamit ng sinaunang alpabetong Mangyan.
            “Ang gagaling pala nilang tumula, Mommy!” sambit ni Jack sa kanyang ina.
            “Mayaman ang katutubong kultura, anak at malungkot isiping baka ito’y tuluyan nang mawala dahil sa pagpasok ng mga dayuhang nais lamang pagkakitaan ang yaman ng lupa…”
            Nag-alay si Ambo ng ambahan sa magkapatid. Si Tet ang nagsalin para sa kanila.
                        Kaibigang dumayo
                        Sa malayo kong kubo
                        Masanay kaya kayo
                        Sa hirap ng buhay ko
                        Walang aliwan dito
                        Kundi awit ng tao
                        Kundi ang pangangaso
                        Kundi kislap sa damo
                        Pagkalipas ng bagyo!
Isang araw, isinama ni Ambo si Jack at si Anne sa loob ng gubat dala nito ang kanyang sibat, sakali’t makasabat sila ng baboy-damo sa kanilang paglalakad.
            Tahimik na tahimik ang gubat, maliban sa huni ng ibon, kaluskos ng dahon at anas ng banayad na hangin.
            Payat man ay malakas at maliksi si Ambo. Si Jack at si Anne pa nga ang patigil-tigil, habol ang paghinga. Natatawa lamang si Ambo, at matiyaga niyang inantay ang mga kaibigan.
            Wala silang imikan halos. Ilang oras na silang naglalakad sa gubat. Wala pang natutudla ang sibat ni Ambo. Ngunit siyang-siya naman ang magkapatid sa namamalas nilang tanawin. Anong yaman pala ng gubat sa luntiang halaman, mga ligaw na bulaklak na matingkad ang kulay, maiilap na hayop at mga ibong umaawit!
            Nakarating sila sa isang mabatong gulod. Mula rito’y tanaw nila ang malayong dagat. Maya-maya’y nagdilim ang langit. Gumuhit ang matalim na kidlat. Nayanig ang bundok sa lakas ng kulog. Bumuhos ang ulan.
            Sumilong ang tatlo sa isang yungib. Doon na sila inabot ng ginaw at gutom. Di naglaon ay humupa ang unos sa bundok.
            “Bumalik na tayo,” sabi ni Ambo. “Mukhang sasama pa ang panahon.”
            Maingat silang bumaba sa nagputik na dalisdis ng bundok. Nang bigla, nakarinig sila ng ingay, parang hinahawing mga dawag. Papalapit sa kanila ang ingay na iyon.
            “Kubli!” anas ni Ambo.
            Nagtago sila sa ilalim ng isang nakayungyong, mayabong na pako, sa likod ng matatayog na puno. Nag-antay sila. Inihanda ni Ambo ang kanyang sibat. “Baka baboy-damo na!” usal ni Jack, na bagama’t nananabik ay nanginginig naman at kinakabahan.
            Sa halip, ang lumitaw ay isang pangkat ng mga lalaki at babae. May dalang baril ang mga ito. At may pasang mga knapsack sa likod. Masaya silang nag-uusap, bagama’t mukhang hapo. Ang iba sa kanila ay Mangyan.
            “Kilala ko sila,” bulong ni Ambo sa magkapatid. Hindi sila nagpakita. Malakas pa rin ang kabog ng dibdib ni Jack at ni Anne nang sila’y muling lumakad. Pagkaraan ng mga isang oras ng maingat na pagbaba sa kabundukan, sumigaw muli si Ambo.
            “Kubli!”
            Nagsumiksik sila sa ilalim ng isang punong ibinuwal ng bagyo. Sa pagitan ng mga nag-usling ugat, makikita nila kung anuman iyon na lumilikha ng bagong ingay. Papalakas ang mga yabag at mga tinig. Lumitaw mula sa makapal na dawag at kakahuyan ang isang pangkat ng kalalakihan.
            Nakasuot sila ng unipormeng batik-batik at kulay berde, nakagora ng itim, at sandatahan. Nakapulupot sa kanilang katawan ang tila ahas na lalagyan ng kanilang mga bala. Mabalasik ang kanilang anyo, palinga-lingang anaki’y may hinahanap o tinutugis na kaaway o tulisan.
            Parang pinitpit na luya ang tatlong bata. Wala silang katinag-tinag. At wala silang imikan nang magpatuloy sila sa pagbaba ng bundok.
            Lumakas muli ang ulan. Sala-salabat ang kidlat. Dumagundong ang kulog. Sa  pagitan ng malakas na kulog ay parang may narinig silang sunud-sunod na maliliit na kabog sa di-kalayuan. Mga putok ng sandata.
Matuling lumipas ang dalawang buwan, at natapos ang bakasyon ng magkapatid.
            Malungkot silang nagpaalam sa mga taga-Bagong Nayon, lalo na kay Ambo.
            “Babalik kami sa isang taon. Pangako ‘yan!” sabi ni Anne.
            “Aakyat ulit tayo sa bundok!” nakatawang sabi ni Jack.
            “Kung…narito pa kami…,” mahinang tugon ni Ambo.
            Nagkaroon ng simpleng seremonya ang Bagong Nayon bilang pasasalamat kina Pete at Tet sa kanilang pagtulong. Maraming nagamot si Pete. Marami rin siyang natutunan tungkol sa mga likas na panlunas na matatagpuan sa kagubatan. Marami namang naturuan si Tet sa pagsulat at pagbasa. Marami rin siyang natutunang mga ambahan, awit at mga alamat mula sa mga kaibigang Mangyan.
            “Dapat din kaming magpasalamat sa inyo,” tugon ng mag-asawa sa kanilang pamamaalam. “Marami kaming natutunan sa inyong lahat, at maging ang dalawa naming anak ay namulat sa napakaraming kaalaman ng mga katutubo!”
            Bago sila umalis, bumigkas uli si Ambo ng isang ambahan para sa kanila:
                        Paalam, kaibigan
                        Salamat sa pagdalaw
                        Sana’y di malimutan
                        Malayong kabundukan
                        Ay laging naghihintay
                        Nananabik ang buhay
                        Sa ating katuwaan
                        Hindi ito paalam
                        Masayang paglalakbay!

PAGPAPAHALAGA

            May kilala ka bang isang tao na mas piniling isakripisyo ang kanyang sariling kasiyahan at pangarap maibahagi lamang ang kanyang kakayahan sa mga taong nangangailangan? Ano ang tingin at nararamdaman mo para sa kanya?

           Matututuhan mo sa seleksyong "Ang Ambahan ni Ambo" ni Ed Maranan ang mabuting naitutulong ng pakikisalamuha sa iba’t ibang uri ng tao at ang kagandahang dulot ng pag-abot sa mga pangangailangan ng ating kapwa. 

        Maraming magagandang aral ang mapupulot ng mga mambabasang katulad mo sa kuwentong “Ang Ambahan ni Ambo”. Hindi lamang tinatalakay dito ang natatanging katangian at kultura ng ating mga kapatid na Mangyan, kundi magsisilbing isang magandang halimbawa rin para sa mga mambabasa ang mabuting katangian ng mag-asawang sina Pete at Tet at ng kanilang mga anak na sina Jack at Anne. Ang pagtulong sa mga nangangailangan, pagbabahagi ng ating kakayahan sa iba at pagpapakita ng magandang pakikisalamuha sa kapwa ay ilan lamang sa mga mahahalagang leksyon sa akdang ito na makukuha at maisasabuhay ng mga mambabasa.


Mga Sanggunian:
Agnes, W et al. (2012). Ang Batikan Bolyum XVI Blg. 1. Educational Resources   Corporation: Quezon City.

Batang-Bata Ka Pa

Batang-Bata Ka Pa
Apo Hiking Society

Batang-bata ka pa at marami ka pang
Kailangang malaman at intindihin sa mundo
‘Yan ang totoo
Nagkakamali ka kung akala mo na
Ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang.
Batang-bata ka lang at akala mo na
Na alam mo na ang lahat ng kailangan mong malaman
Buhay ay ‘di ganyan
Tanggapin mo na lang ang katotohanan
Na ikaw ay isang musmos lang na wala pang alam
Makinig ka na lang
Makinig ka na lang

Ganyan talaga ang buhay
Lagi kang nasasabihan
‘Pagkat ikaw ay bata
At wala pang nalalaman
Makinig ka sa’king payo
‘Pagkat musmos ka lamang
At malaman nang maaga
Ang wasto sa kamalian

Batang-bata ako nalalaman ko’to
Inaamin ko rin na kulang
Ang aking nalalaman at nauunawaan
Ngunit kahit ganyan ang kinalalagyan
Alam ko na may karapatan ang bawat nilalang
Kahit bata pa man
Kahit bata pa man

Nais ko sanang malaman
Ang mali sa katotohanan
Sariling pagdaranas
Ang aking pamamagitan
Imulat ang isipan
Sa mga kulay ng buhay
Maging tunay na malaya
Sa katangi-tanging bata
Batang-bata ka pa at marami ka pang
Kailangang malaman at intindihin sa mundo

Nais ko sanang malaman
Ang mali sa katotohanan

Batang-bata ka lang at akala mo na
Na alam mo na ang lahat ng
Kailangan mong malaman

Nagkakamali ka kung akala mo na
Ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

Batang-bata ka pa
Batang-bata ka pa
Batang-bata ka pa
Batang-bata ka pa.



SARILING PAGSUSURI AT PAGNINILAY

            Ano ang naaalala mo noon sa iyong kabataan? Ano ang mga bagay na naglalarawan sa iyong sarili noong ikaw ay nasa murang edad pa lamang. Subukang balikan ang mga araw noong bata ka pa. Marahil matatandaang madalas kang naglalaro kasama ang iyong mga kaibigan at maaaring masabi mo na marami ka pang hindi nauunawaan noong ikaw ay bata pa.

             Ang awiting Batang-Bata Ka Pa ng Apo Hiking Society ay hinggil sa pagiging bata, kanyang mga nalalaman at mga karanasan. Sa unang parte ng kanta ay tila sinasabihan siya ng isang nakatatanda sa kanya. Sa bahaging ito ay salungat ang aking pananaw sa sinabi sa kanta na ang isang bata ay "isang musmos lang na wala pang alam." Para sa akin, at gaya rin ng natalakay namin sa aming klase sa Wika at Literatura sa ilalim ng aming propesor na si Sir Pil, ang linyang ito ay hindi totoo sapagkat kahit nasa murang edad pa lamang ang isang bata hindi nangangahulugan na siya ay walang alam.

               Sa kasalukuyan, sa kaloobang ng Diyos, ako ay muling nagtuturo sa nursery. Ang mga batang tinuturuan ko ay nasa edad dalawa hanggang apat na taong gulang. Sa kanilang murang edad na ito, hindi ko masasabi na sila ay walang alam o walang kaalamang maaaring maibabahagi sa iba sapagkat sa katotohanan, marami silang alam na natututuhan nila sa iba't iba nilang karanasan. Ang mga karanasang ito man ay simple pa lamang o hindi katulad sa karanasan nating mga matatanda, subalit sa mga ito sila natututo at nakakukuha ng mga kaalaman. Lalo na ngayon sa kasalukuyan na maraming bagong gamit o gadgets ang kanilang pinagtutuunan ng pansin at ginagamit, minsan ay mas marami pa silang alam sa nakatatanda o natututo pa ang mga nakatatanda sa kanila. 


              Makikita rin sa kanta ang bahagi na tila ang bata ang nagsasalita at nangangatwiran. Oo, tama siya na ang bawat bata ay kulang pa ang pang-unawa at kaalaman subalit kahit ganito, siya rin naman ay may karapatan. Magandang bahagi rin nang ipahayag ng bata ang kagustuhan niyang malaman ang mali sa katotohanan at imulat ang kanyang isipan sa maraming bagay. Tama na turuan ang isang bata na mangatwiran at pakinggan ang kanyang katwiran, subalit nararapat na ituwid ang bata kung mali ang kanyang pangangatwiran o pananaw sa isang bagay. Isang mahalagang bagay pa rin ang gabay ng nakatatanda upang mamulat ang isipan ng isang bata.


              Tunay na ang mga bata ay mayroon ding karapatan at nalalaman kahit sa murang edad pa lamang. Subalit hindi nangangahulugan ito na alam na nila ang lahat ng bagay at nararapat nilang gawin ang nais nilang gawin. Ang payo at gabay ng mga magulang o nakatatanda ay lubos pa ring mahalaga upang maunawaan nila ang wasto sa mali, maituwid ang kanilang pangangatwiran at maakay sila sa tamang landas.