Halina't basahin ang maiksi kong paglalarawan at pagsusuri sa pelikulang ito ni Neal Tan.
Ataul for Rent
Malinaw na ipinakikita sa bawat
tauhan, tagpuan at eksenang nakapaloob sa pelikulang Ataul for Rent ni Neal Tan ang larawan ng kahirapan at kawalang
pag-asa bilang sakit ng ating lipunan. Nakadagdag din sa pagpapakita ng temang
ito ang paghahalintulad ng mga pangyayari at tauhan sa mga dagang walang
kinatatakutan at walang panganib na iniisip. Minumulat ng pelikulang ito ang
isipan ng mga manunuod hinggil sa reyalidad ng buhay-iskwater. Ang iba’t ibang
magkakaugnay na sakit ng ating lipunan gaya ng pagbebenta at pagkaadik sa
droga, iligal na water at electric tapping, pagnanakaw, pagsusugal, bisyo,
prostitusyon, imoralidad at pagpatay ang ilan lamang sa mga itinampok sa
pelikula.
Mapapansin sa mga eksena at tauhan
ng pelikula ang larawan ng kahirapan batay sa kani-kanilang sitwasyon sa buhay.
Kabilang sa mga tauhan ang isang asawang mas gusto pang tumambay kaysa
magtrabaho, mga lalaki’t babaeng araw-araw nagsusugal at nandaraya, ang bugaw
na si Buding at si Doray na sunud-sunuran lamang sa kanya, si Insyang na
dalagang nagkukunwari subalit may kasalanan ding itinatago, ang binatang si
Danny na gagawin ang lahat may maiabot lamang sa nanay na isa rin palang
manunugal, si Boy Kagaw na nanghihikayat sa iba na magbenta ng droga at ang
pangunahing tauhang si Guido at ang kanyang asawa na pinagsasamantalahan ang
mapait na kalagayan at kahirapan ng kanilang mga kapitbahay sapagkat sarili
lamang ang kanilang iniisip. Ilan lamang ito sa mga tauhang may iba’t ibang
papel na ginampanan upang ipakita ang kahirapang kanilang dinaranas at ang mga
maling solusyong ginagawa nila upang takasan ito. Ipinakikita rin sa buong
pelikula ang mga masasamang gawain na tila normal na sa kanila gaya ng pagmumura,
katamaran, pagsusugal, pandaraya,
paglalasing, hindi pagbabayad ng utang, pagnanakaw, pagbebenta ng sariling
laman, panlalamang sa kapwa at panghihikayat sa iba na gumawa rin ng kasamaan.
Mahahati ang mga tauhan batay sa
kani-kanilang papel na ginampanan sa kabuuan ng pelikula. Ang katangiang ito ng
bawat tauhan ay salamin din ng mga uri ng tao sa ating lipunan. Nariyan ang mga
taong malalakas ang loob na gumawa ng kahit masamang paraan makinabang at
mabuhay lamang sila. Hinihikayat din nila ang iba na tularan ang kanilang hindi
magagandang gawain. Kabilang din ang mga taong sunud-sunuran sa mga masasamang
gawain kahit alam nilang iyon ay mali, mga taong nakikinabang sa mga bagay na
mula sa maling gawain at hindi nila iyon itinutuwid, at mga taong alam ang
masamang nangyayari sa paligid subalit walang magawa upang ito ay maitama gaya
ni Batul. Bawat isa sa kanila ay representasyon kung paano harapin ang
kahirapan at pagsubok na dinaranas sa buhay. Sila ay inihalintulad sa mga
dagang nakatagpo ng lungga, dumarami at patuloy na nagpapasasa. Patuloy sila sa
paggawa ng mga masasamang paraan upang makaiwas sa kahirapan at hindi nila
alintana ang magiging bunga ng mga gawaing ito sa kanila.
Ganito rin ang makikita sa tagpuan
ng pelikula. Ang Kalyehon Walang Lagusan ay salamin ng kahirapan sa pagiging marumi,
mabaho, masikip at magulo nito. Kasama ring ipinakita sa tagpuan ang mga taong
araw-araw nag-iinuman at nagsusugal, malalaking mga daga at madudumi at mababahong
mga kanal. Ang pagbibigay halaga sa mga malalaking dagang ginawang lungga ang
lugar na ito ang nagpaigting upang ipakita ang kabuuang tema ng pelikula. Kahit
ang mga alagad ng batas ay hindi makapasok sa lugar na ito dahil lubhang
masasama, matatapang at naninindigan ang mga naninirahan dito na kahit anong
gawin sa kanila ay hinding-hindi nila lilisanin ang lugar.
Matapos bigyang pansin ang mga sakit
sa lipunan, ipinamalas naman sa huling bahagi hanggang sa katapusan ng pelikula
na ang lahat ng kasamaan ay may nakaambang katapusan. Ipinakitang may kabayaran
din ang bawat kasamaang ginawa. Nanganib ang buhay ng ilang mga tauhan at ang
mismong lugar ng Kalyehon Walang Lagusan. Inihalintulad ang mga tauhan sa mga
dagang nabulabog dahil nanganib na rin ang kanilang lungga. Subalit tulad din
ng mga daga, ang mga tauhang naninirahan sa Kalyehon Walang Lagusan ay
maghahanap ng bagong lugar, patuloy pa ring mabubuhay at patuloy na makikibaka
upang bawat pagsubok ay makayang malusutan. At dahil nagkaroon sila ng pagkakataon
upang makapagsimula muli, mainam kung ang bagong simulaing ito ay nakabatay sa
tama at sa landas na nararapat.
No comments:
Post a Comment