Friday, February 3, 2017

Efren Penaflorida, Jr. - Isang Natatanging Bayani

        Tuwing may makikita kayong mga bata na naghihirap, nakatira sa slum areas, nagugutom at nag-iisa, huwag ninyo silang ipagwalang-bahala. Bigyan ninyo sila ng pansin at tulungan. Ito ay naunawaan ni Efren Penaflorida, Jr. dahil minsang naging ganoon din siya – nakatira sa open dumpsite, naglalaro sa imbakan ng basura kung saan marumi, mabaho at ang mga bata ay nagugutom, nahihirapan at halos hindi nakakapag-aral. Lumaki siyang mahirap at minsang naranasan ding ma-bully ng ibang bata. Subalit hindi naging hadlang ang mga pangyayaring ito sa kanyang buhay upang ipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral. Naging sponsored-child siya ng World Vision noong siya ay preschool at natapos ang kanyang elementarya at sekondarya ng may iba’t ibang parangal sa tulong ng CLUB 8586, isang youth group na nagbibigay scholoarships at suportang pinansyal.

          Taong 1997, nang siya ay nasa hayskul, sinimulan niya ang Dynamic Teen Company na naglalayong maibaling ng mga bata sa slum areas ang kanilang atensyon sa pag-aaral, at pagpapaunlad ng sarili nilang kakayahan upang makatulong sa komunidad. Ipinakita niya na may solusyon sa kahirapan at hindi nila kailangang tahakin ang landas na puno ng kaguluhan at kapahamakan kundi piliin nila ang daan na may pag-asa at magandang kinabukasan. Kaya naman, tuwing sabado, siya at ang mga kasama niya ay pumupunta sa iba’t ibang mga lugar sa kanilang lungsod na tulak-tulak ang kanilang paaralang kariton na may mga libro, laruan at gamit pang-eskuwela. Tinuturuan nila silang magbasa, magsulat at alagaan ang kanilang sarili. Isa itong simple pero napakahalagang gawain ni Efren at ng mga kasama niya at ng mga batang nais matuto, humanap ng pag-asa at makatulong rin sa iba.

            Kasabay ng pagtuturo niyang ito sa mga bata, ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo. Taong 2000 nang nakapagtapos siya ng Computer Technology sa San Sebastian College- Recoletos de Cavite ng may karangalan. Nag-aral din siya ng pangalawang kurso na Secondary Education sa Cavite State University- Cavite City Campus na may karangalang cum laude.

         Dahil sa sakripisyo niyang ipinamalas, ini-nominate siya para sa CNN Heroes ng Club 8586, ang youth group na tumulong sa kanya dati. Mula sa 9,000 nominees sa halos 100 bansa, pinili siya ng CNN’s Blue Ribbon Panel na isa sa 28 na mga bayani sa taong 2009. At noong November 22,2009  ay pinarangalan siyang CNN Hero of the Year sa toong 2009.

            Tunay na kahanga-hanga ang buhay at sakripisyong ipinamalas ni Efren upang bigyan ng pag-asa ang mga batang nais maabot ang kanilang mga pangarap. Isa na naman itong patunay na hindi hadlang ang kahirapan upang makamit ang pangarap at makatulong din naman sa iba. Nawa ang kanyang buhay ay maging isang inspirasyon sa mga batang nais matupad ang kanilang mga pangarap at nagtitiwala na walang imposible sa Diyos na tutulong sa kanila upang maabot ang mga pangarap na iyon.

           Mabuhay ka Efren Penaflorida! Isa kang natatanging bayani. Pagpalain ka nawa ng ating Diyos at pagkalooban ng mahabang buhay upang maging kagamit-gamit ang iyong buhay sa paglilingkod sa Diyos na Siya rin namang nagkaloob sa iyo ng lakas at talento para makamit ang iyong mga pangarap.

              Sa Diyos ang lahat ng papuri!

(Sanggunian: https://en.wikipedia.org/wiki/Efren_Pe%C3%B1aflorida)

Friday, June 26, 2015

Uhaw ang Tigang na Lupa

Ito ang isa sa pinakagusto kong maikling kwento. Napakaganda. Napakatotoo. Nakakabagbag ng damdamin. At ito ang pinakagusto kong linya ng kwento.

Ang pag-ibig na ito'y isang dulang ako ang gumaganap ng pangunahing tauhan; sapagkat ako ang nagsimula ay ako ang magbibigay-wakas. Ipalagay mo nang ako'y nasimulang tugtuging nararapat tapusin. Gawin mo akong isang pangarap na naglalaho pagkagising. Tulungan mo akong pumawi sa kalungkutang itong halos pumatay sa akin... Ngunit, bakit napakahirap ang lumimot?

Bakit nga ba mahirap lumimot? Talaga bang nakakakalimot ang isang puso o ito ay nananatili na lamang sa alaala? Hindi ko alam.

Ito pa ang isang magandang linya sa kwento.

Huwag kang palilinglang sa simbuyo ng iyong kalooban; ang unang tibok ng puso ay hindi pag-ibig sa tuwina.

Wala akong masasabi kundi totoo.

Sa huli, pinalaya ng Ina ang Ama.

Ito ang pag-ibig. Unconditional. Walang hinihinging kapalit. Marunong magpalaya.

Wednesday, July 2, 2014

A Scale for Detecting Social Competence Among Children

A Scale for Detecting Social Competence Among Children

This is an instrument designed to assess the social competence of children ages 7 to 12 years old. As a classroom teacher, your cooperation in answering each item as honestly and objectively as you can, will be highly appreciated. The information gathered will be treated confidentially.

________________________________________________________________


Directions: For each item, put a check mark under the appropriate column that best describes the child.

Legend:        HC -    Highly characteristic of the child
                        CC -    Characteristic of the child
                        SC -    Slightly characteristic of the child
                        NC -    Not characteristic of the child at all


The Child:

                                                                                                HC      CC      SC      NC
1. shows interest in others                                               [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
2. approaches others in a positive way                          [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
3. accepts and enjoys peers and adults                        [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
4. joins other children in work and play                         [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
5. shares with others                                                         [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
6. has a good sense of humor                                         [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
7. expresses himself clearly to others                            [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
8. communicates nonverbally with other children
    with waves, smiles, etc.                                                [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
9. shows the capacity to care about others                   [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
10. displays the ability to empathize with others                      [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
11. responds appropriately to friendly teasing like
      jokes, name-calling, etc.                                             [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
12. demonstrates the ability to appropriately resolve
      disagreement                                                                [     ]    [     ]    [     ]   [     ]

                                                                                                HC      CC      SC      NC
13. is able to maintain friendship with peers
      even after conflicts                                                      [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
14. expresses anger and frustration in an appropriate
      way without hurting others                                        [     ]    [     ]    [     ]   [     ]
15. is not easily intimidated by others especially

      bullies                                                                            [     ]    [     ]    [     ]   [     ]                                   

Sunday, July 14, 2013

Ang Pintor

Ang Pintor
Jerry Gracio


Gumuhit siya ng ibon
Lumipad ito palayo
Gumuhit siya ng isda,
Lumangoy ito sa hangin.
Gumuhit siya ng bulaklak,
Nagkalat ang halimuyak sa dilim.
Iginuhit niya ang sarili,
At inangkin siya ng kambas.

PAGPAPAHALAGA:

            Bawat isa sa atin ay may natatanging kakayahan at talento. Ano-ano ang mga angkin mong talento? Paano mo pinaghuhusay ang mga ito?

             Ang mga kakayahan at talento natin ay bigay sa atin ng Diyos. Maraming mga paraan upang mapaghusay natin ang mga ito. Isa sa mga paraan ay ang paghingi ng tulong sa ibang tao na may sapat na kaalaman sa angkin mong talentong. Marami kang matututuhan sa mga taong ito kaya nararapat na hindi ka mahiyang magtanong o humingi ng payo sa kanila. Lagi mo ring isaisip na kung may gagawin kang isang bagay, subukan mo ito, at kung magkamali ka man ay muli mo itong subukan hanggang sa ikaw ay magtagumpay. Ang patuloy na pagharap sa mga pagsubok ay isa ring paraan upang mapahusay mo ang iyong kakayahan at talento.

Sanggunian:
Agnes, W et al. (2012). Ang Batikan Bolyum XVI Blg. 1. Educational Resources   Corporation: Quezon City.

Salamin

Salamin
Assunta Cuyegkeng


Walang kurap siyang titingin sa akin,
itong kakambal ko sa salamin
Pag-aaralan ang linya at pekas
na unti-unti nang kumalat sa aking mukha
Pag-aaralan pati ang mata kong
Kape pala ang kulay, hindi itim.

Walang kurap siyang magmamasid,
pag-aaralan ang takbo ng aking dibdib
na kung minsan, kumakabog,
kung minsan, natutulog.

Dito nagtatago ang aking mangingibig,
ina at ama, anak, kapatid,
ang init ng gising kong dugo,
ang hininga ng Diyos na matiyagang
nakikinig.

Tatapatan niya ako,
Sisipatin mula sa paa hanggang ulo
At ihaharap sa akin,                                                       
Walang retoke,
Ang buo kong pagkatao.

PAGPAPAHALAGA:
       Ngayong ikaw ay nasa ika-pitong baitang na, ano-ano ang mga pisikal na pagbabago sa iyong sarili ang napapansin mo kumpara noon sa ngayon? Paano mo tinatanggap ang mga pagbabagong ito?

        Maraming mga pagbabagong pisikal ang iyong nararanasan ngayong ikaw ay nasa ika-pitong baitang na. Ang mga pagbabagong ito ay normal lamang kaya hindi ka dapat mabahala sa mga ito. Huwag kang mag-atubiling lumapit sa iyong mga magulang o mga pinagkakatiwalaang mga nakatatanda hinggil sa mga pagbabagong iyong nararanasan.

Sanggunian:
Agnes, W et al. (2012). Ang Batikan Bolyum XVI Blg. 1. Educational Resources   Corporation: Quezon City.

Alamat ni Tungkung Langit

Alamat ni Tungkung Langit

[Hango sa mito ng Hiligaynon at Waray,  at muling isinalaysay ni Roberto T. Añonuevo]


       Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan na lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda n gaming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.
            Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapapaibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.
            Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan ng paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniniwalaan ko ang kanyang sinasambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.
            Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.
            Iniatang niya sa kanyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ng buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.
            Madalas akong gumagawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.
            Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking kabiyak sa kanyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapapasiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”
            Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin namang siyang bathala, bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.
            Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kanyang paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad. “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” at malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.
            Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.
            Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga akong gawaing dapat matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako…” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kanya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang matinding panibugho sa kanyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatiktikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang kanyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.
            Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginagawa. Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.
            “Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina? asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kanyang mga mata ang paglalagablab at lumalabas sa kanyang bibig ang usok na pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas ng aming tahanan.
            Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na ako muling lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita, hubad din ako nang kami’y maghiwalay.
            Alam kong nagkamali ng pasya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kanya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking mainit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kanyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.
         Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.
Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”
Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.
Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.
Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.
Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.
            Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.

PAGPAPAHALAGA:

      May natatandaan ka bang isang kuwentong iyong nabasa na nagpapakita na may epekto ang kasarian sa maaaring ikilos ng isang tauhan? Naniniwala ka ba na may limitasyon ang bawat tao dahil sa kanilang kasarian? 

       Natunghayan mo sa binasang akda ang pagkakaroon ng mas mataas na pagtingin ng isang tauhan sa kanyang sarili dahil sa kanyang kasarian at ang mababa niyang pagtingin o ang hindi pagbibigay ng pagkakataon sa kanyang kabiyak na maisagawa ang kanyang nais. Ikinahon niya ang katangian at kakayahan ng kanyang asawa bilang taga-asikaso sa gawaing-bahay at tagatugon sa kanyang ilang pangangailangan. Maging sa ating kasaysayan ay mababasa natin ang ganitong pagtingin dati sa mga kababaihan- na sila ay walang karapatan at nararapat lamang manatili sa mga tahanan. Subalit sa kasalukuyan, sa iyong palagay, may epekto pa rin ba ang kasarian sa maaaring ikilos o gawin ng isang tao?


Mga Sanggunian:
Agnes, W et al. (2012). Ang Batikan Bolyum XVI Blg. 1. Educational Resources   Corporation: Quezon City.

Kung Bakit Umuulan?

Kung Bakit Umuulan
Isinalin ni Roberto Añonuevo

            Noong unang panahon, wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pang oras, at wala pang buhay o kamatayan. Mayroon lang dalawang diyos, si Tungkung Langit at ang kanyang kabiyak na si Alunsina.
            “Tingnan mo, mahal, lilikhain ko ang santinakpan para sa iyo!” pagmamalaking sabi ni Tungkung Langit.
            “Hayaan mong tulungan kita, kaya ko ring lumikha,” ang sabi ni Alunsina.
            “Huwag kang mag-alala, mahal, ito ang regalo ko sa iyo: ang mga bituin, ang mga planeta, ang buwan, ang mga ulap, at ang hangin.”
            “Pero makapangyarihan din naman ako, dahil isa akong diyosa,” bulong ni Alunsina. Ngumiti lang si Tungkung Langit at niyakap si Alunsina. Pagkatapos, tumindig siya nang matikas, huminga ng malalim, at sumigaw ng pagkalakas-lakas sa kawalan.
            Lahat ng sabihin ni Tungkung Langit ay nagkatotoo. Kumalat ang sinag ng bagong likhang araw. Kumislap-kislap ang mga bituin. Umikot ang mga planeta at lumiwanag ang buwan. Humangin nang pagkalakas-lakas.
            At naulit ito nang naulit. Mahal na mahal ni Tungkung Langit si Alunsina, kaya ayaw niya itong mapagod. Ayaw niyang gumamit ng kahit isang daliri si Alunsina upang lumikha ng kahit isang bagay.
            “Mas gugustuhin kong maupo ka na lang, magpahinga, at maging maganda,” sabi ni Tungkung Langit kay Alunsina.
            Ngunit sawa na si Alunsina sa ganoong klase ng buhay. Naramdaman niyang parang wala siyang silbi bilang diyosa. Gusto niyang lumikha.
            “Huwag kang mag-alala,” sabi ni Tungkung Langit sa kanyang iniibig, “wawakasan ko ang iyong pagkabagot. Lilikha ako ng … oras!” At nagsimula nga ang oras.
            Kasamang nalikha ng oras ang alaala… at naalala ni Alunsina ang panahong wala pang laman ang kalawakan, nang hindi siya nakalikha ng kahit na ano. “Gusto kong lumikha!” sabi ni Alunsina.
            Isang araw, patagong sinundan ni Alunsina si Tungkung Langit. Nang makita siya ni Tungkung Langit, agad siyang tinanong: “Bakit ka narito? Bakit mo ako sinusundan?”
            “Gusto kong lumikha! Diyos din ako, tulad mo!” sabi ni Alunsina.
            “Nababagot ka ba uli, mahal? Huwag kang mag-alala, lilikhain ko ang kulog at kidlat para sa iyo!”

            Lumiwanag at dumagundong sa buong kalangitan dahil sa kulog at kidlat. Nagulat ang buong santinakpan. Nagtago ang araw, buwan at bituin. Kahit ang hangin ay tumigil sa pag-ihip! Pero hindi natinag si Alunsina. Nakatayo lang siya doon, nanunood, nakakunot ang noo.
            “Sawa na akong panoorin ka lang lumikha ng planeta at araw at bituin! Sawa na akong naririto lang, nakaupo, walang ginagawa! Kaya kong lumikha! Isa rin akong diyosa!”
            Pero hindi siya pinakinggan ni Tungkung Langit. Umalis siya at lumikha pa ng maraming bagay sa kalawakan. Akala niya ay nagpapapansin lang si Alunsina.  
            Hindi na nakayanan ni Alunsina ang lungkot sa kanyang puso, kaya lumayas siya sa kanilang tirahan. Pag-uwi ni Tungkung Langit, gulat na gulat siya nang makitang walang apoy sa kanilang kalan, walang pagkain sa kanilang mesa. At wala na rin ang kanyang Alunsina.
            “Alunsina! Alunsina! Hinanap nang hinanap ni Tungkung Langit ang kanyang asawa, ngunit hindi niya ito matagpuan. Tinawag niya nang tinawag ang pangalan ni Alunsina ngunit walang binalik ang hangin kundi alingawngaw.
            Lumipas ang mahabang panahon, at nagsawa rin sa paglikha si Tungkung Langit. Araw-araw, hinahanap ni Tungkung Langit ang kanyang iniibig. Ngunit wala siyang nakita.
            Isang araw, sumilip si Tungkung Langit mula sa ilang ulap. Hinawi niya ang mga ulap at sa kanyang gulat, naroon ang kanyang asawang si Alunsina.
            “Anong ginagawa mo riyan, mahal? Matagal na kitang hinahanap?”
            Tumingala si Alunsina. Kitang-kita sa kanyang mukha ang kaligayahang hinahanap ni Tungkung Langit.
            “Nilikha ko ang daigdig. Ang daigdig na may puno at halaman, isda at mga ibon. Nilikha ko ang mga bundok, ang langit, ang karagatan. Nilikha ko ang buhay, dahil isa rin akong diyos.” At nagpatuloy si Alunsina sa paglikha.
            Nasaktan si Tungkung Langit. Ang kaligayahang nakita niya sa mukha ng kanyang asawa ay hindi dahil sa pagkakita sa kanya.
            Mula noon, hindi na bumalik si Alunsina sa kalangitan. Paminsan-minsan, sinusubok siyang pabalikin ni Tungkung Langit sa pamamagitan ng paglikha ng kulog at kidlat. Ngunit hindi na babalik muli sa Alunsina.
            Mula noon, upang mabisita ni Tungkung Langit ang kanyang dating asawa, kailangan niyang mag-anyong ulan. Ulan na didilig sa daigdig na nilikha ng kanyang iniibig. Si Alunsina.

PAGPAPAHALAGA:

            Mayroon ka bang isang bagay o gawaing ayaw ipagawa sa iyo dahil sa iyong edad, ngunit natitiyak mo na sapat ang iyong karanasan o kakayahan upang magawa mo ito? Ano ang iyong naramdaman o naging tugon sa karanasang iyon? 

            May ilang bagay o karanasang maaaring ayaw ipagawa ng mga magulang sa kanilang mga anak dahil sa kanilang murang edad kahit na natitiyak na ng mga anak na may sapat na silang karanasan o kakayahan upang isagawa ang mga bagay na nais nilang gawin. Masasabi natin na may punto ang mga magulang kung nais nilang hindi mapasama ang kanilang mga anak. Maaari rin naman nating masabi na mabuti rin na subukan ng isang anak ang isang bagay upang siya ay matuto lalo na kung alam naman ng kanyang magulang na kaya niyang isakatuparan ang isang gawain. Samakatuwid, mahalaga ang palagiang komunikasyon sa pagitan ng dalawang panig upang makilala nang lubusan ng mga magulang ang kakayahan ng kanilang anak at mapakinggan din naman ng mga anak ang saloobin ng kanilang mga magulang.


Sanggunian:
Agnes, W et al. (2012). Ang Batikan Bolyum XVI Blg. 1. Educational Resources   Corporation: Quezon City.