Sunday, July 14, 2013

Kung Bakit Umuulan?

Kung Bakit Umuulan
Isinalin ni Roberto Añonuevo

            Noong unang panahon, wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pang oras, at wala pang buhay o kamatayan. Mayroon lang dalawang diyos, si Tungkung Langit at ang kanyang kabiyak na si Alunsina.
            “Tingnan mo, mahal, lilikhain ko ang santinakpan para sa iyo!” pagmamalaking sabi ni Tungkung Langit.
            “Hayaan mong tulungan kita, kaya ko ring lumikha,” ang sabi ni Alunsina.
            “Huwag kang mag-alala, mahal, ito ang regalo ko sa iyo: ang mga bituin, ang mga planeta, ang buwan, ang mga ulap, at ang hangin.”
            “Pero makapangyarihan din naman ako, dahil isa akong diyosa,” bulong ni Alunsina. Ngumiti lang si Tungkung Langit at niyakap si Alunsina. Pagkatapos, tumindig siya nang matikas, huminga ng malalim, at sumigaw ng pagkalakas-lakas sa kawalan.
            Lahat ng sabihin ni Tungkung Langit ay nagkatotoo. Kumalat ang sinag ng bagong likhang araw. Kumislap-kislap ang mga bituin. Umikot ang mga planeta at lumiwanag ang buwan. Humangin nang pagkalakas-lakas.
            At naulit ito nang naulit. Mahal na mahal ni Tungkung Langit si Alunsina, kaya ayaw niya itong mapagod. Ayaw niyang gumamit ng kahit isang daliri si Alunsina upang lumikha ng kahit isang bagay.
            “Mas gugustuhin kong maupo ka na lang, magpahinga, at maging maganda,” sabi ni Tungkung Langit kay Alunsina.
            Ngunit sawa na si Alunsina sa ganoong klase ng buhay. Naramdaman niyang parang wala siyang silbi bilang diyosa. Gusto niyang lumikha.
            “Huwag kang mag-alala,” sabi ni Tungkung Langit sa kanyang iniibig, “wawakasan ko ang iyong pagkabagot. Lilikha ako ng … oras!” At nagsimula nga ang oras.
            Kasamang nalikha ng oras ang alaala… at naalala ni Alunsina ang panahong wala pang laman ang kalawakan, nang hindi siya nakalikha ng kahit na ano. “Gusto kong lumikha!” sabi ni Alunsina.
            Isang araw, patagong sinundan ni Alunsina si Tungkung Langit. Nang makita siya ni Tungkung Langit, agad siyang tinanong: “Bakit ka narito? Bakit mo ako sinusundan?”
            “Gusto kong lumikha! Diyos din ako, tulad mo!” sabi ni Alunsina.
            “Nababagot ka ba uli, mahal? Huwag kang mag-alala, lilikhain ko ang kulog at kidlat para sa iyo!”

            Lumiwanag at dumagundong sa buong kalangitan dahil sa kulog at kidlat. Nagulat ang buong santinakpan. Nagtago ang araw, buwan at bituin. Kahit ang hangin ay tumigil sa pag-ihip! Pero hindi natinag si Alunsina. Nakatayo lang siya doon, nanunood, nakakunot ang noo.
            “Sawa na akong panoorin ka lang lumikha ng planeta at araw at bituin! Sawa na akong naririto lang, nakaupo, walang ginagawa! Kaya kong lumikha! Isa rin akong diyosa!”
            Pero hindi siya pinakinggan ni Tungkung Langit. Umalis siya at lumikha pa ng maraming bagay sa kalawakan. Akala niya ay nagpapapansin lang si Alunsina.  
            Hindi na nakayanan ni Alunsina ang lungkot sa kanyang puso, kaya lumayas siya sa kanilang tirahan. Pag-uwi ni Tungkung Langit, gulat na gulat siya nang makitang walang apoy sa kanilang kalan, walang pagkain sa kanilang mesa. At wala na rin ang kanyang Alunsina.
            “Alunsina! Alunsina! Hinanap nang hinanap ni Tungkung Langit ang kanyang asawa, ngunit hindi niya ito matagpuan. Tinawag niya nang tinawag ang pangalan ni Alunsina ngunit walang binalik ang hangin kundi alingawngaw.
            Lumipas ang mahabang panahon, at nagsawa rin sa paglikha si Tungkung Langit. Araw-araw, hinahanap ni Tungkung Langit ang kanyang iniibig. Ngunit wala siyang nakita.
            Isang araw, sumilip si Tungkung Langit mula sa ilang ulap. Hinawi niya ang mga ulap at sa kanyang gulat, naroon ang kanyang asawang si Alunsina.
            “Anong ginagawa mo riyan, mahal? Matagal na kitang hinahanap?”
            Tumingala si Alunsina. Kitang-kita sa kanyang mukha ang kaligayahang hinahanap ni Tungkung Langit.
            “Nilikha ko ang daigdig. Ang daigdig na may puno at halaman, isda at mga ibon. Nilikha ko ang mga bundok, ang langit, ang karagatan. Nilikha ko ang buhay, dahil isa rin akong diyos.” At nagpatuloy si Alunsina sa paglikha.
            Nasaktan si Tungkung Langit. Ang kaligayahang nakita niya sa mukha ng kanyang asawa ay hindi dahil sa pagkakita sa kanya.
            Mula noon, hindi na bumalik si Alunsina sa kalangitan. Paminsan-minsan, sinusubok siyang pabalikin ni Tungkung Langit sa pamamagitan ng paglikha ng kulog at kidlat. Ngunit hindi na babalik muli sa Alunsina.
            Mula noon, upang mabisita ni Tungkung Langit ang kanyang dating asawa, kailangan niyang mag-anyong ulan. Ulan na didilig sa daigdig na nilikha ng kanyang iniibig. Si Alunsina.

PAGPAPAHALAGA:

            Mayroon ka bang isang bagay o gawaing ayaw ipagawa sa iyo dahil sa iyong edad, ngunit natitiyak mo na sapat ang iyong karanasan o kakayahan upang magawa mo ito? Ano ang iyong naramdaman o naging tugon sa karanasang iyon? 

            May ilang bagay o karanasang maaaring ayaw ipagawa ng mga magulang sa kanilang mga anak dahil sa kanilang murang edad kahit na natitiyak na ng mga anak na may sapat na silang karanasan o kakayahan upang isagawa ang mga bagay na nais nilang gawin. Masasabi natin na may punto ang mga magulang kung nais nilang hindi mapasama ang kanilang mga anak. Maaari rin naman nating masabi na mabuti rin na subukan ng isang anak ang isang bagay upang siya ay matuto lalo na kung alam naman ng kanyang magulang na kaya niyang isakatuparan ang isang gawain. Samakatuwid, mahalaga ang palagiang komunikasyon sa pagitan ng dalawang panig upang makilala nang lubusan ng mga magulang ang kakayahan ng kanilang anak at mapakinggan din naman ng mga anak ang saloobin ng kanilang mga magulang.


Sanggunian:
Agnes, W et al. (2012). Ang Batikan Bolyum XVI Blg. 1. Educational Resources   Corporation: Quezon City.

No comments:

Post a Comment