Sunday, July 14, 2013

Salamin

Salamin
Assunta Cuyegkeng


Walang kurap siyang titingin sa akin,
itong kakambal ko sa salamin
Pag-aaralan ang linya at pekas
na unti-unti nang kumalat sa aking mukha
Pag-aaralan pati ang mata kong
Kape pala ang kulay, hindi itim.

Walang kurap siyang magmamasid,
pag-aaralan ang takbo ng aking dibdib
na kung minsan, kumakabog,
kung minsan, natutulog.

Dito nagtatago ang aking mangingibig,
ina at ama, anak, kapatid,
ang init ng gising kong dugo,
ang hininga ng Diyos na matiyagang
nakikinig.

Tatapatan niya ako,
Sisipatin mula sa paa hanggang ulo
At ihaharap sa akin,                                                       
Walang retoke,
Ang buo kong pagkatao.

PAGPAPAHALAGA:
       Ngayong ikaw ay nasa ika-pitong baitang na, ano-ano ang mga pisikal na pagbabago sa iyong sarili ang napapansin mo kumpara noon sa ngayon? Paano mo tinatanggap ang mga pagbabagong ito?

        Maraming mga pagbabagong pisikal ang iyong nararanasan ngayong ikaw ay nasa ika-pitong baitang na. Ang mga pagbabagong ito ay normal lamang kaya hindi ka dapat mabahala sa mga ito. Huwag kang mag-atubiling lumapit sa iyong mga magulang o mga pinagkakatiwalaang mga nakatatanda hinggil sa mga pagbabagong iyong nararanasan.

Sanggunian:
Agnes, W et al. (2012). Ang Batikan Bolyum XVI Blg. 1. Educational Resources   Corporation: Quezon City.

No comments:

Post a Comment