Sunday, March 24, 2013

Ang Ningning at ang Liwanag


PAGSISIWALAT SA NATATAGONG PAGKAKAIBA NG KAHULUGAN NG NINGNING AT LIWANAG
Carmina V. Villanueva
                Ang manunuri ay nagkaroon ng dalawang taong karanasan na makapagturo ng nursery sa isang pribadong paaralan sa bayan ng Amadeo, Cavite. Kasalukuyan siyang private tutor ng ilang mag-aaral sa preschool, elementarya at sekondarya.

I. Introduksyon
A. Rasyonal
            Marami ang nag-aakala na ang ningning at liwanag ay magkatulad o may iisa lamang na kahulugan. Subalit kung pag-aaralang mabuti, ang dalawang salitang ito ay may magkaibang kahulugan. Ayon sa UP Diksiyonaryong Pilipino Binagong Edisyon, ang ningning ay matinding sinag o kinang, samantala, ang liwanag ay bagay na pumapawi ng dilim o tumutulong sa mata upang makakita. Sa puntong ito ay masasalamin agad ang malaking pagkakaiba ng dalawa. Matutukoy natin na ang ningning ay maaaring makaakit sa ating mga paningin samantalang ang liwanag ang siyang tumutulong sa atin upang makita o mahanap ang isang bagay.
            Ang sanaysay ni Emilio Jacinto na Ang Ningning at ang Liwanag ay aking napiling suriin upang ipakita ang malaking kaibahan ng dalawang salitang ito batay sa mga tunay na pangyayari noong panahon na ito ay sinulat ng may-akda. Kabilang sa aking pagsusuri ang naging masamang bunga ng ating pagkahumaling sa ningning na ipinamalas ng mga mananakop na masasaksihan pa rin natin hanggang ngayon.

B. Uri/Anyo
            Ang Liwanag at Dilim  ay kalipunan ng mga sanaysay na may iba’t ibang paksa tulad ng mga sumusunod: Ang Ningning at ang Liwanag, Ang Kalayaan, Ang Tao’y Magkakapantay, Ang Pag-ibig, Mga Bayan at mga Pinuno (Gobyerno), Ang Maling Pagsampalataya at Ang Paggawa. Ang sanaysay ay isang anyong pampanitikang nagsasaad ng opinyon at obserbasyon ng manunulat tungkol sa isang paksa. Ang sanaysay ay di-piksyon sapagkat ito ay nagsasaad ng isang paksang makatotohanan. Ito rin ay may layuning manghikayat at magbigay ng impormasyon sa mga mambabasa.

C. Maikling Kasaysayan
            Ang Ningning at ang Liwanag ang una sa mga paksang tinalakay ni Emilio Jacinto sa kalipunan ng kanyang mga sanaysay na Liwanag at Dilim. Mahalaga ang papel na ginampanan ni Emilio Jacinto sa Katipunan. Siya ang tinaguriang "Utak ng Katipunan". Siya ang may-akda ng mga artikulo na humikayat sa masa na sumapi sa Katipunan. Ipinaliwanag din niya sa mga artikulong ito kung ano ang kapalit ng pagsasakripisyo para sa bayan.  Ang ilan sa mga akdang kanyang isinulat ay ang Kartilya ng Katipunan, Liwanag at Dilim, A Mi Madre at Sa Bayang Tinubuan. Naunang sumulat si Andres Bonifacio ng mga pang-aral (cartilla, primer), subalit nang mabasa niya ang sinulat ni Emilio Jacinto, ipinalit niya ito at tinakdang alituntunin ng Katipunan.
            Sa edad na 19, siya ay naging isa sa mga pinuno ng Katipunan at naging tagapayo, kalihim at piskal ni Andres Bonifacio. Nang mamatay si Bonifacio, ipinagpatuloy ni Jacinto ang paglaban sa mga Kastila bagamat hindi siya sumali sa puwersa ni Emilio Aguinaldo. Sa isang sagupaan sa Majayjay, Laguna, si Jacinto ay lubhang nasugatan at binawian ng buhay sa sakit na malaria noong ika-16 ng Abril, 1899 sa edad na 23.

II. Pananalig/Pagdulog
            Realismo ang pananalig na ipinamalas ng sanaysay na Ang Ningning at ang Liwanag. Pangunahing layunin ng Realismo ang pagtalakay sa mga problemang panlipunan ng isang tiyak na panahon at lugar. Sinisiyasat nito ang mga sistema at pwersang panlipunan na patuloy na nagpapahirap sa tao. Sa sanaysay ni Emilio Jacinto, hinangad niyang ipakita ang katotohanan at pinag-ukulan niya ng pansin ang mga tunay na larawan sa isang partikular na panahon at lipunan.
            Ang pagdulog na aking ginamit sa pagsusuri ng sanaysay na ito ay Historikal-Biograpikal. Ito ay pagdulog na ang layunin ay hukayin ang mga nakalipas lalo pa’t ang akda ay kasasalimanan ng karanasan ng mismong awtor o isang repleksyon kaya ng isang takdang panahon.

III. Natuklasan
            Ang sanaysay ni Emilio Jacinto na Ang Ningning at ang Liwanag ay kanyang isinulat noong ang ating bansa ay sakop ng mga Kastila. Ipinamamalas ng sanaysay na ito ang mga katotohanang naganap noong panahon ng mga Espanyol at ang mga gawain ng mga namumuno sa ating bansa noong panahon ng mga mananakop.
            Sa pamahalaang kolonyal na itinatag ng mga Espanyol sa Pilipinas, ang gobernador-heneral ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Bilang pinakamataas na pinuno, siya ay tagapagpaganap ng pamahalaan, tagapagpatupad sa batas, tagapagdinig ng kaso at tagapagpairal ng katarungan. Ilan pa sa mga namumuno sa atin noong panahong iyon ay ang mga alcalde mayor, gobernadorcillo at iba pa. Ang kanilang ningning na umakit sa atin ay ang paniniwala nating sila ay lubhang makapangyarihan at nararapat igalang sapagkat lubos silang may kakayahan na pamunuan ang ating bansa.
            Subalit bilang pinakamakapangyarihang opisyal sa bansa, may mga pagkakataong inaabuso ng gobernador-heneral ang kanyang kapangyarihan. May mekanismo ang hari ng Espanya na maiwasto ito. May tinatawag na visitador na tagapasiyasat ng katiwaliang ginagawa ng gobernador-heneral. Ipinadadala siya sa Pilipinas upang tingnan kung maayos ang pamamahala ng mga opisyal ng kolonya. Hindi lamang gobernador-heneral ang kanyang sinisiyasat kundi maging ang iba pang mababang opisyal ng gobyerno. Nagpapakita lamang ito na may katiwalaan talagang nangyayari sa ating bansa noong panahon ng mga mananakop kaya kinakailangang siyasatin ang mga namumuno sa pamahalaan. Ito ang liwanag na tinutukoy ng may-akda sa sanaysay.
            Isa pa sa makapangyarihan noong mga panahon ng Espanyol ay ang mga prayle. Ang mga prayle ay nag-aral ng katutubong wika upang maipakilala nila ang Kristiyanismo sa mga Pilipino. Itinuro nila sa mga Pilipino ang mga doktrina at ritwal ng Kristiyanismo gaya ng pagsisimba, pagdarasal at pagbabasa ng Bibliya. Ito ang ningning na ating namalas sa kanila.
            Subalit sa kabilang banda, hindi nila itinuro ang wikang Espanyol sa kagustuhang mapanatiling magkaiba ang wika ng mananakop at ng sinakop. Iniwasan din ng mga prayle ang pagkatuto ng isang wika ng mga Pilipino na maaaring magbunsod sa pagkakaroon ng pagkakaisa. Lubos silang iginagalang at kinatatakutan ng mga katutubo. Nagmamay-ari sila ng malawak na lupain na napasakamay nila sa pamamagitan ng donasyon, abuloy, pagbili nito o sa ilang kaso ng pangangamkam. Ito ang liwanag na ating masasalamin mula sa sanaysay.
            Batay sa mga pangyayaring ito, masasabi ko na tumpak ang sinabi ni Emilio Jacinto na ang ningning ay nakasisilaw, nakasisira ng paningin at maraya. Narito ang mga linya sa sanaysay na tumutukoy sa mga tunay na pangyayari noong panahon ng mga Espanyol:
“Sa katunayan ng masamang naugalian: Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwat marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay nagtatago ang isang pusong sukaban.”
“Ito na nga ang dahilan na kung kaya ang mga loob na inaakay ng kapalaluan at ng kasakiman ay nagpupumilit na lumitaw na maningning, lalong lalo na nga ang mga hari at mga Pinuno na pinagkatiwalaan ng sa ikagiginhawa ng kanilang mga kampon, at walang ibang nasa kundi ang mamalagi sa kapangyarihan sukdulang ikainis at ikamatay ng Bayan na nagbigay sa kanila ng kapangyarihang ito.”
            Sa kasalukuyan ay masasaksihan natin ito sa ngayon. Tunay na iba ang pagtingin natin sa mga taong nakasakay sa magagarang mga sasakyan. Halos humanga tayo sa mga taong nagmamay-ari nito gayong hindi naman natin tunay na kilala ang pagkatao nila. Lubhang tumitingin tayo sa panlabas na anyo, katangian o pagmamay-ari ng isang tao.
            Narito naman ang aking paliwanag sa sinabi ng may-akda na “Ay! Sa ating pag-uga-ugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at pagtakwil sa liwanag.” at “Tayo’y mapagsampalataya sa ningning; huwag nating pagtakhan na ang ibig mabuhay sa dugo ng ating mga ugat ay magbalatkayo ng maningning.” Sapagkat masyadong nasilaw ang mga Pilipino sa ningning ng mga Espanyol, narito ang masasamang bunga na masasabi kong masasaksihan pa rin natin mapasahanggang ngayon:
a. Marami ang nakalimot sa kulturang kinagisnan. Sa pananaw ng mga Espanyol, hindi sibilisado ang mga Pilipino nang ang mga ito ay sakupin nila. Samakatuwid, pinilit nilang burahin ang anumang mayroon ang mga Pilipino at ipalaganap ang kulturang Espanyol. Mula sa pananamit, gawi, kilos at pag-iisip, ang kulturang Espanyol ang ginawang pamantayan. Simple lamang noon ang buhay ng mga katutubo. Simple lamang ang paraan ng kanilang pagkain. Nakakamay lamang sila noon at sa dahon ng saging lamang kumakain. Subalit nang dumating ang mga banyaga, itinuro nila sa atin ang kanilang iba’t ibang kultura gaya ng paggamit ng mga plato, kutsara, tinidor at maging ang iba’t ibang putaheng kanilang kinakain.
b. Mababa ang naging pagtingin ng mga Pilipino sa sarili nilang kultura. Ang mababang pagtingin na ito ay mababanaag sa mababang pananaw sa mga katutubong Pilipino na nanatiling tapat sa sariling kinagisnang kultura. Iminulat ng mga Espanyol sa mga Pilipino na ang Kristiyano at ang yumakap ng kulturang Espanyol ay sibilisado. Samantala, ayon sa mga Espanyol, ang nanatiling tapat sa sariling kultura ay patuloy na sumasamba sa mga anito at diwata at hindi sibilisado.
c. Maiuugat dito ang kaisipang kolonyal na mababakas pa rin hanggang sa kasalukuyan. Dahil iminulat ng mga Espanyol sa mga Pilipino na ang kultura nila ay superyor, nabuo sa isipan ng maraming Pilipino na ito ang pamantayan na dapat pamarisan. Pinahalagahan ng mga Pilipino ang kultura ng nanakop sa kanila nang higit sa sariling kultura. Ito ang kaisipang kolonyal na nagpatuloy sa panahon ng mga Amerikano. Hanggang ngayon ay bakas pa rin ang pananaw na ito sa maraming mga Pilipino.
            At sa huling linya ng may-akda, “Ay, Ang Anak ng Bayan, ang kapatid ko, ay matututo kaya na kumuhang halimbawa at lakas sa pinagdaaanang mga hirap at binatang mga kaapihan?” tinatawagan naman niya ng pansin ang kanyang mga kababayan na kumilos at tingnan ang liwanag upang hindi na muling mangyari ang kaapihang naranasan at magising sila sa katotohanan.
            Ang sanaysay ni Emilio Jacinto na Ang Ningning at ang Liwanag ay nagpapakita ng katotohanang sinapit ng mga Pilipino sa kamay ng mga Espanyol. Ipinakikita nito na madali tayong naakit sa kanilang layunin at tunay tayong nahumaling na nararapat igalang ang kanilang kapangyarihan bilang mananakop. Hindi natin lubusang tiningnan ang kanilang motibo at ang mga katotohanang naganap sa kanilang pamamahala sa atin.  Ang pagkaakit natin sa ningning na ito at ang pagkabulag natin sa liwanag ay nagdulot ng masamang bunga sa ating mga Pilipino na masasaksihan pa rin natin hanggang ngayon.


IV. Mga Sanggunian:
UP Diksiyonaryong Pilipino Binagong Edisyon
Agno, Lydia N. et al. (2010). Kultura, Kasaysayan at Kabuhayan 5. Quezon City: Vibal      Publishing House, Inc.
Avena L.P. at Magalong N.S. (1999). Yaman ng Wika at Panitikan. Manila: Diwa Scholastics       Press Inc.
Dayag, Alma M. (2007). Pluma 4. Quezon City: Phoenix Publishing House.
http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Emilio_Jacinto

Ang Paggawa


ISANG PAGTINGIN SA KAHALAGAHAN NG PAGGAWA
Carmina V. Villanueva
                Ang manunuri ay nagkaroon ng dalawang taong karanasan na makapagturo ng nursery sa isang pribadong paaralan sa bayan ng Amadeo, Cavite. Kasalukuyan siyang private tutor ng ilang mag-aaral sa preschool, elementarya at sekondarya.

I. Introduksyon
A. Rasyonal
            Ang bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng Diyos ng kakayahang gumawa o magtrabaho. Maituturing natin itong kaloob sapagkat sa pamamagitan nito ay lalong nahahasa ang ating mga kakayahan at natutugunan din natin ang ating mga pangangailangan. Ang paggawa ay dapat ikarangal ng tao at hindi dapat ikahiya lalo na kung ang pagkita niya ng salapi ay sa mabuting paraan, sa pagpapatulo ng pawis, at hindi sa karumal-dumal na gawain.
            Hindi rin lingid sa atin na marami ang nagsusumikap na makahanap ng magandang trabaho upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Marami ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa mabigyan lamang nang maayos na katayuan sa buhay ang kanilang mga asawa, anak at maging ang kanilang mga kamag-anak na umaasa sa kanila. Ang lahat ng ito ay sumasalamin sa kahalagahan ng paggawa na sa pamamagitan nito ay makatutulong tayo sa iba, magiging maayos ang buhay ng ating pamilya, mapagbubuti rin natin ang ating mga sarili at makakaya nating magsakripisyo para sa kapakanan ng iba.
            Ang sanaysay ni Emilio Jacinto ay napili kong suriin upang ipakita ang kahalagahan ng paggawa. Tatalakayin din sa pagsusuring ito na ang gumawa o magtrabaho ay hindi parusang ibinigay ng Diyos sa tao kundi isang kaloob upang lalo siyang magsumikap.



B. Uri/ Anyo
            Ang Liwanag at Dilim  ay kalipunan ng mga sanaysay na may iba’t ibang paksa tulad ng mga sumusunod: Ang Ningning at ang Liwanag, Ang Kalayaan, Ang Tao’y Magkakapantay, Ang Pag-ibig, Mga Bayan at mga Pinuno (Gobyerno), Ang Maling Pagsampalataya at Ang Paggawa.
Ang sanaysay ay isang maiksing komposisyon na kalimitang naglalaman ng personal na kuro-kuro ng may akda. Sinasabing ang sanaysay ay isang tangka sa paglalarawan at pagbibigay kahulugan sa buhay at iba't ibang sangay nito. Naiiba sa makata ang manunulat ng sanaysay sa dahilang hindi siya nakatali sa mga pamantayan ng porma, sukat, tugma o talinghaga. Malaya siyang lumilikha ng kahit anong paksang nais niyang ipahayag na bunga ng kanyang pagmamasid, pag-iisip at pagkakasangkot sa halos lahat ng mga bagay sa kanyang kapaligiran. May layunin itong maglahad ng pansariling damdamin at kuro-kuro ng kumatha sa makatwirang paghahanay ng kaisipan. Nagpapaliwanag din ito ng mga pansariling pananaw ng manunulat tungkol sa isang paksa. At kung minsan, may layunin itong makapagpaabot ng pagbabago, makalibang at makahikayat ng mambabasa.

C. Maikling Kasaysayan
            Ang Paggawa ang pinakahuli sa mga paksang tinalakay ni Emilio Jacinto sa kalipunan ng kanyang mga sanaysay na Liwanag at Dilim. Mahalaga ang papel na ginampanan ni Emilio Jacinto sa Katipunan. Nag-aral siya sa kolehiyo ng San Juan de Letran at kumuha ng abogasya sa UST ngunit ito ay natigil nang siya ay sumapi sa Katipunan noong 1893. Sa gulang na 19, siya ay isa sa mga magagaling na pinuno ng Katipunan.
            Kinilala siyang Utak ng Katipunan. Gumamit siya ng sagisag-panulat na Pingkian sa Katipunan. Itinatag niya ang pahayagang Kalayaan na pahayagan ng katipunan. Ito ay pinamatnugutan niya katulong si Pio Valenzuela. Ang sagisag-panulat na kanyang ginamit ay Dimas Ilaw. Siya rin ang sumulat ng Kartilya ng Katipunan. Si Jacinto ay lubhang nasugatan ngunit pinakawalan dahil sa sakit na malaria at disenterya. Siya ay binawian ng buhay sa Sta. Cruz, Laguna noong Abril 16, 1899 sa edad na 23.

II. Pananalig/Pagdulog
            Ang pananalig na aking namalas sa sanaysay na Ang Paggawa ay Humanismo. Ang Humanismo bilang isang pananalig sa panitikan ay nagbibigay ng malaking pagpapahalaga sa tao sa paniniwalang ang tao ay sentro ng daigdig, ang sukatan at panginoon ng kanyang kapalaran. Ipinakita sa sanaysay ni Emilio Jacinto na kinakailangang gumawa ng tao upang lumakas ang kanyang isipan, kalooban at maging ang kanyang katawan.
            Moral-Pilosopikal naman ang pagdulog na aking ginamit sa pagsusuri sa akdang ito. Sa pagdulog na ito, pinipiga ng isang manunuri ang akda batay sa mga dayalogo nito o mga siping sabi na magpapatunay ng tunay na layunin ng pagkakasulat. Pinili ng manunuri ang linya sa sanaysay na nagpapakita ng nais iparating ng may-akda sa mga mambabasa hinggil sa kahalagahan ng paggawa.

III. Natuklasan
            Maaaring marami ang nag-aakala na ang paggawa o pagtatrabaho ay isang parusa at hirap na ipinagkaloob ng Diyos sa tao. Sa bawat araw ay makikita natin na ang mga tao ay gigising nang maaga, maghahanda para pumasok, haharapin ang mga kailangang gawin sa trabaho at uuwi nang gabi na pagod na pagod dahil sa maghapong pagtatrabaho. Subalit ayon sa sanaysay, ang paggawa ay isang importanteng kaloob sapagkat sa pamamagitan nito ay nahahasa ang ating mga kakayahan, isipan, kalooban at katawan. Narito ang mga linya sa akda na nagpapatunay dito:
Ngunit kung mahinahon nating pagbubulay-bulayin ay maki-kitang maliwanag na ang gumawa ay hindi parusa at hirap kundi pala ay kagalingan na ipinagkaloob ng Diyos sa tao bilang alaala ng di-matingkala Niyang pag-ibig.”
“Ang gumawa ay isa sa malaki’t mahalagang biyaya pagkat sa pamamagitan nito ay nagigising at nadaragdagan ang lakas ng isip, loob, at katawan, mga bagay na kasanib at kinakailangan ng kabuhayan.”
            May mababasa tayo sa Bibiliya na ang gumawa o magtrabaho ay parusang ibinigay ng Diyos kay Adan na ama ng sangkatauhan dahil siya ay kumain ng bunga ng kahoy na ipinagbawal sa kanya. Makikita natin ito sa Genesis 3:17-19.
17 Hinarap naman ng Diyos si Adan at ganito ang sinabi:
                “Pagkat nakinig ka sa asawang hirang
            Nang iyong kainin yaong bungang bawal;
            Sa nangyaring ito, ang lupang tanima’y
            Aking susumpain magpakailanman,
            Ang lupaing ito para pag-anihan
            Pagpapawisan mo habang nabubuhay.
18        Mga damo’t tinik ang ‘yong aanihin,
            Halaman sa gubat ang iyong kakainin
19        Upang pag-anihan ang iyong bukirin
            Magpakahirap ka hanggang sa malibing.
            Yamang sa alabok, doon ka nanggaling
            Sa lupang alabok ay babalik ka rin.”
            Para sa akin, ito ay naging kaparusahan lamang kay Adan dahil sa kanilang pagsuway. Hindi sila sumunod sa ipinag-uutos ng Diyos kaya sila ay pinarusahan. Ngunit ang parusang ito para sa akin ay nararapat lamang subalit may naging mabuting bunga rin naman sapagkat natuto ang tao na gumawa at magtrabaho at umasa at magtiwala sa Diyos na sa kanyang pagsusumikap ay pagkakalooban din naman siya ng karampatang ganti.
            Ayon din sa akda, Ang gumagawa ay nalalayo sa buhalhal na kasalanan, maru-ruming gawi, at kayamuan; nagtatamo ng aliw, tibay, ginhawa, at kasayahan.”
            Ipinamamalas nito na sa paggawa ay naiiwasan natin ang pagiging tamad at umasa sa iba kundi nakakamit nating maging maligaya at maginhawa ang buhay dahil sa bunga ng ating pinaghirapan.
            Tunay din ang sinabi ni Baltazar sa kanyang tula:
            “Ang laki sa layaw karaniwang hubad
            Sa bait at muni’t sa hatol ay salat.”
            Ibig sabihin nito, kung sino man ang hindi nagnanais na magtrabaho o gumawa ay walang patutunguhan. Kung tamad ang isang tao ay wala siyang matututuhan, hindi niya matutugunan ang kanyang mga pangangailangan at wala siyang mapapala sa buhay. Maraming mga tao ang nagiging matagumpay sa kanilang hanapbuhay dahil sa kanilang mga kanais-nais na saloobin at pagpapahalaga sa paggawa. Sa kabilang banda, may mga tao na hindi nagiging maganda ang buhay bunga ng hindi magandang saloobin sa paggawa.
            Ipinamalas din sa sanaysay na dapat nating ilagay sa wastong katayuan ang ating pagkatao kung saan tayo nababagay, kung tayo man ay mahirap, di tayo dapat umayos at mamuhay nang higit sa ating kinikita. Ang bata mula sa kamusmusan ay nararapat imulat, hubugin at igawi sa kabutihang asal at pag-ibig sa paggawa.
            Kaya dapat na tayo ay magtrabaho, pagkat kung tayo ay datnin ng pangangailangan at nasa kasaganaan, aabutin na lamang natin at sukat subalit kung tayo’y dahop, tayo’y lalong malulugmok sa lalong kahamak-hamak at kasuklam-suklam na kabuhayan, na tungo sa pagkalipol ng ating pagkatao.
            Bilang kaugnayan sa kasalukuyang pangyayari, sa hirap ng buhay ngayon, nararapat na ang isang tao ay magsumikap magtrabaho upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Ang iba ay nangingibang-bansa pa at nagtitiis na malayo sa kanilang mga pamilya makamit lamang ang trabahong makapagbibigay sa kanila ng sapat na salapi na makapagtutustos sa pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay. Isang reyalidad din sa kasalukuyan ang kakulangan sa bakanteng trabaho at ang tinatawag na underemployment o ang pagkakaroon ng trabaho na hindi naman tumpak sa kurso o kasanayang pinag-aralan ng isang mamamayan.
            Isang malaking bagay rin naman na aking nakikita ang pagkakaroon ng Labor Code of the Philippines o Presidential Decree No. 442, as amended. Ayon dito, ito ay “a decree instituting a labor code thereby revising and consolidating labor and social laws to afford protection to labor, promote employment and human resources development and insure industrial peace based on social just." Malaking bagay ito sapagkat pinoprotektahan nito ang mga karapatan ng mga manggagawa, pantay na oportunidad sa mga manggaggawang babae at lalaki o kabilang sa ibang lahi at pag-aayos ng relasyon sa pagitan ng mga kompanya at mga empleyado nito. Sa pagkakaroon ng ganitong batas ay ipinamamalas lamang na tunay na malaking bagay ang pagtatrabaho at paggawa at pagbibigay proteksyon sa mga manggagawa.
            Hindi matatawaran na tunay ang mga naging pahayag ni Emilio Jacinto sa kanyang sanaysay na Ang Paggawa. Ang paggawa ay dapat ikarangal ng isang tao at hindi niya ito nararapat ikahiya sapagkat sa pamamagitan nito ay nahahasa ang kanyang kakayahan at natutugunan niya ang kanyang mga pangangailangan. Lalo pang dapat itong ikarangal kung ang pagtatrabaho ng isang tao at ang paraan niya ng pagkita ng salapi ay sa mabuting paraan, sa pagpapatulo ng pawis at hindi sa masamang gawain.


IV. Mga Sanggunian
Agno, Lydia N. et al.(2007).Kultura, Kasaysayan at Kabuhayan 3.Quezon City: Vibal Publishing   House, Inc.
Avena L.P. at Magalong N.S. (1999). Yaman ng Wika at Panitikan. Manila: Diwa Scholastics       Press Inc.
Dayag, Alma M. (2007). Pluma 4. Quezon City: Phoenix Publishing House.
United Bible Societies. (1980). Magandang Balita Biblia. Manila: Philippine Bible Society

Wednesday, March 20, 2013

Atityud at Motibasyon ng mga Magulang Hinggil sa Pagkatutong Pangwika ng Kanilang mga Anak


Atityud at Motibasyon ng mga Magulang Hinggil
sa Pagkatutong Pangwika ng
Kanilang mga Anak



Introduksyon

                Maraming mga eksperto ang nagsasabi na may ginagampanang importanteng papel ang mga magulang sa pagbuo ng atityud ng mga bata patungkol sa wika. Ayon kay Zimbardo (1999), ang atityud ay ang negatibo at positibo na pagtataya ng indibidwal sa mga bagay-bagay, pangyayari, aktibidad, ideya o anumang bagay sa kapaligiran. Ang motibasyon naman ayon sa UP Diksiyonaryong Pilipino ay ang dahilan o mga dahilan ng isang tao sa kaniyang ginawa o sinabi. Binigyang diin ni Wong (2000) na ang nararamdaman at atityud ng mga magulang ay naka-iimpluwensya sa pagkatuto ng mga bata ng wika. Batay naman kay Oskamp (1977), nakabubuo ng atityud ang mga bata sa isang bagay batay sa kanyang karanasan patungkol dito subalit hindi maitatangging natatamo ito sa pamamagitan ng pagtuturo at pagpapakita ng atityud ng mga magulang hinggil dito.
                Nilalayon ng pananaliksik na ito na sagutin ang sumusunod na mga suliranin:
1. Ano ang preperensiyang wika ng mga magulang na nais nilang matutuhan ng kanilang mga anak?
2. Ano ang atityud ng mga magulang hinggil sa wikang nais nilang matutuhan ng kanilang mga anak?
3. Batay sa atityud ng mga magulang, paano nila sinusuportahan ang pagkatuto ng kanilang mga anak ng wikang ito?
                Gamit ang deskriptibong metodo o palarawang pamamaraan ng pananaliksik, tinukoy ng mananaliksik ang wikang nais ng mga magulang na matutuhan ng kanilang mga anak, ang atityud ng mga mga magulang hinggil sa wikang ito at ang mga paraan kung paano nila sinusuportahan ang pagkatutong pangwika ng kanilang mga anak. Gumamit ang mananaliksik ng talatanungan at pakikipanayam sa mga magulang upang makakolekta ng mga kakailanganing datos para sa pag-aaral na ito.

                Convenience sampling ang uri ng sampling na ginamit ng mananaliksik sa pag-aaral na ito. Ang mga tagatugon na madaling maabot at makapanayam ang kalimitang napapabilang sa ganitong uri ng sampling. Ang mga kalahok sa pananaliksik na ito ay napili base sa preperensiya ng mananaliksik. 
                Ang mga napiling kalahok sa pag-aaral na ito ay ang mga magulang na nagpapaaral ng nursery, junior kinder at senior kinder sa Dorcas Samaritan Academe Inc., isang pribadong paaralan sa bayan ng Amadeo, Cavite. Batay sa pampaaralang taon 2012-2013. Ang kabuuang populasyon ng mga magulang ay animnapu’t siyam (69). Pumili lamang ang mananaliksik ng kalahating bilang ng mga magulang sa bawat grade level. Ang kabuuang bilang ng mga kalahok ay dalawampu’t walo (28) o apatnapu’t isang porsyento (41%) ng kabuuang populasyon ng mga magulang.
                Sa pananaliksik na ito, hiwalay na sinuri ang mga sagot ng mga pumili ng wikang Filipino at wikang Ingles. Ang mga sagot ng mga kalahok sa talatanungan ay inilista at ginawan ng talaan para maisagawa ang angkop na istatistikal na paglalapat. Ang pag-aaral na ito ay nangangailangan lamang ng simpleng pagkuha ng frequency count at bahagdan. Dahil dito, ang pagkuha ng percentage ang ginamit para sa istatistikal na paglalapat ng datos. Sa pamamagitan ng pagkuha ng percentage ay nalaman ang kasagutan sa tatlong suliraning nakalahad sa pananaliksik na ito.
Kinalabasan ng Pag-aaral
                Batay sa ginawang pagsusuri, narito ang kinalabasan ng pag-aaral:
1. Sa kabuuang bilang na 28 na kalahok na mga magulang, 19 ang nais na wikang Filipino ang matutuhan ng kanilang mga anak samantalang 9 lamang ang pumili ng wikang Ingles. Kapansin-pansin na mas maraming magulang ang pumili ng wikang Filipino kaysa sa wikang Ingles. 
2. Sa mga magulang na pumili ng wikang Filipino, marami sa kanila ang sumasang-ayon na gamit ang wikang ito, makikinig ang kanilang mga anak sa sinasabi ng kanilang kausap, maipahahayag nila nang malinaw ang kanilang saloobin, malaya nilang masasabi ang kanilang nararamdaman at karanasan, maaga silang magiging handa upang makabasa, madali nilang mapag-aaralan ang mga kasanayan sa pagsulat, mailalarawan nila nang mabuti ang kanilang napanuod o nakita, mapaghuhusay nila ang kanilang pakikisalamuha sa iba at madali nilang mauunawaan ang kanilang takdang aralin.
3. Ganito rin naman ang kinalabasan ng mga kalahok na pumili ng wikang Ingles. Marami sa kanila ang sumasang-ayon na ang mga kasanayang una nang nabanggit ay matututuhan ng kanilang mga anak gamit ang wikang Ingles. Ipinakikita lamang nito ang atityud ng mga magulang sa wikang kanilang napili. Kung ano man ang wikang kanilang napili, naniniwala sila na gamit ito ay makakamtan ng kanilang mga anak ang mga kasanayan na kailangan matutuhan ng kanilang mga anak.
4. Hinggil naman sa mga paraang isinasagawa ng mga magulang sa pagkatutong pangwika ng kanilang mga anak, marami silang bagay na isinasagawa upang matulungan ang kanilang mga anak sa pagkatuto ng napiling nilang wika, Filipino man o Ingles. Ang mga paraang ito gaya ng pakikinig at pagkausap sa kanilang mga anak gamit ang wikang ito, pagtuturo sa kanila ng mga bagong talasalitaan, awitin, pagbabasa sa kanila ng mga kuwento, paghihikayat manuod ng mga palabas na nasa ganitong wika, paghihikayat sa kanila na makipag-usap gamit ang wikang ito at paggamit nito upang turuan sila sa kanilang takdang aralain ay palagi o minsan nilang isinasagawa upang masuportahan ang pagkatutong pangwika ng kanilang mga anak.
Rekomendasyon
                Batay sa kinalabasan at buod ng pag-aaral, ang sumusunod ang mga nabuong rekomendasyon ng mananaliksik:
1. Nararapat na maging malinaw sa mga magulang kung ano ang wikang nais nilang matutuhan ng kanilang mga anak.
2. Isang mabuting paraan din na matukoy ng mga magulang ang kanilang paniniwala sa wikang nais nilang matutuhan ng kanilang mga anak sapagkat kung ano man ang atityud nila patungkol dito ay malaki ang posibilidad na maimpluwensiyahan nila ang atityud ng kanilang mga anak hinggil sa wikang ito.
3. Nararapat na ipagpatuloy ng mga magulang ang iba’t ibang mga paraan upang mapahusay pa ang pagkatutong pangwika ng kanilang mga anak.
4. Malaking bagay din ang pakikipag-ugnayan sa mga guro upang mapahusay pa ang pagkatutong pangwika ng mga bata.

Wednesday, March 13, 2013

Lola

Ang Lola naman ni Brillante Mendoza ang ikalawang indie film na napanood ko. Narito naman ang ilang obserbasyon ko sa pelikulang ito.


Lola

            Ang sumusunod ay mga linyang binitawan ng mga tauhan sa pelikulang Lola ni Brillante Mendoza. Mapapansin sa mga linyang ito ang paggamit ng Taglish na isang halimbawa ng code switching, paggamit ng mga ilang hindi angkop na mga salita at pandiwa at mga simpleng pangungusap na karaniwan na nating ginagamit sa pakikipagtalastasan. Kabilang din dito ang isang idyoma at isang salitang iba ang kahulugang ginamit.

Paggamit ng Taglish
·         Andaming benefits, aba, may rice allowance, ‘yung coverage ng health plan malaki.
·         Sinuot ko ang favorite kong coat.
·         Punta po tayo sa display room.
·         Sa mga first class po ‘yan.
·         ‘Yan po ang complete services.
·         Ang nirerequire po dyan ay magdedeposito po kayo.
·         Condolence po ha.
·         Hindi pa nababalik yung balance na 800.
·         Sa second floor po.
·         Mag-amicable settlement na lang kayo.

Paggamit ng mga hindi angkop na salita at pandiwa
·         Magdedeposito po kayo ng 30% - 20%.
·         Nakakain ka ba ng gamot?
·         Hindi ko na mabasa ang mukha nyo dito, malabo na.

Simpleng pangungusap
·         Ano po ang sa atin?
·         Ano po yung sa inyo?
Ang ibig ipahiwatig ng mga simpleng pangungusap na ito ay “Ano po ang kailangan ninyo?” o kaya naman ay “Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?”

Idyoma
·         Nagdilim ang paningin
Ang kahulugan nito ay nagkaroon ng matinding galit.

Salitang iba ang kahulugang ginamit
·         Ang kita natin sa buong maghapon, sa lagay lang napunta.
                 Ang salitang lagay sa pangungusap na ito ay nangangahulugang suhol.



Ataul For Rent

Ang Ataul for Rent ang kauna-unahang indie film na aking napanood.

Halina't basahin ang maiksi kong paglalarawan at pagsusuri sa pelikulang ito ni Neal Tan.


Ataul for Rent

            Malinaw na ipinakikita sa bawat tauhan, tagpuan at eksenang nakapaloob sa pelikulang Ataul for Rent ni Neal Tan ang larawan ng kahirapan at kawalang pag-asa bilang sakit ng ating lipunan. Nakadagdag din sa pagpapakita ng temang ito ang paghahalintulad ng mga pangyayari at tauhan sa mga dagang walang kinatatakutan at walang panganib na iniisip. Minumulat ng pelikulang ito ang isipan ng mga manunuod hinggil sa reyalidad ng buhay-iskwater. Ang iba’t ibang magkakaugnay na sakit ng ating lipunan gaya ng pagbebenta at pagkaadik sa droga, iligal na water at electric tapping, pagnanakaw, pagsusugal, bisyo, prostitusyon, imoralidad at pagpatay ang ilan lamang sa mga itinampok sa pelikula.

            Mapapansin sa mga eksena at tauhan ng pelikula ang larawan ng kahirapan batay sa kani-kanilang sitwasyon sa buhay. Kabilang sa mga tauhan ang isang asawang mas gusto pang tumambay kaysa magtrabaho, mga lalaki’t babaeng araw-araw nagsusugal at nandaraya, ang bugaw na si Buding at si Doray na sunud-sunuran lamang sa kanya, si Insyang na dalagang nagkukunwari subalit may kasalanan ding itinatago, ang binatang si Danny na gagawin ang lahat may maiabot lamang sa nanay na isa rin palang manunugal, si Boy Kagaw na nanghihikayat sa iba na magbenta ng droga at ang pangunahing tauhang si Guido at ang kanyang asawa na pinagsasamantalahan ang mapait na kalagayan at kahirapan ng kanilang mga kapitbahay sapagkat sarili lamang ang kanilang iniisip. Ilan lamang ito sa mga tauhang may iba’t ibang papel na ginampanan upang ipakita ang kahirapang kanilang dinaranas at ang mga maling solusyong ginagawa nila upang takasan ito. Ipinakikita rin sa buong pelikula ang mga masasamang gawain na tila normal na sa kanila gaya ng pagmumura, katamaran, pagsusugal,  pandaraya, paglalasing, hindi pagbabayad ng utang, pagnanakaw, pagbebenta ng sariling laman, panlalamang sa kapwa at panghihikayat sa iba na gumawa rin ng kasamaan.

            Mahahati ang mga tauhan batay sa kani-kanilang papel na ginampanan sa kabuuan ng pelikula. Ang katangiang ito ng bawat tauhan ay salamin din ng mga uri ng tao sa ating lipunan. Nariyan ang mga taong malalakas ang loob na gumawa ng kahit masamang paraan makinabang at mabuhay lamang sila. Hinihikayat din nila ang iba na tularan ang kanilang hindi magagandang gawain. Kabilang din ang mga taong sunud-sunuran sa mga masasamang gawain kahit alam nilang iyon ay mali, mga taong nakikinabang sa mga bagay na mula sa maling gawain at hindi nila iyon itinutuwid, at mga taong alam ang masamang nangyayari sa paligid subalit walang magawa upang ito ay maitama gaya ni Batul. Bawat isa sa kanila ay representasyon kung paano harapin ang kahirapan at pagsubok na dinaranas sa buhay. Sila ay inihalintulad sa mga dagang nakatagpo ng lungga, dumarami at patuloy na nagpapasasa. Patuloy sila sa paggawa ng mga masasamang paraan upang makaiwas sa kahirapan at hindi nila alintana ang magiging bunga ng mga gawaing ito sa kanila.

            Ganito rin ang makikita sa tagpuan ng pelikula. Ang Kalyehon Walang Lagusan ay salamin ng kahirapan sa pagiging marumi, mabaho, masikip at magulo nito. Kasama ring ipinakita sa tagpuan ang mga taong araw-araw nag-iinuman at nagsusugal, malalaking mga daga at madudumi at mababahong mga kanal. Ang pagbibigay halaga sa mga malalaking dagang ginawang lungga ang lugar na ito ang nagpaigting upang ipakita ang kabuuang tema ng pelikula. Kahit ang mga alagad ng batas ay hindi makapasok sa lugar na ito dahil lubhang masasama, matatapang at naninindigan ang mga naninirahan dito na kahit anong gawin sa kanila ay hinding-hindi nila lilisanin ang lugar.

            Matapos bigyang pansin ang mga sakit sa lipunan, ipinamalas naman sa huling bahagi hanggang sa katapusan ng pelikula na ang lahat ng kasamaan ay may nakaambang katapusan. Ipinakitang may kabayaran din ang bawat kasamaang ginawa. Nanganib ang buhay ng ilang mga tauhan at ang mismong lugar ng Kalyehon Walang Lagusan. Inihalintulad ang mga tauhan sa mga dagang nabulabog dahil nanganib na rin ang kanilang lungga. Subalit tulad din ng mga daga, ang mga tauhang naninirahan sa Kalyehon Walang Lagusan ay maghahanap ng bagong lugar, patuloy pa ring mabubuhay at patuloy na makikibaka upang bawat pagsubok ay makayang malusutan. At dahil nagkaroon sila ng pagkakataon upang makapagsimula muli, mainam kung ang bagong simulaing ito ay nakabatay sa tama at sa landas na nararapat.