Atityud
at Motibasyon ng mga Magulang Hinggil
sa
Pagkatutong Pangwika ng
Kanilang
mga Anak
Introduksyon
Maraming mga eksperto ang
nagsasabi na may ginagampanang
importanteng papel ang mga magulang sa pagbuo ng atityud ng mga bata patungkol
sa wika. Ayon kay Zimbardo (1999), ang atityud ay ang negatibo at positibo na
pagtataya ng indibidwal sa mga bagay-bagay, pangyayari, aktibidad, ideya o
anumang bagay sa kapaligiran. Ang motibasyon naman ayon sa UP Diksiyonaryong
Pilipino ay ang dahilan o mga dahilan ng isang tao sa kaniyang ginawa o sinabi.
Binigyang diin ni Wong (2000) na ang nararamdaman at atityud ng mga magulang ay
naka-iimpluwensya sa pagkatuto ng mga bata ng wika. Batay naman kay Oskamp
(1977), nakabubuo ng atityud ang mga bata sa isang bagay batay sa kanyang
karanasan patungkol dito subalit hindi maitatangging natatamo ito sa
pamamagitan ng pagtuturo at pagpapakita ng atityud ng mga magulang hinggil
dito.
Nilalayon
ng pananaliksik na ito na sagutin ang sumusunod na mga suliranin:
1. Ano ang preperensiyang wika ng mga
magulang na nais nilang matutuhan ng kanilang mga anak?
2. Ano ang atityud ng mga magulang hinggil
sa wikang nais nilang matutuhan ng kanilang mga anak?
3. Batay sa atityud ng mga magulang, paano
nila sinusuportahan ang pagkatuto ng kanilang mga anak ng wikang ito?
Gamit
ang deskriptibong metodo o palarawang pamamaraan ng pananaliksik, tinukoy ng
mananaliksik ang wikang nais ng mga magulang na matutuhan ng kanilang mga anak,
ang atityud ng mga mga magulang hinggil sa wikang ito at ang mga paraan kung
paano nila sinusuportahan ang pagkatutong pangwika ng kanilang mga anak.
Gumamit ang mananaliksik ng talatanungan at pakikipanayam sa mga magulang upang
makakolekta ng mga kakailanganing datos para sa pag-aaral na ito.
Convenience sampling ang uri ng sampling na
ginamit ng mananaliksik sa pag-aaral na ito. Ang mga tagatugon na madaling
maabot at makapanayam ang kalimitang napapabilang sa ganitong uri ng sampling. Ang mga kalahok sa
pananaliksik na ito ay napili base sa preperensiya ng mananaliksik.
Ang mga napiling kalahok sa pag-aaral na
ito ay ang mga magulang na nagpapaaral ng nursery, junior kinder at senior
kinder sa Dorcas Samaritan Academe Inc., isang pribadong paaralan sa bayan ng
Amadeo, Cavite. Batay sa pampaaralang taon 2012-2013. Ang kabuuang populasyon
ng mga magulang ay animnapu’t siyam (69). Pumili lamang ang mananaliksik ng
kalahating bilang ng mga magulang sa bawat grade level. Ang kabuuang bilang ng
mga kalahok ay dalawampu’t walo (28) o apatnapu’t isang porsyento (41%) ng
kabuuang populasyon ng mga magulang.
Sa
pananaliksik na ito, hiwalay na sinuri ang mga sagot ng mga pumili ng wikang
Filipino at wikang Ingles. Ang mga sagot ng mga kalahok sa talatanungan ay
inilista at ginawan ng talaan para maisagawa ang angkop na istatistikal na
paglalapat. Ang pag-aaral na ito ay nangangailangan lamang ng simpleng pagkuha
ng frequency count at bahagdan. Dahil dito, ang pagkuha ng percentage ang ginamit para sa istatistikal na paglalapat ng datos.
Sa pamamagitan ng pagkuha ng percentage ay nalaman ang kasagutan sa tatlong
suliraning nakalahad sa pananaliksik na ito.
Kinalabasan ng Pag-aaral
Batay sa ginawang pagsusuri, narito ang
kinalabasan ng pag-aaral:
1. Sa kabuuang bilang na 28 na kalahok na
mga magulang, 19 ang nais na wikang Filipino ang matutuhan ng kanilang mga anak
samantalang 9 lamang ang pumili ng wikang Ingles. Kapansin-pansin na mas
maraming magulang ang pumili ng wikang Filipino kaysa sa wikang Ingles.
2. Sa mga magulang na pumili ng wikang
Filipino, marami sa kanila ang sumasang-ayon na gamit ang wikang ito, makikinig ang kanilang mga anak sa sinasabi ng
kanilang kausap, maipahahayag nila nang malinaw ang kanilang saloobin, malaya
nilang masasabi ang kanilang nararamdaman at karanasan, maaga silang magiging
handa upang makabasa, madali nilang mapag-aaralan ang mga kasanayan sa
pagsulat, mailalarawan nila nang mabuti ang kanilang napanuod o nakita,
mapaghuhusay nila ang kanilang pakikisalamuha sa iba at madali nilang
mauunawaan ang kanilang takdang aralin.
3. Ganito rin naman ang kinalabasan ng mga
kalahok na pumili ng wikang Ingles. Marami sa kanila ang sumasang-ayon na ang
mga kasanayang una nang nabanggit ay matututuhan ng kanilang mga anak gamit ang
wikang Ingles. Ipinakikita lamang nito ang atityud ng mga magulang sa wikang
kanilang napili. Kung ano man ang wikang kanilang napili, naniniwala sila na
gamit ito ay makakamtan ng kanilang mga anak ang mga kasanayan na kailangan
matutuhan ng kanilang mga anak.
4. Hinggil naman sa mga paraang
isinasagawa ng mga magulang sa pagkatutong pangwika ng kanilang mga anak,
marami silang bagay na isinasagawa upang matulungan ang kanilang mga anak sa
pagkatuto ng napiling nilang wika, Filipino man o Ingles. Ang mga paraang ito
gaya ng pakikinig at pagkausap sa kanilang mga anak gamit ang wikang ito,
pagtuturo sa kanila ng mga bagong talasalitaan, awitin, pagbabasa sa kanila ng
mga kuwento, paghihikayat manuod ng mga palabas na nasa ganitong wika,
paghihikayat sa kanila na makipag-usap gamit ang wikang ito at paggamit nito upang
turuan sila sa kanilang takdang aralain ay palagi o minsan nilang isinasagawa
upang masuportahan ang pagkatutong pangwika ng kanilang mga anak.
Rekomendasyon
Batay
sa kinalabasan at buod ng pag-aaral, ang sumusunod ang mga nabuong
rekomendasyon ng mananaliksik:
1. Nararapat na maging malinaw sa mga
magulang kung ano ang wikang nais nilang matutuhan ng kanilang mga anak.
2. Isang mabuting paraan din na matukoy ng
mga magulang ang kanilang paniniwala sa wikang nais nilang matutuhan ng
kanilang mga anak sapagkat kung ano man ang atityud nila patungkol dito ay
malaki ang posibilidad na maimpluwensiyahan nila ang atityud ng kanilang mga
anak hinggil sa wikang ito.
3. Nararapat na ipagpatuloy ng mga
magulang ang iba’t ibang mga paraan upang mapahusay pa ang pagkatutong pangwika
ng kanilang mga anak.
4. Malaking bagay din ang
pakikipag-ugnayan sa mga guro upang mapahusay pa ang pagkatutong pangwika ng
mga bata.
No comments:
Post a Comment