ISANG PAGTINGIN SA
KAHALAGAHAN NG PAGGAWA
Carmina V. Villanueva
Ang manunuri ay nagkaroon ng
dalawang taong karanasan na makapagturo ng nursery sa isang pribadong paaralan
sa bayan ng Amadeo, Cavite. Kasalukuyan siyang private tutor ng ilang mag-aaral
sa preschool, elementarya at sekondarya.
I. Introduksyon
A. Rasyonal
Ang bawat isa sa atin ay pinagkalooban
ng Diyos ng kakayahang gumawa o magtrabaho. Maituturing natin itong kaloob
sapagkat sa pamamagitan nito ay lalong nahahasa ang ating mga kakayahan at
natutugunan din natin ang ating mga pangangailangan. Ang paggawa ay dapat
ikarangal ng tao at hindi dapat ikahiya lalo na kung ang pagkita niya ng salapi
ay sa mabuting paraan, sa pagpapatulo ng pawis, at hindi sa karumal-dumal na
gawain.
Hindi rin lingid sa atin na marami
ang nagsusumikap na makahanap ng magandang trabaho upang matugunan ang
pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Marami ang nakikipagsapalaran sa ibang
bansa mabigyan lamang nang maayos na katayuan sa buhay ang kanilang mga asawa,
anak at maging ang kanilang mga kamag-anak na umaasa sa kanila. Ang lahat ng
ito ay sumasalamin sa kahalagahan ng paggawa na sa pamamagitan nito ay
makatutulong tayo sa iba, magiging maayos ang buhay ng ating pamilya, mapagbubuti
rin natin ang ating mga sarili at makakaya nating magsakripisyo para sa
kapakanan ng iba.
Ang sanaysay ni Emilio Jacinto ay
napili kong suriin upang ipakita ang kahalagahan ng paggawa. Tatalakayin din sa
pagsusuring ito na ang gumawa o magtrabaho ay hindi parusang ibinigay ng Diyos
sa tao kundi isang kaloob upang lalo siyang magsumikap.
B. Uri/ Anyo
Ang
Liwanag at Dilim ay kalipunan ng mga sanaysay na may iba’t
ibang paksa tulad ng mga sumusunod: Ang Ningning at ang Liwanag, Ang Kalayaan,
Ang Tao’y Magkakapantay, Ang Pag-ibig, Mga Bayan at mga Pinuno (Gobyerno), Ang
Maling Pagsampalataya at Ang Paggawa.
Ang
sanaysay ay isang maiksing
komposisyon na kalimitang naglalaman ng personal na kuro-kuro ng may akda.
Sinasabing ang sanaysay ay isang tangka sa paglalarawan at pagbibigay kahulugan
sa buhay at iba't ibang sangay nito. Naiiba sa makata ang manunulat ng sanaysay
sa dahilang hindi siya nakatali sa mga pamantayan ng porma, sukat, tugma o
talinghaga. Malaya siyang lumilikha ng kahit anong paksang nais niyang ipahayag
na bunga ng kanyang pagmamasid, pag-iisip at pagkakasangkot sa halos lahat ng
mga bagay sa kanyang kapaligiran. May layunin itong maglahad ng pansariling
damdamin at kuro-kuro ng kumatha sa makatwirang paghahanay ng kaisipan.
Nagpapaliwanag din ito ng mga pansariling pananaw ng manunulat tungkol sa isang
paksa. At kung minsan, may layunin itong makapagpaabot ng pagbabago, makalibang
at makahikayat ng mambabasa.
C.
Maikling Kasaysayan
Ang Paggawa ang pinakahuli sa mga paksang
tinalakay ni Emilio Jacinto sa kalipunan ng kanyang mga sanaysay na Liwanag at
Dilim. Mahalaga ang papel na ginampanan ni Emilio Jacinto sa Katipunan. Nag-aral siya sa kolehiyo ng San Juan de Letran at kumuha
ng abogasya sa UST ngunit ito ay natigil nang siya ay sumapi sa Katipunan noong
1893. Sa gulang na 19, siya ay isa sa mga magagaling na pinuno ng Katipunan.
Kinilala
siyang Utak ng Katipunan. Gumamit siya ng sagisag-panulat na Pingkian sa
Katipunan. Itinatag niya ang pahayagang Kalayaan na pahayagan ng katipunan. Ito
ay pinamatnugutan niya katulong si Pio Valenzuela. Ang sagisag-panulat na
kanyang ginamit ay Dimas Ilaw. Siya rin ang sumulat ng Kartilya ng Katipunan.
Si Jacinto ay lubhang nasugatan ngunit pinakawalan dahil sa sakit na malaria at
disenterya. Siya ay binawian ng buhay sa Sta. Cruz, Laguna noong Abril 16, 1899
sa edad na 23.
II. Pananalig/Pagdulog
Ang
pananalig na aking namalas sa sanaysay na Ang Paggawa ay Humanismo. Ang
Humanismo bilang isang pananalig sa panitikan ay nagbibigay ng malaking
pagpapahalaga sa tao sa paniniwalang ang tao ay sentro ng daigdig, ang sukatan
at panginoon ng kanyang kapalaran. Ipinakita sa sanaysay ni Emilio Jacinto na
kinakailangang gumawa ng tao upang lumakas ang kanyang isipan, kalooban at
maging ang kanyang katawan.
Moral-Pilosopikal
naman ang pagdulog na aking ginamit sa pagsusuri sa akdang ito. Sa pagdulog na
ito, pinipiga ng isang manunuri ang akda batay sa mga dayalogo nito o mga
siping sabi na magpapatunay ng tunay na layunin ng pagkakasulat. Pinili ng
manunuri ang linya sa sanaysay na nagpapakita ng nais iparating ng may-akda sa
mga mambabasa hinggil sa kahalagahan ng paggawa.
III. Natuklasan
Maaaring marami ang nag-aakala na ang paggawa o pagtatrabaho ay
isang parusa at hirap na ipinagkaloob ng Diyos sa tao. Sa bawat araw ay
makikita natin na ang mga tao ay gigising nang maaga, maghahanda para pumasok,
haharapin ang mga kailangang gawin sa trabaho at uuwi nang gabi na pagod na
pagod dahil sa maghapong pagtatrabaho. Subalit ayon sa sanaysay, ang paggawa ay
isang importanteng kaloob sapagkat sa pamamagitan nito ay nahahasa ang ating
mga kakayahan, isipan, kalooban at katawan. Narito ang mga linya sa akda na
nagpapatunay dito:
“Ngunit
kung mahinahon nating pagbubulay-bulayin ay maki-kitang maliwanag na ang gumawa
ay hindi parusa at hirap kundi pala ay kagalingan na ipinagkaloob ng Diyos sa
tao bilang alaala ng di-matingkala Niyang pag-ibig.”
“Ang gumawa ay isa sa malaki’t
mahalagang biyaya pagkat sa pamamagitan nito ay nagigising at nadaragdagan ang
lakas ng isip, loob, at katawan, mga bagay na kasanib at kinakailangan ng
kabuhayan.”
May mababasa tayo sa Bibiliya na ang
gumawa o magtrabaho ay parusang ibinigay ng Diyos kay Adan na ama ng
sangkatauhan dahil siya ay kumain ng bunga ng kahoy na ipinagbawal sa kanya.
Makikita natin ito sa Genesis 3:17-19.
17 Hinarap naman ng Diyos si Adan at ganito ang
sinabi:
“Pagkat nakinig ka sa
asawang hirang
Nang
iyong kainin yaong bungang bawal;
Sa
nangyaring ito, ang lupang tanima’y
Aking
susumpain magpakailanman,
Ang
lupaing ito para pag-anihan
Pagpapawisan
mo habang nabubuhay.
18 Mga
damo’t tinik ang ‘yong aanihin,
Halaman
sa gubat ang iyong kakainin
19 Upang
pag-anihan ang iyong bukirin
Magpakahirap
ka hanggang sa malibing.
Yamang
sa alabok, doon ka nanggaling
Sa
lupang alabok ay babalik ka rin.”
Para sa akin, ito ay naging
kaparusahan lamang kay Adan dahil sa kanilang pagsuway. Hindi sila sumunod sa
ipinag-uutos ng Diyos kaya sila ay pinarusahan. Ngunit ang parusang ito para sa
akin ay nararapat lamang subalit may naging mabuting bunga rin naman sapagkat
natuto ang tao na gumawa at magtrabaho at umasa at magtiwala sa Diyos na sa
kanyang pagsusumikap ay pagkakalooban din naman siya ng karampatang ganti.
Ayon
din sa akda, “Ang gumagawa ay nalalayo sa buhalhal na
kasalanan, maru-ruming gawi, at kayamuan; nagtatamo ng aliw, tibay, ginhawa, at
kasayahan.”
Ipinamamalas
nito na sa paggawa ay naiiwasan natin ang pagiging tamad at umasa sa iba kundi
nakakamit nating maging maligaya at maginhawa ang buhay dahil sa bunga ng ating
pinaghirapan.
Tunay
din ang sinabi ni Baltazar sa kanyang tula:
“Ang laki sa layaw karaniwang hubad
Sa bait at muni’t sa hatol ay salat.”
Sa bait at muni’t sa hatol ay salat.”
Ibig sabihin nito, kung sino man ang
hindi nagnanais na magtrabaho o gumawa ay walang patutunguhan. Kung tamad ang
isang tao ay wala siyang matututuhan, hindi niya matutugunan ang kanyang mga
pangangailangan at wala siyang mapapala sa buhay. Maraming mga tao ang nagiging
matagumpay sa kanilang hanapbuhay dahil sa kanilang mga kanais-nais na saloobin
at pagpapahalaga sa paggawa. Sa kabilang banda, may mga tao na hindi nagiging
maganda ang buhay bunga ng hindi magandang saloobin sa paggawa.
Ipinamalas din sa sanaysay na dapat
nating ilagay sa wastong katayuan ang ating pagkatao kung saan tayo nababagay,
kung tayo man ay mahirap, di tayo dapat umayos at mamuhay nang higit sa ating
kinikita. Ang bata mula sa kamusmusan ay nararapat imulat, hubugin at igawi sa
kabutihang asal at pag-ibig sa paggawa.
Kaya dapat na tayo ay magtrabaho,
pagkat kung tayo ay datnin ng pangangailangan at nasa kasaganaan, aabutin na
lamang natin at sukat subalit kung tayo’y dahop, tayo’y lalong malulugmok sa
lalong kahamak-hamak at kasuklam-suklam na kabuhayan, na tungo sa pagkalipol ng
ating pagkatao.
Bilang kaugnayan sa kasalukuyang
pangyayari, sa hirap ng buhay ngayon, nararapat na ang isang tao ay magsumikap
magtrabaho upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Ang iba
ay nangingibang-bansa pa at nagtitiis na malayo sa kanilang mga pamilya makamit
lamang ang trabahong makapagbibigay sa kanila ng sapat na salapi na
makapagtutustos sa pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay. Isang
reyalidad din sa kasalukuyan ang kakulangan sa bakanteng trabaho at ang
tinatawag na underemployment o ang pagkakaroon ng trabaho na hindi naman tumpak
sa kurso o kasanayang pinag-aralan ng isang mamamayan.
Isang malaking bagay rin naman na
aking nakikita ang pagkakaroon ng Labor Code of the Philippines o Presidential
Decree No. 442, as amended. Ayon dito, ito ay “a decree instituting a labor code thereby revising and consolidating
labor and social laws to afford protection to labor, promote employment and
human resources development and insure industrial peace based on social
just." Malaking bagay ito sapagkat pinoprotektahan nito ang mga
karapatan ng mga manggagawa, pantay na oportunidad sa mga manggaggawang babae
at lalaki o kabilang sa ibang lahi at pag-aayos ng relasyon sa pagitan ng mga kompanya
at mga empleyado nito. Sa pagkakaroon ng ganitong batas ay ipinamamalas lamang
na tunay na malaking bagay ang pagtatrabaho at paggawa at pagbibigay proteksyon
sa mga manggagawa.
Hindi matatawaran na tunay ang mga
naging pahayag ni Emilio Jacinto sa kanyang sanaysay na Ang Paggawa. Ang
paggawa ay dapat ikarangal ng isang tao at hindi niya ito nararapat ikahiya
sapagkat sa pamamagitan nito ay nahahasa ang kanyang kakayahan at natutugunan
niya ang kanyang mga pangangailangan. Lalo pang dapat itong ikarangal kung ang
pagtatrabaho ng isang tao at ang paraan niya ng pagkita ng salapi ay sa
mabuting paraan, sa pagpapatulo ng pawis at hindi sa masamang gawain.
IV. Mga Sanggunian
Agno,
Lydia N. et al.(2007).Kultura, Kasaysayan at Kabuhayan 3.Quezon City:
Vibal Publishing House, Inc.
Avena L.P. at
Magalong N.S. (1999). Yaman ng Wika at Panitikan. Manila: Diwa
Scholastics Press Inc.
Dayag, Alma
M. (2007). Pluma 4. Quezon City: Phoenix Publishing House.
United Bible
Societies. (1980). Magandang Balita Biblia. Manila: Philippine Bible
Society
No comments:
Post a Comment