Impeng
Negro
Rogelio Sicat
“Baka makikipag-away ka na naman, Impen?”
Tinig
iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na
batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.
“Hindi
ho,” paungol niyang tugon.
“Hindi
ho…,” ginagad siya ng ina. “Bayaan mo nga sila. Kung papansinin mo’y lagi ka
ngang mababasag-ulo.”
May
iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na
niya ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang
tainga.
Isinaboy
niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay,
pinagkiskis ang kamay at pagkaraa’y naghilamos.
“Dumaan
ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niya ang bilin ng ina. “Wala nang
gatas si Boy. Eto ang pambili.”
Tumindig
na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang kamay. Inaantok
pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok ng kanyang higaan. Ngunit kailangan
lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman
marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa
pagsahod.
Umingit
ang sahig ng kanilang barung-barong nang siya’y pumasok.
“Nariyan
sa kahon ang kamiseta mo.”
Sa
sulok ng kanyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang
kaliwang paa sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa
tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na giris.
Nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na
bunso. Pinapasuso.
“Mamaya,
baka umuwi ka na namang... basag ang mukha.”
Bahagya
na niyang maulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid.
Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong nasa tagiliran ng
nanggigimalmal na mesang kainan. Nagsisikain pa.
Matagal
na napako ang kanyang tingin kay Kano. Ang sumunod sa kanya. Maputi si Kano,
kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang
kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama’y
maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kanyang biyas.
Hinalungkat
na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga damit nila
Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim nakuha niya ang kulay-lumot niyang
kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.
“Iyan
na’ng isuot mo.” Parang nahulaan na ng kanyang ina ang kanyang iniisip.
Isinuot
niya ang kanyang kamiseta. Lapat na lapat sa kanya ang kamisetang iyon noong
bagong bili ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot
iyon ngunit wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng
kanyang ina sa paglalaba, mahina rin ang kanyang kita sa pag-aagwador.
Nagbalik
siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluy-tuloy
niyang tinungo ang hagdan.
“Si
Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kanyang ina. “Huwag mo nang papansinin.”
Naulinigan
niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang
madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.
Tuwing
umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahan siya ng ina. Huwag daw
siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon
ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang biling ito ngunit sadya yatang
hindi siya makapagtitimpi kapag narinig niya ang masasakit na panunukso sa
kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.
Si
Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya. Ang malimit magsimula ng
panunukso.
“Ang
itim mo, Impen!” itutukso nito.
“Kapatid
mo ba si Kano?” isasabad ng isa sa mga nasa gripo.
“Sino
ba talaga ang tatay mo?”
“Sino
pa,” isisingit ni Ogor, “di si Dikyam!”
Sasambulat
na ang nakakabinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang
kinikilalang hari ng gripo.
Noong
una sinasagot niya ang mga panunuksong ito.
“E ano
kung maitim?” isasagot niya.
Nanunuri
ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa’y bigla na lamang
nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kanyang batok.
“Negrung-negro
ka nga, Negro,” tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso
ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: “Tingnan mo ang buhok. Kulot
na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso…
Namamalirong!
Sa katagalan, natanggap na niya ang
panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya sa sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit
napapikit siya. Ang tatay niya’y isang sundalong Negro na nang maging anak
siya’y biglang nawala sa Pilipinas.
Ang
panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan nilang
pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya
kasama ang kanyang ina?)
“Sarisari
ang nagiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka makatatlo pa ang kanyang
nanay ngayon!”
Noong
kabuntisan ng kanyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi
malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa
pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina,
nahihiyang lumabas sa kanilang barung-barong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador.
At siya ang napagtuunan ng sarisaring panunukso.
Natandaan
niya ang mga panunuksong iyon. At mula noon, nagsimula nang umalimpuyo sa
kanyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng paghihimagsik, nagsusumigaw na
paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong
makagitaw at mabuhay nang payapa.
Sariwa
pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang
tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga
barung-barong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo
siya ng mga iyon. Sa kanya rin napatingin ang matatanda. Walang sinabi ang mga
ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa niya ang isinisigaw ng
mga paslit: Negro!
Napapatungo
na lamang siya.
Natatanaw
na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw,
nakikita na niya ang mga langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga
ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.
Sa
langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan
si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuturing na siya nitong kaaway, di kailanman
binigyan ng pagkakataong maging kaibigan.
Halos
kasinggulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas
si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde
ng tubig; tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.
Nang
marating niya ang gripo ay tungo ang ulo. Tinungo niya ang hulihan ng pila.
Marahan niyang inalis sa pagkakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang
sana’y huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga
agwador.
Nakakaanim
na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod
niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na naman. Kapag
tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng
tubig sa kanilang pook. At bihira ang may poso.
“Tanghali
na akong makakauwi nito.” Nausal niya habang binibilang sa mata ang mga
nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at
ang dulo ng pila’y nasa labas pa niyon.
Di kalayuan sa gripo ay may isang
tindahan. Sa kalawanging medya-agwa niyon ay nakasilong ang iba pang agwador.
May naghubad na ng damit at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay.
May kumakain ng halu-halo.
Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang
kanyang tingin. Pinilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa
tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang
balde, mabuti pa roon, kahit nakabilad sa init. Pasasaan ba’t iikli ang pila?
Naisip niya. Makakasahod din ako.
Kasalukuyan
siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang sigaw mula sa tindahan:
“Hoy,
Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti.”
Si
Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi
at nanunukso na naman.
“Negro,”
muli niyang narinig. “Sumilong ka sabi e. Baka ka masunog!”
Malakas
ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang
naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya’y ang
bilin ng ina, na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba niya
papansinin si Ogor.
Tinigilan
naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At
habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng araw.
Sa paligid ng balde, nakikita niya ang kanyang anino. Tumingala siya ngunit
siya’y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang balat. Tila ibig ng
matuklap ng kanyang balat sa batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa
kanyang anit at sa ibabaw ng kanyang nguso. May butil na rin ng pawis sa
kanyang ilong.
Itinaas
niya ang tirante ng kanyang kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib.
Di natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang
binasa ang batok− kaylamig at kaysarap ng tubig sa kanyang batok. Malamig.
Binasa niya ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang
anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit
pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila
nangangalirang na naman ang kanyang balat. Kay hapdi ng kanyang batok at
balikat.
“Negro!”
Napatuwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita.
Si Ogor. “Huwag ka magbibilad. Doon ka sa lamig.”
Pagkakataon
na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli
niyang nakita na nginingisian siya nito.
Napakatagal
sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni Ogor. Napabuntong-hininga siya nang
makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor,
naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sanang bumalik.
May
galak na sumusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng
sinundang balde. Susunod na siya. Makakasahod na siya. Makakasahod na rin ako,
sabi niya sa sarili. Pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga
pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.
Datapwa’t,
pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, isasahod na lamang ang sa kanya,
ay mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kanyang balikat.
Si Ogor ang kanyang natingala. Malapit lang pala ang pinaghatiran nito ng
tubig.
“Gutom
na ako, Negro.” sabi ni Ogor. “Ako muna.”
Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang
bitbit na balde at kumalantog ang kanilang mga balde. Iginitgit din niya ang sa
kanya, bahagya nga lamang at takot na paggitgit. Kadarating mo lamang, Ogor nais niyang itutol. Kangina pa ako
nakapila rito, a.
“Ako
muna sabi, e,” giit ni Ogor.
Bantulot
niyang binawi ang balde. Nakatingin pa rin si Ogor. Itinaob niya ang kakaunting
nasahod ng balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabot sa mga paa ni
Ogor. Uuwi na ko, bulong nya sa sarili. Uuwi na ako. Uuwi na ako. Mamaya na
lang ako iigib muli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga
ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.
“Ano
pa ba ang binubulong mo?”
Hindi
na niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng
nabitawang balde. Napasigaw siya. Napaluhod siya sa madulas na semento. Kagyat
na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kanyang utak. Habang nakaluhod, dalawang
kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri.
Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa… Mapula… Dugo!
Nangilabot
siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na
pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.
“O-ogor…
O-ogor…” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad.
Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. “Ogor!” sa wakas
ay naisigaw niya. Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagsigaw. Sinipa siya
nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng balding nalalabi sa pila.
Nagkalugkugan. Nakarinig sila ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting
nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga paang alikabukin.
Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.
Bigla
siyang bumaliktad. Nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma ang
mga bisig.
“O-ogor…”
Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal
at nakangangang napapikit siya. Pumuslit ang
luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang
isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw
siya. Umiiyak siyang gumugulong sa basa at madulas
na semento. Namimilipit siya. Tangan ang
sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha'y larawan ng matinding sakit.
Matagal din bago napawi ang
paninigas ng kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang
kanyang mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang
mga kamay sa semento.
Si
Ogor… Sa mula’t mula pa’y itinuring na siyang kaaway…. Bakit siya ginaganoon ni
Ogor?
Kumikinig
ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang
muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli at tila nauulol
na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.
Bumagsak ang nawalan na panimbang na
si Ogor. Nagyakap sila. Pagulung-gulong. Hindi siya bumitiw. Nang siya’y mapaibabaw,
sinunud-sunod niya: dagok, dagok, dagok… pahalipaw… papaluka… papatay.
Sa
pook na iyon, sa nakarimarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila.
Maruming babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak. At siya’y isang maitim,
hamak na Negro! Papatayin niya si Ogor, papatayin… papatayin!
Dagok,
dagok, dagok… Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit
makaibabaw kay Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya
naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling
matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw.
Napipikit siya. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang
nararamdamang sakit. Wala siyang nararamdamang sakit!
Kakatatlo
ng asawa si Inay. Si Kano… Si Boyet… Si Diding… At siya… Negro… Negro. Negro!
Sa
mga dagok ni Ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at
nag-uumiri siyang umigtad. Napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor.
Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok… kahit saan. Sa dibdib, sa mukha.
Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, dagok, dagok…
Mahina
na si Ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay. Humihingal na
rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga mata.
Dagok, papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok….
Gumagalaw-galaw
ang sabog na labi ni Ogor.
“Impen…”
Muli
niyang itinaas ang kamay.
“I-Impen…”
Halos hindi niya naririnig ang halinghing ni Ogor… Impen… s-suko na ako…
s-suko… n-na a-ako.”
Naibaba
niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor. Napatingala siya abut-abot
ang paghingal. Makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang
tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan
ang kanyang likod. May basang dugo’t lupa ang kanyang nguso.
Maraming
sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador. Hindi
makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.
Isa-isa
niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng
mga ito. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakikita niya’y pangingimi.
Pinangingimian
siya!
May
luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod niya
ang mga kamao, nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang
tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor.
Pagkaraa’y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.
Sa matinding sikat ng araw, tila
siya ang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagihang
larangan.
PAGPAPAHALAGA
Kapag
naririnig mo ang salitang rasismo, ano ang ideyang unang pumapasok sa iyong isip?
Naiisip mo ba ang ideyang patungkol sa diskriminasyon ng lahi o pangkat-etniko?
Kung isa ito sa iyong mga pananaw, tama ka.
Tinatalakay sa akdang "Impeng Negro" ni Rogelio Sicat ang isyu hinggil sa racismo na maituturing na isa sa
mga sakit ng ating lipunan. Ang rasismo ay ang paniniwala na ang lahi ang pangunahing tumutukoy sa katangian at kakayahan ng isang tao at ang pagkakaiba ng lahi ang nagbibigay ng likas na pangingibabaw ng isang partikular na lahi. Sa ilang kaso ng institusyunal na rasismo, may ilang pangkat ng lahi ang maaaring hindi bigyan ng mga karapatan o benepisyo, o makakuha ng preperensyal na trato. Masasaksihan natin ang rasismo sa iba't ibang bahagi ng ating lipunan- sa paaralan, sa pamayanan at maging sa mga pampubliko at pampribadong institusyon. Napakalaki ng epekto nito sa isang tao kaya nararapat na imulat ang isipan ng bawat mamamayan na ito ay iwasan at bigyang halaga ang pantay na pagtingin sa ating kapwa.
Mga Sanggunian:
http://tl.wikipedia.org/wiki/Rasismo
Agnes, W et
al. (2012). Ang Batikan
Bolyum XVI Blg. 1. Educational Resources Corporation:
Quezon City.