Saandaang
Damit
Fanny
A. Garcia
May isang batang babaing mahirap. Nag-aaral
siya. Sa paaralan ay
kapansin-pansin ang kanyang pagiging walang imik. Madalas ay nag-iisa siya.
Lagi siyang nasa isang sulok. Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit. Lagi siyang
nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro, halos
paanas pa kung magsalita.
Naging mahiyain siya sapagkat maaga
niyang nalaman na kaiba ang kanyang kalagayan kung ihahambing sa mga kaklase.
Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kanya. Mayayaman sila. Magaganda at
iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Madalas ay tinutukso siya
dahil sa kanyang damit. Ang kanyang damit, kahit malinis ay halatang luma na,
palibhasa ay kupas na at punung-puno pa ng sulsi.
Kapag oras na kainan at labasan ng
kanya-kanyang pagkain, halos ayaw niyang ipakita ang kanyang baon. Itatago niya
sa kanyang kandungan ang pagkain, pipiraso nang kaunti, tuloy subo sa bibig,
mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase kung ano ang dalang pagkain. Sa
sulok ng kanyang mata’y masusulyapan niya ang mga pagkaing dala ng kanyang mga
kaklase gaya ng mansanas, sandwiches, mga imported at mamahaling tsokolate.
Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi
nagtatapos sa kanyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung ano ang kanyang
pagkain at sila’y magtatawanan kapag nakita nila na ang kanyang baon ay isa
lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang palaman.
Kaya lumayo siya sa kanila. Siya ay
naging walang kibo at mapag-isa.
Ang nangyayaring ito ay batid ng
kanyang ina. Pag uwi sa bahay, madalas siyang umiiyak dahil sa panunukso ng mga
kaklase at siya’y nagsusumbong sa ina. Mapapakagat-labi ang kanyang ina,
matagal itong hindi makakibo, at sabay haplos nito sa kanyang buhok at may
pagmamahal na sasabihin sa kanya, “Bayaan mo sila, anak, huwag mo silang
pansinin. Hayaan mo, kapag nagkaroon ng trabaho ang iyong ama, makapagbabaon ka
na rin ng masasarap na pagkain. Maibibili rin kita ng maraming damit.”
At lumipas pa ang maraming araw.
Ngunit ang ama ay hindi pa rin nakakuha ng trabaha kaya ganoon pa rin ang
kanilang buhay. Ang bata naman ay unti-unting nakauunawa sa kanilang kalagayan.
Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin
ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng
mga kaklase. Hinid na siya nagsusumbong sa kanyang ina.
Sa kanyang pagiging tahimik ay
ipinalagay ng kanyang mga kaklase na siya ay kanilang talu-talunan kaya lalong
sumidhi ang kanilang pang-aasar. Lumang damit. Di-masarap na pagkain. Mahirap.
Pilit na ipinasok nila sa kanyang isip.
Hanggang nang isang araw ay natuto
siyang lumaban. Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang natutong sumagot ang
mahirap na batang babae na laging luma, kupas at puno ng sulsi ang damit. Ang
batang babae na ang laging baon ay tinapay na walang palaman. Isa na naman
iyong pagkakataong walang magawa ang kanyang mga kaklase kung hindi ang
tuksuhin siya.
“Alam ninyo,” sabi niya sa malakas at
nagmamalaking tinig, “ako’y may sandaang damit sa bahay.”
Nagkatinginan ang kanyang mga kaklase.
Hindi sila makapaniwala. “Kung totoo iyan ay bakit lagi lang luma ang isinusuot
mo?”
Mabilis ang sagot niya, “dahil
iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.”
“Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa
min para kami maniwala!” iisang sabi nila sa batang mahirap.
“Hindi ko madadala
rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto ninyo ay sasabihin ko na lang
kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may ribbon o
may bulaklak.”
At nagsimula na nga siya sa kanyang
pagkukuwento. Paano ay inilalarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye ang
bawat isa sa kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na
pamparti. Makintab na rosas ang tela na maraming mumunting bulaklak, bolga ang
manggas, may tig-isang ribbon sa magkabilang balikat. Hanggang sakong ang haba ng damit. O kaya
ang kanyang dilaw na pantulog na may burda. O ang kanyang puting pansimba na
may malapad na sinturon at malaking bulsa.
Mula noon ay naging kaibigan na niya
ang mga kaklase. Ngayon, siya na ang laging nagsasalita at sila ang nakikinig.
Lahat sila ay natutuwa sa kanyang kuwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang
kanyang pagiging mahiyain. Naging masiyahin siya bagaman patuloy pa rin ang
kanyang pamamayat kahit na ngayo’y nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang
baong mansanas o sandwich.
Isang araw, hindi pumasok sa klase ang
mahirap na batang babaeng may sandaang damit. Saka nang sumunod na araw at nang
sumunod pang araw. Pagkaraan ng isang linggong hindi pagpasok ay nag-alala ang
kanyang mga kaklase at guro.
Isang
araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal nang absent sa klase. Ang
natagpuan nilang bahay at sira-sira at nakagiray na sa kalumaan.
Lumabas ang isang babaing payat, iyon
ang ina ng batang mahirap. Sila ay pinatuloy at nakita nila ang maliit na
kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa marangyang kasangkapan. Sa isang
sulok ay isang lumang papag at doon nakaratay ang batang babaeng may sakit
pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit ang napagtuunan ng pansin
kundi ang mga papel na maayos na nakadikit sa dingding sa may tabi ng papag.
Lumapit sila sa sulok at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding
ay yaong mga drowing ng bawat isa sa sandaang papel. Magaganda, makukulay.
Naroong lahat ang kanyang naikuwento. Totoo at naroroon ang sinasabi niyang
rosas na damit na pamparti. Naroroon din ang drowing ng kanyang damit pantulog,
ang kanyang pansimba, ang mga sinasabi niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y
hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kanya’y nakatago at iniingatan sa
bahay.
Sandaang damit na pawang drowing
lamang.
PAGPAPAHALAGA:
Ano ang mga salitang pumapasok sa
iyong isipan kapag naririnig mo ang salitang diskriminasyon? Ano rin naman ang
iyong nararamdaman sa tuwing may nakikita kang isang taong tila hindi tanggap
sa isang lipunan o sa grupong kanyang nais kabilangan?
Ang tema ng akda ay may kaugnayan sa diskriminasyon o ang
di pantay na pagtingin sa ating kapwa. Maaaring magkaroon ng diskriminasyon sa
kulay o lahi, katayuang sosyo-ekonomiko, relihiyon, at kasarian. Nakapokus ang
akda sa diskriminasyon sa katayuang sosyo-ekonomiko na ipinamalas sa kalagayan
sa buhay ng pangunahing tauhan. Matagumpay na napalutang ng awtor ang ganitong
ideya sa mga tiyak na pangyayari sa kuwento.
Sanggunian:
Sanggunian:
Agnes, W et
al. (2012). Ang Batikan
Bolyum XVI Blg. 1. Educational Resources Corporation:
Quezon City.
No comments:
Post a Comment