Sunday, July 14, 2013

Ang Sundalong Patpat

Ang Sundalong Patpat
Virgilio Almario
Unang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat?” tanong ng sampalok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang inaayos ang papel na sombrero. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang nagkamot ng tuktok ang sampalok. “Dumarating ito kung kailan gusto.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang ayaw dumalaw ang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kanyang kabayong payat.

Ikalawang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat?” tanong ng manok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nakalimot na ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang nagpupunas ng pawis na tumatagaktak. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang tilaok ng manok. “Dumarating ito kung tinatawagan at dinadasalan.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang hindi makarinig ang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikatlong Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat?” tanong ng bundok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang hinihimas ang kabayong humihingal. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng kalbong bundok. “Nagtatago sa pinakamataas na ulap.” “Kung gayon, aakyatin ko ang ulap,” sabi ng Sundalong Patpat at umimbulog agad sa simoy na pumapagaspas.

Ikaapat na Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat?” tanong ng ulap. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang tinatapik ang nahihiling kabayong payat. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng maputlang ulap. “Nagtago sa pusod ng dagat.” Kung gayon, sisisirin ko ang dagat,” sabi ng Sundalong Patpat at lumundag pabulusok sa mga along nakatinghas.

Ikalimang Pangkat: Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat?” tanong ng dagat. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at iwinasiwas ang espadang patpat. “Pero hindi nagtatago ang ulan,” paliwanag ng nagniningning na dagat. “Ibinilanggo ni Pugita sa kanyang munting perlas.” “Kung gayon, papatayin ko si Pugita,” sabi ng matapang na Sundalong Patpat. “Palalayain ko ang ulan.” At sinugod ng Sundalong Patpat sakay ng kanyang kabayong payat ang yungib ni Pugita. Nagulat si Pugita sa biglang pagpasok ng Sundalong Patpat na iwinawasiwas ang espadang patpat. Nagulat si Pugita sa liksi at lakas ng maliit na Sundalong Patpat. Nagulat si Pugita sa talim at talas ng kumikislap na espadang patpat.

Una at Ikalawang Pangkat: Mabilis at isa-isang tinigpas ng Sundalong Patpat ang malaki’t mahahabang galamay ng mabagal at matabang dambuhala. Isa, dalawa, tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo! Hanggang magbuga ng maiitim na tinta si Pugita. Nasungkit ng Sundalong Patpat ang mutyang perlas na nakapalawit sa kuwintas ng nalumpong hari ng dagat!

Ikatlo at Ikaapat na Pangkat: Hawak ang perlas, dali-daling sumibad patungong pampang ang Sundalong Patpat sakay ng mabilis na kabayong payat. Pag-ahon ay agad niyang ipinukol ang mutyang perlas paitaas, mataas, mataas na mataas, hanggang umabot sa tiyan ng ulap at sumabog ang masaganang ulan.

Ikalimang Pangkat: Nagbunyi ang buong daigdig. Sumupling muli’t naglaro ang mga damo’t dahon. Nagbihis ng luntian ang mga bukid at bundok. Muling umawit ang mga ibon at ilog...

Lahat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat?” tanong ng sampalok. “Saan ka na naman dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang gusi ng ginto sa puno ng bahaghari,” sagot ng makisig na Sundalong Patpat at pinatakbo ang makisig na kabayong payat.

PAGPAPAHALAGA:
           
      May mga bagay ka bang nais mahanap o makamit sa iyong buhay? Maaaring may isang pangarap kang minimithi o nais gawin. Ano ang ginagawa mo upang ito ay iyong maabot at makamit mo ang tagumpay? 

     Isa sa mga katangian ng mga batang nasa Grade 7 na kagaya mo ay ang pagiging kuryoso sa mga bagay na hindi pa nila nalalaman o nais nilang subukan. May mga pangarap ka ring nais mong maabot sa buhay. Subalit hindi maiiwasan na magkaroon ng mga hadlang upang maisakatuparan mo ang iyong nais gawin. Hindi rin malayong mangyari na sa iyong pagiging matanong at pagdidiskubre ng mga bagay, may mga tao sa iyong paligid na magpayo sa iyo na hintayin  na lamang ang panahon kung kailan mo maiintindihan o mararanasan ang mga bagay na nais mong malaman. May ibang tao naman na magtuturo at gagabay sa iyo upang matamo ang nais mong makamit. Ang patnubay ng mga taong nakauunawa sa iyo ay mananatiling mahalagang kasangkapan upang maimulat ka na pagtuunan ang mga bagay na tama at nararapat isaalang-alang. Sa tulong at awa rin ng Diyos, ang mga bagay na nais mong makamit ay iyong maisasakatuparan basta patuloy kang manalig sa Kanya at maniwala na pagkakalooban ka Niya ng sapat na akas ng loob at kakayahan upang maisagawa mo ang tamang mga bagay at desisyon sa buhay.

Sanggunian:
Agnes, W et al. (2012). Ang Batikan Bolyum XVI Blg. 1. Educational Resources   Corporation: Quezon City.

No comments:

Post a Comment