Sunday, March 24, 2013

Ang Ningning at ang Liwanag


PAGSISIWALAT SA NATATAGONG PAGKAKAIBA NG KAHULUGAN NG NINGNING AT LIWANAG
Carmina V. Villanueva
                Ang manunuri ay nagkaroon ng dalawang taong karanasan na makapagturo ng nursery sa isang pribadong paaralan sa bayan ng Amadeo, Cavite. Kasalukuyan siyang private tutor ng ilang mag-aaral sa preschool, elementarya at sekondarya.

I. Introduksyon
A. Rasyonal
            Marami ang nag-aakala na ang ningning at liwanag ay magkatulad o may iisa lamang na kahulugan. Subalit kung pag-aaralang mabuti, ang dalawang salitang ito ay may magkaibang kahulugan. Ayon sa UP Diksiyonaryong Pilipino Binagong Edisyon, ang ningning ay matinding sinag o kinang, samantala, ang liwanag ay bagay na pumapawi ng dilim o tumutulong sa mata upang makakita. Sa puntong ito ay masasalamin agad ang malaking pagkakaiba ng dalawa. Matutukoy natin na ang ningning ay maaaring makaakit sa ating mga paningin samantalang ang liwanag ang siyang tumutulong sa atin upang makita o mahanap ang isang bagay.
            Ang sanaysay ni Emilio Jacinto na Ang Ningning at ang Liwanag ay aking napiling suriin upang ipakita ang malaking kaibahan ng dalawang salitang ito batay sa mga tunay na pangyayari noong panahon na ito ay sinulat ng may-akda. Kabilang sa aking pagsusuri ang naging masamang bunga ng ating pagkahumaling sa ningning na ipinamalas ng mga mananakop na masasaksihan pa rin natin hanggang ngayon.

B. Uri/Anyo
            Ang Liwanag at Dilim  ay kalipunan ng mga sanaysay na may iba’t ibang paksa tulad ng mga sumusunod: Ang Ningning at ang Liwanag, Ang Kalayaan, Ang Tao’y Magkakapantay, Ang Pag-ibig, Mga Bayan at mga Pinuno (Gobyerno), Ang Maling Pagsampalataya at Ang Paggawa. Ang sanaysay ay isang anyong pampanitikang nagsasaad ng opinyon at obserbasyon ng manunulat tungkol sa isang paksa. Ang sanaysay ay di-piksyon sapagkat ito ay nagsasaad ng isang paksang makatotohanan. Ito rin ay may layuning manghikayat at magbigay ng impormasyon sa mga mambabasa.

C. Maikling Kasaysayan
            Ang Ningning at ang Liwanag ang una sa mga paksang tinalakay ni Emilio Jacinto sa kalipunan ng kanyang mga sanaysay na Liwanag at Dilim. Mahalaga ang papel na ginampanan ni Emilio Jacinto sa Katipunan. Siya ang tinaguriang "Utak ng Katipunan". Siya ang may-akda ng mga artikulo na humikayat sa masa na sumapi sa Katipunan. Ipinaliwanag din niya sa mga artikulong ito kung ano ang kapalit ng pagsasakripisyo para sa bayan.  Ang ilan sa mga akdang kanyang isinulat ay ang Kartilya ng Katipunan, Liwanag at Dilim, A Mi Madre at Sa Bayang Tinubuan. Naunang sumulat si Andres Bonifacio ng mga pang-aral (cartilla, primer), subalit nang mabasa niya ang sinulat ni Emilio Jacinto, ipinalit niya ito at tinakdang alituntunin ng Katipunan.
            Sa edad na 19, siya ay naging isa sa mga pinuno ng Katipunan at naging tagapayo, kalihim at piskal ni Andres Bonifacio. Nang mamatay si Bonifacio, ipinagpatuloy ni Jacinto ang paglaban sa mga Kastila bagamat hindi siya sumali sa puwersa ni Emilio Aguinaldo. Sa isang sagupaan sa Majayjay, Laguna, si Jacinto ay lubhang nasugatan at binawian ng buhay sa sakit na malaria noong ika-16 ng Abril, 1899 sa edad na 23.

II. Pananalig/Pagdulog
            Realismo ang pananalig na ipinamalas ng sanaysay na Ang Ningning at ang Liwanag. Pangunahing layunin ng Realismo ang pagtalakay sa mga problemang panlipunan ng isang tiyak na panahon at lugar. Sinisiyasat nito ang mga sistema at pwersang panlipunan na patuloy na nagpapahirap sa tao. Sa sanaysay ni Emilio Jacinto, hinangad niyang ipakita ang katotohanan at pinag-ukulan niya ng pansin ang mga tunay na larawan sa isang partikular na panahon at lipunan.
            Ang pagdulog na aking ginamit sa pagsusuri ng sanaysay na ito ay Historikal-Biograpikal. Ito ay pagdulog na ang layunin ay hukayin ang mga nakalipas lalo pa’t ang akda ay kasasalimanan ng karanasan ng mismong awtor o isang repleksyon kaya ng isang takdang panahon.

III. Natuklasan
            Ang sanaysay ni Emilio Jacinto na Ang Ningning at ang Liwanag ay kanyang isinulat noong ang ating bansa ay sakop ng mga Kastila. Ipinamamalas ng sanaysay na ito ang mga katotohanang naganap noong panahon ng mga Espanyol at ang mga gawain ng mga namumuno sa ating bansa noong panahon ng mga mananakop.
            Sa pamahalaang kolonyal na itinatag ng mga Espanyol sa Pilipinas, ang gobernador-heneral ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Bilang pinakamataas na pinuno, siya ay tagapagpaganap ng pamahalaan, tagapagpatupad sa batas, tagapagdinig ng kaso at tagapagpairal ng katarungan. Ilan pa sa mga namumuno sa atin noong panahong iyon ay ang mga alcalde mayor, gobernadorcillo at iba pa. Ang kanilang ningning na umakit sa atin ay ang paniniwala nating sila ay lubhang makapangyarihan at nararapat igalang sapagkat lubos silang may kakayahan na pamunuan ang ating bansa.
            Subalit bilang pinakamakapangyarihang opisyal sa bansa, may mga pagkakataong inaabuso ng gobernador-heneral ang kanyang kapangyarihan. May mekanismo ang hari ng Espanya na maiwasto ito. May tinatawag na visitador na tagapasiyasat ng katiwaliang ginagawa ng gobernador-heneral. Ipinadadala siya sa Pilipinas upang tingnan kung maayos ang pamamahala ng mga opisyal ng kolonya. Hindi lamang gobernador-heneral ang kanyang sinisiyasat kundi maging ang iba pang mababang opisyal ng gobyerno. Nagpapakita lamang ito na may katiwalaan talagang nangyayari sa ating bansa noong panahon ng mga mananakop kaya kinakailangang siyasatin ang mga namumuno sa pamahalaan. Ito ang liwanag na tinutukoy ng may-akda sa sanaysay.
            Isa pa sa makapangyarihan noong mga panahon ng Espanyol ay ang mga prayle. Ang mga prayle ay nag-aral ng katutubong wika upang maipakilala nila ang Kristiyanismo sa mga Pilipino. Itinuro nila sa mga Pilipino ang mga doktrina at ritwal ng Kristiyanismo gaya ng pagsisimba, pagdarasal at pagbabasa ng Bibliya. Ito ang ningning na ating namalas sa kanila.
            Subalit sa kabilang banda, hindi nila itinuro ang wikang Espanyol sa kagustuhang mapanatiling magkaiba ang wika ng mananakop at ng sinakop. Iniwasan din ng mga prayle ang pagkatuto ng isang wika ng mga Pilipino na maaaring magbunsod sa pagkakaroon ng pagkakaisa. Lubos silang iginagalang at kinatatakutan ng mga katutubo. Nagmamay-ari sila ng malawak na lupain na napasakamay nila sa pamamagitan ng donasyon, abuloy, pagbili nito o sa ilang kaso ng pangangamkam. Ito ang liwanag na ating masasalamin mula sa sanaysay.
            Batay sa mga pangyayaring ito, masasabi ko na tumpak ang sinabi ni Emilio Jacinto na ang ningning ay nakasisilaw, nakasisira ng paningin at maraya. Narito ang mga linya sa sanaysay na tumutukoy sa mga tunay na pangyayari noong panahon ng mga Espanyol:
“Sa katunayan ng masamang naugalian: Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwat marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay nagtatago ang isang pusong sukaban.”
“Ito na nga ang dahilan na kung kaya ang mga loob na inaakay ng kapalaluan at ng kasakiman ay nagpupumilit na lumitaw na maningning, lalong lalo na nga ang mga hari at mga Pinuno na pinagkatiwalaan ng sa ikagiginhawa ng kanilang mga kampon, at walang ibang nasa kundi ang mamalagi sa kapangyarihan sukdulang ikainis at ikamatay ng Bayan na nagbigay sa kanila ng kapangyarihang ito.”
            Sa kasalukuyan ay masasaksihan natin ito sa ngayon. Tunay na iba ang pagtingin natin sa mga taong nakasakay sa magagarang mga sasakyan. Halos humanga tayo sa mga taong nagmamay-ari nito gayong hindi naman natin tunay na kilala ang pagkatao nila. Lubhang tumitingin tayo sa panlabas na anyo, katangian o pagmamay-ari ng isang tao.
            Narito naman ang aking paliwanag sa sinabi ng may-akda na “Ay! Sa ating pag-uga-ugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at pagtakwil sa liwanag.” at “Tayo’y mapagsampalataya sa ningning; huwag nating pagtakhan na ang ibig mabuhay sa dugo ng ating mga ugat ay magbalatkayo ng maningning.” Sapagkat masyadong nasilaw ang mga Pilipino sa ningning ng mga Espanyol, narito ang masasamang bunga na masasabi kong masasaksihan pa rin natin mapasahanggang ngayon:
a. Marami ang nakalimot sa kulturang kinagisnan. Sa pananaw ng mga Espanyol, hindi sibilisado ang mga Pilipino nang ang mga ito ay sakupin nila. Samakatuwid, pinilit nilang burahin ang anumang mayroon ang mga Pilipino at ipalaganap ang kulturang Espanyol. Mula sa pananamit, gawi, kilos at pag-iisip, ang kulturang Espanyol ang ginawang pamantayan. Simple lamang noon ang buhay ng mga katutubo. Simple lamang ang paraan ng kanilang pagkain. Nakakamay lamang sila noon at sa dahon ng saging lamang kumakain. Subalit nang dumating ang mga banyaga, itinuro nila sa atin ang kanilang iba’t ibang kultura gaya ng paggamit ng mga plato, kutsara, tinidor at maging ang iba’t ibang putaheng kanilang kinakain.
b. Mababa ang naging pagtingin ng mga Pilipino sa sarili nilang kultura. Ang mababang pagtingin na ito ay mababanaag sa mababang pananaw sa mga katutubong Pilipino na nanatiling tapat sa sariling kinagisnang kultura. Iminulat ng mga Espanyol sa mga Pilipino na ang Kristiyano at ang yumakap ng kulturang Espanyol ay sibilisado. Samantala, ayon sa mga Espanyol, ang nanatiling tapat sa sariling kultura ay patuloy na sumasamba sa mga anito at diwata at hindi sibilisado.
c. Maiuugat dito ang kaisipang kolonyal na mababakas pa rin hanggang sa kasalukuyan. Dahil iminulat ng mga Espanyol sa mga Pilipino na ang kultura nila ay superyor, nabuo sa isipan ng maraming Pilipino na ito ang pamantayan na dapat pamarisan. Pinahalagahan ng mga Pilipino ang kultura ng nanakop sa kanila nang higit sa sariling kultura. Ito ang kaisipang kolonyal na nagpatuloy sa panahon ng mga Amerikano. Hanggang ngayon ay bakas pa rin ang pananaw na ito sa maraming mga Pilipino.
            At sa huling linya ng may-akda, “Ay, Ang Anak ng Bayan, ang kapatid ko, ay matututo kaya na kumuhang halimbawa at lakas sa pinagdaaanang mga hirap at binatang mga kaapihan?” tinatawagan naman niya ng pansin ang kanyang mga kababayan na kumilos at tingnan ang liwanag upang hindi na muling mangyari ang kaapihang naranasan at magising sila sa katotohanan.
            Ang sanaysay ni Emilio Jacinto na Ang Ningning at ang Liwanag ay nagpapakita ng katotohanang sinapit ng mga Pilipino sa kamay ng mga Espanyol. Ipinakikita nito na madali tayong naakit sa kanilang layunin at tunay tayong nahumaling na nararapat igalang ang kanilang kapangyarihan bilang mananakop. Hindi natin lubusang tiningnan ang kanilang motibo at ang mga katotohanang naganap sa kanilang pamamahala sa atin.  Ang pagkaakit natin sa ningning na ito at ang pagkabulag natin sa liwanag ay nagdulot ng masamang bunga sa ating mga Pilipino na masasaksihan pa rin natin hanggang ngayon.


IV. Mga Sanggunian:
UP Diksiyonaryong Pilipino Binagong Edisyon
Agno, Lydia N. et al. (2010). Kultura, Kasaysayan at Kabuhayan 5. Quezon City: Vibal      Publishing House, Inc.
Avena L.P. at Magalong N.S. (1999). Yaman ng Wika at Panitikan. Manila: Diwa Scholastics       Press Inc.
Dayag, Alma M. (2007). Pluma 4. Quezon City: Phoenix Publishing House.
http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Emilio_Jacinto

42 comments:

  1. Ano ang huling kahilingan ng may akda ??

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hinihimok ng may-akda ang kanyang mga kababayan na kumilos at tingnan ang liwanag upang hindi na muling mangyari ang kaapihang naranasan at magising sila sa katotohanan.

      Delete
  2. Ayos sa sanaysay, paano natin dapat husgahan and taong nasa paligid natin ??

    Pakisagot po agad, kailangan ko po kasi ngayon ( January 06, 2015 5:14 )

    ReplyDelete
    Replies
    1. Sorry Kimberly. Hindi ko alam ang sagot ayon sa sanaysay. Pero para sa akin, hindi natin dapat husgahan ang mga tao sa ating paligid dahil ang Diyos lamang ang nararapat humusga sa atin. God bless you, Kimberly. And let God take care of you always.

      Delete
    2. Ano po yung kulturang masasalamin sa akdang ito?
      Pakisagot po salamt.

      Delete
  3. ano po ba ang example ng ningning at liwanag sa buhay ng isang tao ???

    ReplyDelete
  4. Mga bagay na nakaaakit sa atin. Ito man ay materyal o mga di materyal na bagay na lubhang nakaaakit sa atin. Maaaring halimbawa ay ang magagandang gamit o maging ang kagandahang panlabas na taglay ng isang tao.

    ReplyDelete
    Replies
    1. ano ang bansang pinagmulan nito??

      Delete
    2. Ang sanaysay na ito ay mula sa Pilipinas. Ang may-akda ng sanaysay na ito ay si Emilio Jacinto. Si Emilio Jacinto ay isang Pilipinong rebolusyonaryo at kilala bilang Utak ng Katipunan.

      Delete
  5. ano ang bansang pinagmulan nito???

    ReplyDelete
  6. Ano po ang struktura ng sanaysay?...:D

    ReplyDelete
  7. paano po magiging liwanag ang ning ning

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hello Amy! Pasensya na at late ang reply ko. Nagiging liwanag ang ningning kapag unti-unti nang nagiging malinaw ang kahulugan ng isang bagay. Nabuksan ang isipan ng mga Pilipino sa pananakop ng mga Espanyol dahil na rin sa mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa ating kalayaan at dahil sa mga lathalain na sinulat ng ating mga bayani para magising ang damdaming makabayan ng mga Pilipino.

      Delete
  8. Pwede ba ito sa Teoryang Moralistiko at Formalistiko?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Para sa akin Ruth, ang pwedeng teorya rito ay Teoryang Sosyolohikal. Ito kasi ang layunin ng teoryang sosyolohikal...
      Teoryang Sosyolohikal

      v Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang kalagayan at suliraning panlipunan ng lipunang kinabibilangan ng may-akda. Naipakikita rito ang pamaraan ng mga tauhan sa pagsugpo sa suliranin o kalagayan ng lipunan na nagsisilbing gabay sa mga mambabasa sa magpuksa sa mga katulad na suliranin.

      Delete
    2. Kaya Sosyolohikal para sa akin kasi ay pinapakita ng sanaysay na yan ang kalagayan ng Pilipinas noong panahon ng mga Espanyol at nagbibigay rin ang sanaysay ng solusyon para sa suliranin na kinakaharap ng mga Pilipino noon.
      Sana ay nakatulong ako sa iyo Ruth. God bless you. :)

      Delete
  9. Hi Ruth! Para sa akin ay hindi ito pwede sa Teoryang Formalistiko. Ang Teoryang Formalistiko kasi ayito ang layunin: "Ang layunin ng panitikan ay iparating sa mambabasa ang nais niyang ipaabot gamit ang kanyang tuwirang panitikan. Samakatuwid, kung ano ang sinasabi ng may-akda sa kanyang panitikan ang siyang nais niyang ipaabot sa mambabasa – walang labis at walang kulang. Walang simbolismo at hindi humihingi ng higit na malalimang pagsusuri’t pang-unawa. " Medyo malalim kasi ang sanaysay na Ang Ningning at Liwanag kaya para sa akin ay hindi ito pwede sa Formalistiko. Pasensya na Ruth at late ulit ang reply ko ha.

    ReplyDelete
  10. ano ang kulturang masasalamin sa akda

    ReplyDelete
  11. ano anong teorya ang nangingibabaw sa akda?
    plz answer ASAP

    ReplyDelete
  12. Anu ang kalagayang panlipunan ang masasalamin sa akda?

    ReplyDelete
  13. Anu ang pangunahing kaisipan ng binasang sanaysay?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Mababa ang naging pagtingin ng mga Pilipino sa sarili nilang kultura. Hanggang ngayon ay may colonial mentality pa ring umiiral sa ating mga Pilipino.

      Delete
  14. Ano-ano ang mga sitwasyong umiiral sa lipunan ang maihahalintulad sa kaisipang masasalamin sa akda?

    ReplyDelete
  15. ano po ang opinyon at katotohanan sa nabasang akda?

    ReplyDelete
  16. Ano po ang kulturang masasalamin sa akdang ito? Pasagot po...

    ReplyDelete
  17. Ano ang masamang bunga ng ningning?

    ReplyDelete
  18. ang sosyo historikal na konteksto ng may akda ng nining at ang liwanag?

    ReplyDelete
  19. Ano Ang nais ipaunawa Ng sumusulat tungkol sa paksa?

    ReplyDelete
  20. Nais ipaunawa ng may akda ang katotohanang sinapit ng mga Pilipino sa kamay ng mga Espanyol. Ipinakikita nito na madaling naakit ang mga Pilipino sa layunin ng mga Espanyol at tunay tayong nahumaling na nararapat igalang ang kanilang kapangyarihan bilang mananakop. Isa itong paghahalintulad kung paano tayo nahuhumaling sa ningning at liwanag ng isang bagay. Hindi natin lubusang tiningnan ang motibo ng mga mananakop na Espanyol at ang mga katotohanang naganap sa kanilang pamamahala sa atin. Ang pagkaakit natin sa ningning na ito at ang pagkabulag natin sa liwanag ay nagdulot ng masamang bunga sa ating mga Pilipino na masasaksihan pa rin natin mapasa hanggang ngayon.

    ReplyDelete
  21. Ipaliwanag ang mga uri ng pagkatao na inilalarawan sa sanaysay na Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto

    ReplyDelete
  22. Paraan ng pagkakabuo ng sanaysay na ningning at ang liwanag

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ang Liwanag at Dilim ay kalipunan ng mga sanaysay na may iba’t ibang paksa tulad ng mga sumusunod: Ang Ningning at ang Liwanag, Ang Kalayaan, Ang Tao’y Magkakapantay, Ang Pag-ibig, Mga Bayan at mga Pinuno (Gobyerno), Ang Maling Pagsampalataya at Ang Paggawa. Ang sanaysay ay isang anyong pampanitikang nagsasaad ng opinyon at obserbasyon ng manunulat tungkol sa isang paksa. Ang sanaysay ay di-piksyon sapagkat ito ay nagsasaad ng isang paksang makatotohanan. Ito rin ay may layuning manghikayat at magbigay ng impormasyon sa mga mambabasa.

      Delete
  23. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  24. Ano ang mga uri ng pagkatao ang pinapakita sa bawat sanaysay?

    ReplyDelete
  25. Ano ang kaugnayan nito sa realidad ng buhay ng isang tao

    ReplyDelete
  26. Nakakatawag-pansin ba ang akdang “Ang Ningning at Liwanag”

    ReplyDelete